Inday TrendingInday Trending
Katutubong Modelo

Katutubong Modelo

“Sigurado ka? Gusto mong maging isang modelo? Sa itsura mong ‘yan, tingin mo may tatanggap sa’yo? Naku, kung ako sa’yo, Rosie, mag-aaral na lang akong mabuti, sigurado pa ang kinabukasan ko kaysa sa model model na ‘yan! Kukutsain ka lang ng naggagandahang dilag doon,” pangaral ni Aling Flor sa anak pagkatapos basahin ang isang parental consent na binigay ng kaniyang anak galing sa isang model agency.

“Ma, pirmahan niyo na lang po ‘yan. Ako na pong bahala kung paano ko papagandahin sarili ko,” sagot ni Rosie sa kaniyang ina habang naglalagay ng pulbos sa mukha.

“Wala ng pag-asa ‘yan, Rosie! Kahit make-up hindi na tatalab sa’yo! Tingnan mo nga ang kutis mo, halos kasing itim na ng uling, ‘yang ilong mo, mas flat pa sa gulong ng tricycle ng tatay mo! Naku, tumigil ka!” sermon ng ginang, bahagya namang napayuko ang dalaga sa pambababa ng kaniyang ina, bigla namang sumabat ang kaniyang ama, tila naalimpungatan ito sa ingay ng bunganga ng ginang.

“Ano ba ‘yan? Ang ingay-ingay niyong mag-ina, ang aga aga!” sigaw nito saka padabog na isinara ang pintuan.

“Ito kasing anak mo, wala sa lugar ang pangarap! Aba, gusto maging modelo eh, kita mo naman ang itsura niya!” pangangatwiran ng ginang, nanatiling nakayuko ang dalaga at bigla siyang nabuhayan sa sinabi ng kaniyang ama.

“O, ano naman masama sa itsura niya? Akin na nga, ako na pipirma para manahimik na kayo,” wika nito sabay hablot sa ballpen at papel na hawak ng ginang, pinirmahan niya ito, sabay kindat sa dalaga.

“Salamat po, papa! Hindi ka magsisisi, pangako!” masiglang sambit ng dalaga saka nagmadaling umalis, narinig niya naman ang pagbuntong hininga ng kaniyang ina sa desisyong ginawa ng kaniyang ama.

Labing pitong taong gulang pa lamang ang dalagang si Rosie. Sa murang edad, nabuksan na ang kaniyang isip sa hirap ng buhay dahilan upang gustuhin niyang makapasok sa isang model agency. Narinig niya kasing naghahanap daw ito ngayon ng mga bagong modelo.

Dati pa man, gusto na talaga ng dalaga maging isang modelo. Nais niya palaging sumali kapag may patimpalak sa kanilang eskwelahan patungkol dito ngunit lagi siyang inaayawan ng mga organizer dahil daw hindi nila kailangan ng “exotic beauty”.

Isang katutubong ita ang kaniyang ama. Sa katunayan nga, madalas rin itong nakukutsa ngunit hindi ito nahihiyang ipagmalaki ang kanilang lahi, kaya lagi itong nakasuporta sa kung anong gustuhin ng nag-iisa nilang anak. Kasalunghat ng kaniyang ina, na tila palagi silang ikinahihiya.

Nang araw ring ‘yon, humangos ang dalaga sa naturang model agency. Doon niya nadatnan ang naggagandahang dilag na nais rin maging modelo. Matangkad, makinis ang balat, tuwid at mahaba ang buhok, dahilan upang manliit siya sa mga ito. Lalo pang bumaba ang tingin ng dalaga sa sarili nang mapagkamalan siya ng mga itong janitress at pinapalinis ang natapong juice sa sahig.

“Ay, hindi po ako nagtatrabaho dito. Sa katunayan, susubok rin akong maging modelo,” sagot niya, nagtawanan naman lahat ng dalagang nakarinig.

“Sigurado ka?” tanong ng isang dalaga saka humalakhak, hindi na lamang siya umimik at naupo na lamang sa isang tabi. Laking gulat niya nang may magbigay sa kaniya ng isang maliit na papel na may nakasukat na numero uno.

“Ikaw ang una kong napiling modelo, pumasok ka na sa loob. Pumili ka na ng damit na gusto mong isuot, mamaya titingnan namin kung paano ka maglakad at rumampa,” nakangiting sambit ng isang magandang ginang saka nag-abot pa ng mga papel sa ibang dalaga, tila nabuhayan ng loob ang dalaga at agad-agad na nagtungo sa isang silid upang maghanap ng masusuot.

Pagkaalis ng dalaga, agad na sinermunan ng ginang lahat ng nag-alipusta dito.

“Kitang-kita ko kung paano niyo pagtawanan ang dalagang iyon, lahat kayong natira, hindi karapat-dapat maging isang modelo. Maupo kayo sa mga upuang iyon, at panuoring magtagumpay ang katutubong pinagtatawanan niyo,” dagdag pa nito sa umalis sa silid na iyon, halos mangiyak-ngiyak sa pagsisisi ang mga dalagang naiwan, lahat pa naman sila ay may angking kagandahan.

Pumili ang dalaga ng isang bestidang kulay rosas. Naglakad siya ng marahan sa entablo, hindi niya alintana ang mga mapanghusgang matang todo titig sa kaniya. Tuwang-tuwa naman ang ginang na pumili sa kaniya. Natanggap ang dalaga bilang isang modelo. Hindi lubos makapaniwala ang kaniyang ina habang labis naman ang ligayang nakita niya sa mga ngiti’t mata ng kaniyang ama.

Hindi kalaunan, naging isang tanyag na modelo ang dalaga. Dahil sa angking kagalingan nito sa paglalakad at natural na kagandahan, maraming tao ang lubos na humanga sa kaniya.

Unti-unting nakaahon sa hirap ang kanilang pamilya na labis na ikinatuwa ng kaniyang ina, na sa ngayon, isa na niyang tagahanga.

Subukin ka man ng mundo, alang-alang sa pangarap mo, dapat ang ninanais mo ay ipaglaban mo. Tapakan man nila ang puso’t kaluluwa mo, sigurado namang makakamit ang tagumpay na hinahangad mo. Basta’t ikaw mismo ay huwag susuko sa sarili mo.

Advertisement