Bagay na bagay sina Troy at Bianca sa isat-isa kaya marami ang naiinggit sa kanilang relasyon. Bukod kasi sa maganda silang tingnan na magkasama ay halata ang pagiging masaya nila sa isat-isa. Sa pitong taon ng kanilang relayon ay mabibilang lamang sa daliri ang kanilang mga naging pag-aaway na naayos nila agad. Dahil dito ay nagdesidyon na ang dalawa na magpakasal.
“Hindi ko na nakikita ang sarili ko sa iba, mahal. Siyempre naman ay papayag ako,” tugon ni Bianca nang tangunin siya ng binata na pakasal sa kaniya.
“Ako na ata ang pinakamasayang lalaki sa mundong ito, mahal,” sambit naman ni Troy sa mapapangasawa. “Pangako ko sa’yo ay hindi ka magsisisi sa naging desisyon mo. Aalagaan at iingatan kita habangbuhay,” sambit muli ng binata.
Napuno ng pag-ibig ang gabing iyon. Pagkatapos ng pagtatapat ng binata ay agad nilang sinimulan ang paghahanda sa kanilang kasal. Isang araw ay tila mainit ang ulo nitong si Bianca. Lahat ng sabihin ng kaniyang nobyo ay naiirita siya.
“Dapat hindi mo na ako tinanong kung masusunod din naman pala ang gusto mo,” sambit ni Bianca sa kasintahan. “Sa uulitin kung nakapagdesisyon ka na huwag mo na ang tatanungin. Nakakainis lang kasi,” wika na ng dalaga.
“Sandali lang, babe. Bakit ang init agad ng ulo mo? Pwede naman nating pag-usapan ito ng maayos,” tugon ni Troy. “Kung ayaw mo ng napili ko ay babaguhin natin. Huwag ka lang magalit,” saad ng binata.
“Ngayong nagagalit ako saka ka lamang magsasabi ng ganiya? Samantalang kanina ay buo na ang desisyon mo!” pahayag ni Bianca sabay walk out nito.
Hindi naman maintindihan ni Troy kung ano ang nangyayari sa kaniyang nobya kaya agad niya itong tinawagan.
Hindi naman maintindihan ni Troy kung ano ang nangyayari sa kaniyang nobya kaya agad niya itong tinawagan.
“Ayos ka lang ba, mahal? Naiintindihan ko kung nai-stress ka sa pag-aasikaso ng kasal. Simula ngayon ay lagi ko nang hihingin ang opinyon mo,” sambit niya kay Bianca sa kabilang linya ng telepono.
“Ayoko na, Troy. Tigilan na natin ang lahat ng ‘to,” biglang giit ng dalaga.
“Anong itigil na ang sinasabi mo riyan, babe? Pag-usapan natin ‘to. Siguro ay pagod ka lang kaya mo nasasabi ‘yan. Gusto mo na ba magpahinga? Kung gusto mo ay ipagpabukas na lamang natin ‘to,” wika ni Troy.
“Oo, Troy, pagod na ako. Pagod na ako sa relasyon na ‘to kaya gusto ko nang humiwalay. Pasensiya ka na pero nakapagdesisyon na ako, paalam,” sambit ni Bianca sabay baba ng telepono.
Gusto mang magsalita pa ni Troy ay hindi na niya nagawa sapagkat hindi na rin niya matawagan pa ang dalaga. Kinabukasan ay wala pa ring tugon mula kay Bianca. Walang dumaang minuto na hindi sinubukan ni Troy na tawagan ang dalaga. Kaya nag desisyon na siya na pumunta sa tinutuluyan nito.
“Umalis na kahapon pa si Bianca. Sinundo siya ng isang lalaki. Biglaan nga ang pag-alis niya. Hindi na niya nakuha ang iba pa ang ilan niyang mga kagamitan. Ang sabi niya ay pababalikan na lamang daw niya,” wika ng kasera ng dalaga.
Lubusang pinagtataka ni Troy ang mga nangyari. Hindi niya alam kung bakit biglang nagdesisyon ng ganoon ang kaniyang mapapangasawa. Isang palaisipan pa sa kaniya ay kung sino ang lalaking tinutukoy ng babae na sumundo kay Bianca.
“Hindi kaya matagal na siyang nakahanap ng iba? Pero hindi ko naman naramdaman ang panalalmig niya sa akin. Ano kaya ang dahilan mo, Bianca, bakit mo ako iniwan ng ganito?” umiiyak na sambit niya sa kaniyang sarili.
Ilang araw din na nagpakalugmok itong si Troy. Wala siyang ginawa kundi hanapin ang dalaga at uminom. Isang dating kasamahan nito sa trabaho ang nakapagturo ng kinaroroonan ni Bianca.
“Parang may nabanggit siya sa akin noon na kung bibigyan siya ng pagkakataon ay babalik siya sa kanilang probinsiya sa Quezon at gusto niyang balikan ang alaala ng kaniyang unang pag-ibig,” wika ng dating kaopisina ni Bianca.
Dahil sa narinig ng binata ay agad siyang nagtungo sa Quezon upang hingin ang paliwanag ni Bianca sa pang-iiwan sa kaniya at sa kaniyang pagatras sa kasal. Sa puntong ito na rin niya napagtanto na marahil nga ay may iba nang iniibig ang dalaga. Hindi mapigilan ni Troy na makaramdam ng lungkot at galit. Nagmamadali siyang nagmaheno at tinunton ang dating tirahan ni Bianca sa Quezon.
Nang makarating siya ay nakita nga niya ang dating kasintahan na hawak kamay ng isang lalaki. Halos magkayakap na ang dalawa sa paglalakad habang halata mo sa kanilang mga ngiti ang saya.
Hindi alam ni Troy ang mararamdaman. Unti-unti niyang nilapitan ang dalawa. At agad niyang sipanak ang binatang kasama ni Bianca.
Ngunit nagulat na lamang siya nang biglang bumagsak ni Bianca.
“Bianca!” sigaw ng lalaki. “Troy, makinig ka muna, Hindi ito tulad ng inaasahan mo,” aniya.
Agad binuhat ng lalaki si Bianca at iniupo sa kaniyang wheel chair at dali-daling dinala sa loob ng bahay at inihiga sa kama nito.
“A-anong ibig sabihin nito?” pagtataka ni Troy.
“Troy, ako si Lemuel. Pinsan ako ni Bianca. Simula ng binawian ng buhay ang kaniyang mga magulang ay ako na ang tumao dito sa kanilang lumang bahay,” paliwanag ng lalaki. “Malubha ang kalagayan ni Bianca. Tinawagan niya ako para sunduin ko siya sa tinutuluyan niya sa Maynila nang malaman niya ang resulta ng ginawang eksaminasyon sa kaniya,” dagdag pa ng ginoo.
“Bilang na lang ang mga nalalabing araw niya dito sa mundo, Troy. Ang sabi niya sa akin ay kaysa malungkot ka sa kaniyang pagpanaw ay maaga kang maging balo ay nais na lamang niyang makipaghiwalay sa’yo upang magalit ka sa kaniya. Sa ganoong paraan ay mas madali sa iyo ang humanap ng kapalit niya,” pahayag ni Lemuel.
“Ginawa niya lamang ‘yon dahil lubusan ka niyang mahal,” dagdag pa ng lalaki.
Hindi na napigilan pa ni Troy ang lumuha. Buong akala niya ay kaya siya iniwan ng kaniyang pinakamamahal ay dahil sa may iba na ito. Binantayan niya si Bianca hanggang sa magkamalay.
“Mahal, ano bang pumasok sa isip mo at iniwan mo ako? Hindi ba magpapakasal pa tayo? Sino ang nagsabi sa’yo na magiging pabigat ka sa akin? Hindi ba nangako ako sa’yo noon na mamahalin kita habang buhay ko. Hayaan mo akong alagaan ka,” lumuluhang sambit ni Troy sa dalaga.
“Troy, patawarin mo ako kung hindi ko sinabi sa iyo ang tungkol sa sakit ko. Sa lahat ng tao ay ikaw ang pinakahuling taong nais kong saktan pero alam ko na kung mawawala ako sa’yo ng tuluyan ay labis mo itong ikakalungkot. Kaya ito lang ang naisip kong solusyon. Patawarin mo ako,” tugon niya sa binata.
“Aalagaan kita, Bianca. Tatanggapin ko kahit gaanong kaiksi na lamang ang panahon na mayroon ka. Pakakasalan pa rin kita. Hayaan mo naman ako mahalin ka sa paraang alam ko,” pakiusap ng binata.
“Salamat sa pagmamahal mo, Troy!” patuloy sa pag-iyak ang dalaga.
Sa kabila ng malubhang kalagayan ni Bianca ay pinakasalan pa rin siya ni Troy. Walang araw na hindi niya pinaligaya ang kaniyang asawa. Hindi niya ito pinabayaan at lubusan ang pagkalinga niya dito. Hanggang isang araw ay nangyari na nga ang kinatatakutan niya, Binawian na ng buhay ang kaniyang pinakamamahal.
Masakit man kay Troy ay maligaya na nakasama niya ang kaniyang pinakamamahal n asawa sa mga huling sandali ng buhay nito.
Habang iniaayos niya ang mga gamit ni Bianca ay may nakita siyang isang kapirasong papel. Liham ito ni Bianca para sa kaniya. Dahan-dahan niya itong binuksan at binasa.
Mahal,
Walang mapaglagyan ang kasiyahan ko dahil ikaw ang dumating sa buhay ko. Kung uulitin ko ang aking buhay ay paulit-ulit kitang pipiliin. Patawad kung maikli lamang ang naging oras ko sa mundo. Ngunit sasabihin ko sayo na lubusan kong pinagpapasalamat ang bawat sandali sapagkat nakasama kita.
Noon, nais kong mapayapang umalis sa mundong ito kaya nagpauwi ako sa Quezon. Dahil nais kong balikan ang alaala ng lalaking unang at huli kong minahal. Gusto kong maalala ang mga bawat sandali nang magkakilala tayo sa probinsya hanggang sa mga araw na nagpasya tayong magpakasal.
Binigyan mo ng kahulugan ang buhay ko. Sana ay ganoon din ako sa’yo. Ikaw lang ang lalaking minahal, mahal at mamahalin ko, Troy. Isa lamang ang hihilingin ko sa’yo, gusto ko ay mabuhay ka ng maligaya at mahaba. Ikaw ang magtuloy ng lahat ng mga pangarap natin. Ikaw ang maging buhay ko diyan sa lupa. Lahat ng kaligayahan na mararamdaman mo ay magiging kaligayahan ko rin.
Mahal na mahal kita, Troy. Huwag mo akong kakalimutan.Hanggang sa muling pagkikita natin dito sa kabilang buhay.
Nagmamahal,
Ang iyong asawa.
Walang patid sa pag-iyak si Troy dahil sa kaniyang nabasa ngunit dahil din dito ay nagkaroon siya ng mas magandang pananaw sa hinaharap. Hindi man niya kasama ngayon ang kaniyang pinakamamahal na asawa ay alam niyang maligaya na ito sa langit at mas magiging maligaya pa si Bianca kung ipagpapatuloy ni Troy ang kaniyang buhay ng may ngiti sa kaniyang mga labi.