Inday TrendingInday Trending
Goryong Pagpag

Goryong Pagpag

Nasa elementarya palang noon si Goryo ay hindi na siya nakaiwas sa mga pangungutya ng kaniyang mga kaklase. Lubusan kasi ang hirap ng pamilya ni Goryo na nakatira lamang sa gilid ng tambakan ng basura.

Nangangalakal ang kaniyang ina upang mapag-aral silang tatlong magkakapatid. Ang kaniyang ama naman ay may sakit na tuberkulosis kaya hindi na nito pa nagawang makapagtrabaho dahil sa mga kumplikasyon.

Pilit na iginagapang ng kaniyang ina ang kanilang pag-aaral kahit pa salat sila sa buhay. Naniniwala kasi ito na ang edukasyon ang tangi nilang susi upang makaahon sa kanilang sitwasyon. Kaya kahit tampulan ng tukso itong si Goryo ay pilit pa rin siyang pumapasok.

“Nakita ko ‘yung nanay ni Goryo kagabi, nangunguha ng mga natirang pagkain sa isang restawran. Akalain mo nasa basurahan na kinukuha pa nila,” sambit ni Mike sa isa pa niyang kaklase.

“Baka naman pagkain ng aso nila ‘yun?” pag-usisa ng bata.

“Hindi, kasi narinig ko sabi ng nanay niya sa kapatid ni Goryo ay manok na naman ang ulam nila kinabukasan. Kaya gusto ko malaman ngayon kung anong baon ni Goryo para sa pananghalian?” sambit pa ni Mike.

Ilang sandali ay oras na ng pananghalian at ang lahat ay inilabas ang kanilang baong pagkain.

“Goryo, hulaan ko kung anong ulam mo?” sambit ni Mike. “Manok!” sabay tawa nito.

Nang buksan nga ni Goryo ang kaniyang baunan ay manok ang ulam ng bata.

“Piritong manok ‘yan kahapon, Goryo. Ang galing ng nanay mo at nagawa niyang adobo!” wika muli ng bata sabay tawa.

Napayuko na lamang sa kahihiyan si Goryo.

“Nakita ko ang nanay mo kagabi, nangunguha ng makakain ninyo sa basurahan. Ano, Goryo, masarap ba ang mga pagkaing nalawayan na ng iba? Kahit langaw nga ay nakalaway na riyan!” panunukso ni Mike.

Mula noon ay tinawag na nila ang bata na “Goryong Pagpag”.

Hindi naman nais ni Goryo na kumain ng tira ng ibang tao. Ngunit dahil nabibilang sila sa mga taong nasa laylayan ng lipunan ay wala silang magagawa lalo na kung kumakalam ang kanilang sikmura.

Halos tatlong beses sa isang Linggo kung kumain ng pagpag itong pamilya ni Goryo. Hindi lingid sa kanila ang mga sakit dulot ng mikrobyo na nakukuha ng pagkain nila ng mga tirang pagkaing nasa basurahan. Kaya hanggat maaaring hindi sila kumain nito ay gagawin nila. Ngunit talagang hindi pumapabor sa kanila ang tadhana.

Isang araw ay tuluyan nang binawian ng buhay ang ama ni Goryo. Ni hindi man lamang nila ito mabigyan ng isang maayos na libing. Inilapit nila ito kung kani-kanino at isang NGO ang nagmabuting puso na ipalibing ang haligi ng tahanan.

“Napakahirap pong maging mahirap,” sambit ni Goryo. “Hayaan ninyo nanay kapag tapos na ako ng hayskul ay agad po akong hahanap ng trabaho. Magkakargador po ako kung kailangan o ‘di kaya naman ay tagalinis ng bahay. Basta tutulungan ko po kayo,” wika ni Goryo sa kaniyang ina.

“Hindi ka hihinto ng pag-aaral, Goryo. Kung kailangang ipanglimos ko ang pag-aaral ninyong magkakapatid ay gagawin ko. Tanging ang edukasyon lamang ang magsasalba sa inyo sa kahirapan,” pangaral ng ina.

Pagdating naman sa eskwelahan ay tampulan pa rin ng tukso itong si Goryo. Ngunit dahil alam niyang wala siyang laban sa kaniyang mas nakakaangat sa buhay na kaklase ay binabalewala na lamang niya ito. Kahit madalas ay gusto niyang umiyak sa tuwinang tinutukso siyang Goryo pagpag ay pilit na lamang niyang iniisip ang tinuran ng kaniyang ina.

“Tignan natin ngayon kung ano na naman ang ulam ni Goryong Pagpag. Malamang ko ay masarap na naman ‘yan!” pangungutya ni Mike sabay bukas ng baunan ni Goryo.

“Wow! Pangmayaman ang ulam na naman ng kaibigan natin! Paksiw na lechon!” sigaw muli ni Mike buong klase. “Malamang sa basurahan malapit sa lechunan ito kinuha ng nanay mo, ano? Ibang klase din kayo, Goryo. Dahil lang sa gusto ninyong mag-ulam ng masarap ay kahit na tira na ng iba ay papatusin ninyo?” kantiyaw pa ng bata.

Lubusan ang kahihiyan na inaabot ni Goryo. Habang kinakain niya ang pagpag na baon niya ay hindi nito maiwasan ang maluha. Ipinangako niya sa kaniyang sarili na gagawin niya ang lahat upang hindi na muli sila kumain pa ng mga natirang pagkain ng ibang tao.

Ginalingan ng husto ni Goryo sa kaniyang pag-aaral sa elementarya. Nang maghayskul ay nakakuha siya ng scholarship mula sa pamahalaan dahil na rin sa kaniyang talino. Upang matustusan ang kanilang pag-aaral na magkakapatid ay tumulong na rin si Goryo sa kaniyang ina. Minsan ay umeekstra ito bilang isang pedikab drayber.

Hindi inaakala ni Goryo na makakaabot pa siya ng kolehiyo. Hindi naging madali ang lahat para sa binata ngunit lahat ng hirap ay napawi rin ng sa wakas ng siya ay makapagtapos at magkaroon na siya ng magandang trabaho.

Gumanda ang kanilang buhay. Ang dating bahay nila na nasa tabi ng isang malaking basurahan ay ngayon ay nasa isang eklusibong subdivision na. At kahit kailan ay hindi na sila muling kumain pa ng pagpag.

Naisip ni Goryo ang lahat ng kaniyang pinagdaanan sa buhay. Dahil sa pagpapalang kaniyang tinatamasa ay nais niyang makatulong sa mga pamilya na kagaya rin nila noon na dumanas ng lubusang hirap.

Minsan sa isang buwan kung magpakain si Goryo sa mga pamilya sa kanilang dating lugar. Habang ibinabahagi ang mga pagkain sa isang tenement ay may isang pamilyar na mukha siyang nakita.

“Mike? Ikaw ba ‘yan?” tanong niya sa lalaki. “Mike, ikaw nga!” sambit ni Goryo.

Hindi naman siya nakilala agad ng lalaki. “Mike, si Goryo ito. Kumusta ka na?” saad ng ginoo.

Napayuko sa hiya itong si Mike. Laking gulat niya sapagkat hindi niya akalain na ang nagpapakain pala sa kanilang lugar ay ang dati nitong kaklase na kaniya laging inaalipusta.

“G-goryo, ito, nakatira kami ng pamilya ko dito sa tenement. Ni hindi na nga ako nakapag-aral ng kolehiyo. Isa akong pahinante ngayon sa may Divisoria,” tugon ni Mike kay Goryo. “Ikaw, kumusta ka na? Mukhang big taym ka na, ha?” dagdag pa ng lalaki.

“Naku, hindi naman sa ganoon. Medyo nakakaluwag lamang sa buhay kaya ito, ibinabalik ko lamang sa aking kapwa ang pagpapalang nararanasan ko ngayon. Nais ko kasi sa maliit na paraan na ito ay maiwasan ng mga pamilyang kagaya namin noon na kumain ng tira ng ibang tao,” paliwanag ni Goryo.

Humingi ng paumanhin si Mike sa kaniyang mga nagawa sa ginoo noong araw. Agad naman siyang pinatawad ni Goryo.

“Wala na sa akin iyon, Mike. Siguro ay kinailangan ko rin ang lahat ng pinagdaanan kong hirap upang sa gayon ay lalo kong pagbutihin. Nagsumikap ako ng husto upang makaalis kami ng aking pamilya sa dati naming buhay. Hindi naging madali ngunit sa tulong ng sipahg at tiyaga ay nakaahon din kami,” sambit pa niya.

Naging inspirasyon ang kwento ni Goryo sa maraming kabataan sa kanilang lugar. Halos lahat sila ay nais magsumikap upang marating din nila ang narating ng kanilang idolo. Hindi naman natapos si Goryo sa pagtulong sa kaniyang kapwa. Bukod sa feeding program na kaniyang ginagawa ay nagtayo na rin siya ng isang foundation na tumutulong sa mga kabataang nais mag-aral ngunit salat sa buhay.

Para sa kaniya walang imposible kung ikaw ay mangangarap at pagsisikapan mo itong abutin.

Advertisement