Halos hindi mapaghiwalay ang magkasintahang Renzo at Annika na parehas na nasa ikatlong taon ng kanilang kolehiyo. Parehas man ang pinapasukang eskwelahan ay magkaiba naman ang kanilang mga kurso.
Itong si Renzo ay kumukuha ng kursong Fine Arts samantalang si Annika ay kumukuha ng kursong sikolohiya. Kahit na masyado silang abala ngayon sa kanilang pag-aaral ay nagagawa pa rin ng dalawa na gumawa ng paraan na sila ay magkita at magkasama.
Ngunit nagbago ang lahat ng ituloy ni Renzo ang kaniyang balak na pumasok sa swimming team. Matagal na kasing balak ito ng binata ngunit napipigilan siya sapagkat mahahati na ang kaniyang oras para sa kasintahan. Kahit na may nararamdamang pag-aalinlangan si Annika sa desisyon na ito ni Renzo ay umayon na rin siya sapagkat alam niyang niyang hilig talaga ito ng kasintahan.
“Babe, ipangako mo lang sa akin na kapag may panahon ka ay bibisita ka pa rin sa bahay. Alam ko namang magiging abala ka na lalo dahil sa mga ensayo ninyo kaya kung kaya mo sana ay mabigyan mo pa rin ng panahon ang relasyon natin. Nauunawaan ko naman ang prayoridad mo ngayon,” wika ni Annika.
“H’wag kang mag-alala, babe. Para naman akong mangingibang bansa kung sabihan mo nang ganyan. Siyempre, ikaw pa ba? Lahat ng libreng oras ko ay ibibigay ko sa’yo,” tugon naman ng binata.
Hindi lamang masabi ni Annika na may pagseselos at takot siyang nararamdaman sapagkat alam niyang maraming magaganda at mahuhubog ang katawan ang sali sa swimming team. Nakapagpadagdag pa sa kaniyang iniisip na ang mga babaeng ito ay nakasuot nang bathing suit tuwing ensayo.
Dahil hindi niya ito masabi sa kaniyang kasintahan ay naikwento niya ito sa kaniyang matalik na kaibigang si Melai.
“Wala naman akong magagawa, bes. Bilang nobya ni Renzo ay gusto ko siyang suportahan sa mga bagay na gusto niyang gawin. Ayoko namang maging balakid sa pagtupad niya ng pangarap niya. Saka mahirap ang makapasok sa swimming team. Malaking tulong din ‘yon para sa pag-aaral niya,” kwento niya sa kaniyang kaibigan.
“Saka, bes, hindi naman ganon si Renzo. Hindi niya magagawa na lokohin ka. Halos sa’yo na nga umikot ang mundo niya, hindi ba?” wika ni Melai.
Kahit anong pagpapalakas ng loob ang gawin ni Melai sa kaniyang kaibigan ay hindi pa rin maialis ni Annika ang pag-isipan si Renzo ng hindi maganda.
Naging sunod-sunod na nga ang mga araw ng ensayo ng binata at madalang na lamang silang magkita ng dalaga. Dahil rin sa pagod ay madalang na rin kung makatawag o maka text ang binata. Kaya lubusan ang pagtatampo ni Annika.
Hanggang sa nakita niya ang isang larawan na ipinost ng isang kasamahan ni Renzo sa swimming team.
“Congratulations, Renzo, sa pagiging vice president ng ating swimming team,” ito ang nakasaad sa naturang post at may kalakip pa ng kanilang litrato na masaya. Halata sa kanilang dalawa na malapit sila sa isat-isa.
Lubusan ang hinanakit na naramdaman ni Annika sa kaniyang nakita.
“Bes, ni hindi nga niya naikwento man lang sa akin na vice president na pala siya sa kanilang team. Tapos nakita mo ba ang pagiging malapit nila sa isat-isa?” pahayag ni Annika. “Nararamdaman ko talaga na may namamagitan sa kanilang dalawa,” sambit pa niya.
“Naku, bes, baka naman magkaibigan lang ang dalawa. Saka tinanong mo na ba si Renzo tungkol sa larawan na ‘yon?” tanong ni Melai. “Sa tingin ko ay bago ka mag-isip ng kung ano-ano riyan ay kausapin mo muna ang nobyo mo,” payo ng kaibigan.
Ngunit sa tuwing nakikita ni Annika ang larawan ay hindi niya mapigilan ang selos. Kaya nakapag desisyon siya na kausapin na ang binata. Agad siyang nagtungo sa swimming pool ng paaralan kung saan nag-eensayo ang kaniyang nobyo at kasamahan nito. Hindi pa man siya nakakapasok ng pasilidad ay nakita na niya agad si Renzo kasama ang babaeng nag post ng kanilang larawan. Sa kaniyang inis ay agad niyang sinugod ang dalawa.
Patakbo siyang nagtungo sa dalawa at nang makalapit siya sa babae ay agad niya itong hinablot sa buhok.
“Haliparot kang babae ka! Bakit mo nilalandi ang nobyo ko?” sigaw ni Annika habang sinasabunutan ang babae.
Agad namang umawat si Renzo at ilang kasamahan nito.
“Sandali lang, babe, hayaan mo muna akong magpaliwanag!” sambit ni Renzo habang pinaghihiwalay ang dalawa.
Nang nailayo na ni Renzo ang kaniyang nobya ay hindi na napigilan pa na humagulgolng iyak itong si Annika.
“Renzo, bakit mo nagawa sa akin ‘to? Pinagkatiwalaan kita!” walang habas sa pag-iyak ang dalaga. “Bakit nakuha mo akong ipagpalit diyan sa babae na ‘yan?” dagdag pa niya.
“Nagkakamali ka, babe. Hindi kita pinagpalit. Presidente ng swimming team ‘yang si Lyka. Iyon ang dahilan kung bakit kami palaging magkasama,” wika niya. “At isa pa, hindi kami talo niyang si Lyka. Pusong lalaki siya! Babae din ang gusto niya at sa katunayan ay may nobya siya,” paliwanag pa ni Renzo.
Nabigla si Annika sa kaniyang narinig. Wala pala dapat siyang ipagselos sa kaniyang nobyo. Hiyang hiya siya sa nagawa sa presidente ng swimming team ng paaralan.
“Humihingi ako ng tawad sa’yo, Lyka. Hindi dapat pabusgo-bugso ang aking mga kilos. Pagpasensiyahan mo na ako sapagkat nagseselos lang ako talaga,” paghingi niya ng paumanhin sa dalaga.
“H’wag mo nang isipin ‘yon. Sa susunod ay mas mabuti na alamin mo muna ang lahat. Maganda kung kausapin mo muna ang iyong nobyo. Naiintindihan ko ang reaksyon mo ngunit sa susunod ay huwag ka muna agad manghuhusga. Baka kasi ikapahamak mo rin, Annika,” sambit naman ni Lyka.
Nagkapatawaran na ang lahat. Nagsilbing aral naman ito sa dalaga na pagkatiwalaan ang kaniyang nobyo at huwag basta-basta humuhusga ayon lamang sa kutob na nararamdaman. Patuloy na naging parte si Renzo ng swimming team. Si Annika naman ay buong tiwala na ang ibinigay sa kaniyang nobyo.