Inday TrendingInday Trending
Ang Tunay na Magnanakaw

Ang Tunay na Magnanakaw

Matapobre si Mona. Hindi naman sila masyadong mayaman ngunit masasabing nakakaangat sila sa buhay kaysa sa kanilang mga kapitbahay. Ito ay matapos siyang makapag-asawa ng mayamang Amerikano. Donya na agad ang tingin niya sa sarili.

Dahil dito ay marami sa kapitbahay ang galit sa kanya. Gayupaman, nananatiling tikom ang mga bibig nila dahil kapag kulang sa panggastos ay wala silang malalapitan kundi si Mona. Nagpapautang kasi ito kahit na anong oras ngunit ang interes ay sadyang malaki at hindi makatarungan. Ngunit wala naman silang magagawa.

Ayon dito ay ganon talaga tumatakbo ang negosyo.

Kung hindi makabayad ang mga tao ay kukuha na lamang siya ng gamit sa mga bahay nito kahit na hindi niya kailangan, gaya ng TV o cellphone. Kahit na ano, basta’t makasiguro lamang siya na may makuhang pagmamay-ari ng nagkakautang sa kaniya.

“Hindi talaga pwede. ‘Wag naman ito. Mahalaga ito sa akin dahil pamana pa ito ng lola ko,” umiiyak na sabi ni Aling Luz at halos magmakaawa.

Hindi kasi ito nakabayad ng utang na dalawang libo hanggang sa lumaki habang tumatagal. Lumobo ito sa sampung libo at ngayon ay pilit na kinukuha ni Mona ang isang antigong kwintas.

Ngumisi siya. “Mahal siguro ito, ano? Ibigay mo na lang o baka naman gusto mong ipahuli na lang kita sa pulis?” tanong niya. Agad na namutla si Aling Luz. Alam nitong hindi siya nagbibiro. Minsan na niya iyong ginawa at sigurado siyang kayang-kaya niya iyong ulitin.

Wala din siyang nagawa. Sa huli ay pumayag rin siya sa takot kahit na mahalagang mahalaga ang kwintas sa kanya.

Malaki tuloy ang ngisi ni Mona habang iniispeksyon ang nakuhang kwintas. Mukhang higit pa sa dalawang libo na ibinigay niya kay Luz ang makukuha. Mukhang mataas ang presyo ng isang ito kapag ibinenta niya.

Pero hindi niya na ibebenta kundi isasabit sa kanyang leeg para naman mas lalo siyang magmukhang nakaaangat sa buhay kaysa sa iba.

“Hoy ikaw, anong tinutunga-tunganga mo diyan? Ipaghanda mo ako ng pagkain!” asik niya kay Monina, isang payat na batang may maliliit ding pangangatawan.

Anak ito ng isang malayong kamag-anak na kagaya ng iba ay may utang rin sa kanya at ‘di makabayad. Sa sobrang hirap ng mga ito ay wala siyang napala nang pumunta siya doon.

Kaya naman si Monina na lang ang pilit niyang kinuha para gawing katulong sa buhay, kahit na matindi ang pagmamakaawa ng mga magulang nito.

“Pasensiya na ho!” anito sa tarantang boses at mabilis na tumakbo para sumunod sa kanyang utos.

Nakita niya agad ang marumi nitong kasuotan at marungis na mukha. Para sa kanya ang mga dukha ay hindi niya ka-lebel sa kahit na anong aspeto.

“Tatanga-tanga talaga!” bulong niya pa.

Maya-maya pa ay dumating na ang pagkaing pinahanda niya. Habang kumakain ay wala siyang ibang maisip kung paano pa niya ipapamukha sa ibang tao kung gaano siya nakakalamang.

Nang gabing iyon ay itinabi niya ang kuwintas sa lalagyan ng kanyang mga alahas bago matulog. Ngunit nang umaga ay agad siyang nagalit ng mawala ang alahas sa kanyang pinagtaguan!

Agad nabuo ang teorya na si Monina ang nagnakaw dahil ito lamang ang may intensyon na nakawin ito dahil gusto nito ng pera para makauwi. Grabe na talaga ang mga magnanakaw ngayon! Walang pinipiling tao.

Wala ba itong utang na loob at nanakawan pa talaga siya?

Pwes, nagkamali siya ng ninakawan. Hindi siya papayag na basta-basta malamangan.

“Monina!” Hinaklit niya ang na ang bata sa buhok habang natutulog. Tila nagulantang ito sa kanyang presensiya.

“Ma…am!?” lito nitong tanong, talagang magaling umarte!

“Nasaan na ang kwintas? Alam kong ninakaw mo! Ilabas mo ngayon din bago pa kita ipakulong!” galit niyang sigaw.

Nanlaki ang mata nito sa kanya at may sasabihin sana ngunit agad niyang inunahan. Agad itong tumanggi. “Hindi po! Wala po akong ninanakaw!” sigaw nito at kitang-kita ang takot na bumadha sa mukha.

Ngumisi siya. Hindi naniniwala.

“Hindi ko po ninakaw!” nagmamakaawa ang paslit ngunit masyadong matigas ang kanyang puso.

“Lumayas ka sa bahay ko! Wala akong patutuluyin sa bahay kong magnanakaw!” sigaw niya rito at hinila ang buhok nito palabas ng kanyang bahay.

Hindi niya inalintana ang pag-iyak nito at pagmamakaawa.

“Pakiusap po, wala akong pupuntahan dito. Nasa probinsiya po ang pamilya ko kaya pauwiin nyo na lang po ako!”

Umiling siya. “Umalis ka na! Wala kang mapapala sa akin kahit na isang kusing! O baka naman gusto mong ipahuli na lang kita sa mga pulis?” matigas at pinal niyang sinabi.

Kaya naman wala ng nagawa ang paslit kundi ang umalis habang umiiyak.

Nanatili siyang hindi apektado. Nang gabi ding iyon, habang nanonood sa malaking TV ay nabalitaan niya ang isang paslit na nabundol ng isang malaking trak ng troso kaya agad itong binawian ng buhay.

Napatayo siya sa upuan. Si Monina!

Hindi na nawala sa kanyang isip ang hinantungan ng lahat. Gayunpaman ay pinilit ang sarili na kumbinsihin na wala siyang kasalanan. Ngunit isang araw ay ipinakita ng isa sa mga kasama niya sa bahay ang kwintas na nakita raw sa kanyang kwarto. Marahil ay nahulog niya habang nagbibihis o kung anuman.

Para matahimik siya ay nagbigay siya ng malaking donasyon para sa pagpapalibing dito. Sa kabila ng lahat ay nananatili ang pag-iisip na wala siyang kasalanan at tanging aksidente ang nangyari.

Isag gabi ay tila maalinsangan kaya nagising siya. Nang dumilat ay halos mapasigaw ng makita ang duguang pigura ng bata, si Monina sa gilid ng kama.

“Hindi ako ang magnanakaw. Ikaw. Ikaw ang tunay na magnanakaw. Wala akong ninakaw na kahit na ano sa iyo, Mona. Pero ikaw? Ninanakawan mo ang mga tao araw-araw kagaya ng ninakaw mo ang buhay ko at ang mga pangarap ko. Kailan ka magsisisi?” Naglaho ito matapos.

Kaya naman hindi na siya nakatulog. Sising-sisi siya sa nagawa. Umiyak siya nang umiyak at pagsapit ng umaga ay nagtungo kay Aling Luz para ibalik ang kwintas. Nanghingi siya ng tawad sa mga kapitbahay sa kanyang pagiging matapobre at pagkatapos ay nagtungo sa puntod ng batang iyon para humingi ng tawad.

Nagtungo rin siya sa pamilya ni Monina para hingin ang kapatawaran ng mga ito, ngunit naging mailap para sa kanya ang kapatawaran ng mga ito. Pilit niyang inintindi ang kanilang galit dahil nakita niya na sa wakas ang kanyang kasalanan at pagkakamali.

Magsisi man siya ay huli na ang lahat. Hindi na maibabalik pa ang buhay ng batang pinagbintangan at kinawawa niya. Ipinangako na lamang niya na bilang pag-alala sa bata, gagawin niya ang lahat upang magbago ng pag-uugali at hindi na mang-api ng kapwa.

Advertisement