Inday TrendingInday Trending
Selda Ng Nakaraan

Selda Ng Nakaraan

“Sir, parang awa niyo na, tanggapin niyo na po ako. Gusto ko po ulit mag-aral at maging player ng basketball ng paaralang ito,” pagmamakaawa ni Pio sa principal ng kanilang paaralan na tila mausisang tinitignan ang kaniyang mga papeles.

“Pio, hindi ka ba nagsasawang ipahiya itong paaralan na ito? Baka nakakalimutan mo, halos ipasara na ito noong malamang dito ka nag-aaral noon. Isipin mo naman ang ibang estudyanteng gustong magkaroon ng magandang kinabukasan. Huwag mo silang igaya sa’yo na puro kat*rantaduhan at bisyo ang alam! Ayokong may pulis na naman na pupunta dito para lang dakipin ka!” sermon ni Mr. Kho sa lokong binata noon.

“Nagbago na po ako, sir. Pangako, makikilala itong paaralan hindi na dahil sa kapalpakan ko, kundi dahil na sa tagumpay ko,” mangiyakngiyak nang pagmamakaawa ng binata.

“Hindi namin kailangan ang isang tulad mo. Isa pa, may record ka na sa pulisya, hindi ka na talaga pwede dito.” pagdadahilan pa nito saka pinunit ang mga dokumentong ibinigay ng binata.

“Sir, lahat naman po ng tao may karapatang magbago, ‘di ba?” pangungumbinsi ng binata, tila nais niya talagang makapasok muli sa paaralan.

“Hindi ang isang tulad mo na lulong sa masamang gamot. Sige na, sinasayang mo ang oras ko!” bulyaw nito saka siya pinalabas ng silid. Walang nagawa ang binata kundi sumunod at maluha na lamang habang naglalakad.

Dalawang taong nabilanggo ang binatang si Pio. Nahuli kasi siyang gumagamit ng pinagbabawal na gamot sa loob ng kanilang paaralan. Anim na buwan lamang sana siyang mamamalagi sa loob ng kulungan, ngunit dahil sa angking kat*rantaduhan ng binata, nadagdag ito nang nadagdagan.

Isang madre sa kulungan ang nakapagpatino na binata. Lagi siya nitong binabasahan ng bibliya at pinapangaralan, dahilan upang magtino siya.Nakalaya nga ang binata at nangakong hindi na muli susubok ng maling gawain, kundi gagawa na ng tama para sa kaniyang kinabukasan. Ngunit tila hanggang ngayon, pinapangaralan siya ng tadhana dahil ayaw na siyang tanggapin ng pinapasukan niyang paaralan noon. Sumubok na rin siya sa ibang karatig paaralan ngunit palagi siyang tinatanggihan.

Habang naglalakad noong araw na iyon, kasabay ng pagluha niya, nanalangin siya sa Panginoon, “Diyos ko, bahala ka na sa kinabukasan ko. Haplusin mo ang mga puso nila upang maliwanagan silang kaya ko pang magbago,” at pagbukas niya ng kaniyang mga mata, natanaw niya na lang ang isang paaralan.

“Dito mo ba ako gusto mag-aral, Diyos ko? Pwes, gagawin ko ang lahat para makapasok dito!” masiglang ika niya saka pinunasan ang kaniyang luha.

Kaagad na umuwi ang binata upang kumuha muli ng mga dokumentong kinakailangan niya. Nagmamadali siyang lumabas ng bahay ngunit bigla siyang tinawag ng kaniyang ina.

“Pio, hindi ka pa ba susuko? Gusto mo talaga mag-aral? Bakit hindi ka na lang sa ibang bansa mag-aral katulad ng gusto ng daddy mo? Pinagtatabuyan ka na nila, anak,” malungkot sabi ng kaniyang ina.

“Mommy, gusto ko po talaga rito. Papakita ko sa kanila kung paano ako nagbago. Huwag po kayong mag-alala, sa hinaharap, tatawanan ko na lang lahat ng paghihirap kong ito,” pangangatwiran naman ng binata habang halos makita na ang lahat ng ngipin sa laki ng ngiti.

Sinubukan nga ng binatang pumasok sa paaralang nakita niya, hindi kalayuan sa kanilang bahay. Mahirap man ang pinagdaan niyang proseso dahil nga may record na siya sa pulisya, hindi ito ininda ng binata. Sa kabutihang palad naman, nang mapatunayang malinis na ang binata sa pulisya, tinanggap siya ng paaralang ito.

Labis ang tuwa ng binata habang mangiyak-ngiyak naman ang kaniyang ina nang malamang sa wakas, may paaralan nang tumanggap sa kaniya kahit pa nakagawa siya ng mali dati.

Pinag-igihan ng binata ang kaniyang pag-aaral at katulad ng nais niya, pumasok siya basketball varsity ng paaralan. Dahil sa angking galing sa laro, natanggap ang binata.

Dumating ang araw na ipinagtapat ang pinapasukan niyang paaralan noon at ang paaralan niya ngayon dahilan upang makalaban niya ang dati niyang mga kasamahan. Puro pagpaparinig at pangungutsya ang naririnig niya sa mga ito, ngunit hindi niya ito inintindi at binigay lang lahat ng kaniyang makakaya.

Sa huli, itinanghal na kampeyon ang paaralan na kinabibilangan niya ngayon at siya ang naparangalan bilang star player. Kitang-kita niya kung paano mapakamot ng ulo ang principal na tumanggi sa kaniya na naging dahilan pa upang magpursigi siya sa paglalaro at pag-aaral.

Hindi naman nagtagal, nakilala sa buong bansa ang binata. Lumabas kasi na dati siyang bilanggo at kumalat ang kaniyang kwento kasama ang kaniyang pagsisikap na makabalik sa pag-aaral. Ngunit imbis na batuhin ng mga masasamang salita, nakatanggap ang binata ng mga parangal dahil sa kaniyang labis na pagsisikap.

“Tunay ngang hindi kailanman tayo dapat mahusgahan sa ating nakaraan, dahil ang mahalaga ay kung paano natin sisimulan ang bago naging buhay na makakapagbigay pag-asa sa ating kinabukasan,” ‘ika ng binata sa isang programa sa loob ng kanilang paaralan dahilan upang magsitayuan ang mga estudyanteng nakarinig nito.

Bunga man tayo ng mapait na nakaraan, palaging tandaan, kung hindi mo iyon naranasan, hindi ka matututong bumangon at maranasan ang tagumpay at ginhawa sa buhay.

Advertisement