“Ang tagal nang nanliligaw sa’yo ni Charlie, ha? Halos apat na taon nang sunod sa’yo ng sunod ‘yon. Kailan mo ba siya balak sagutin? Nakakaawa na, eh,” tanong ni Julie sa kaniyang kaibigan, isang araw habang nasa canteen sila.
“E ‘di ikaw ang sumagot sa kaniya kung naaawa ka na! Saka, sino ba nagsabing nanliligaw sa akin ‘yon? Hindi ko nga siya pinayagan, eh. Dahil ayoko talaga sa kaniya,” maarteng sagot ni Shiela, sabay higop ng kaniyang softdrinks.
“Bakit ba ayaw mo doon? Mabait naman, matalino pa! Paniguradong pagtapos natin ng kolehiyo, may trabaho agad ‘yon! Aba, Shiela, baka siya ang mag-ahon sa’yo sa hirap!” tugon ng kaniyang kaibigan, tila napakunot naman ang kaniyang noon dahil dito
“Naku, Julie, tumigil ka sa ilusyon mo. Tingin mo makakapasok agad sa trabaho ‘yon? Eh, halos mapuno na ng tigyawat yung mukha noon! Nakakadiri! Doon na lang ako kay Paul, mayaman na, makinis pa!” ‘ika pa ng dalaga, habang tila iniisip ang isa niyang manliligaw
“Eh playboy naman,” pambabara ni Julie.
“Wala kang pakialam! D’yan ka na nga!” inis na umalis ang dalaga.
Nasa ikatlong taon na sa kolehiyo ang dalagang si Shiela. Matalino’t may kakayahan naman ang dalaga. Kaya nga lang, mas pinagtutunan nito ng pansin ang mga naggugwapuhang manliligaw niya na madalas kapag sinagot na niya ay iiwan na siya.
May isang binatang lubos na humahanga sa kaniya, ngunit dahil hindi ito kagwapuhan at katulad ng sabi niya, marami itong tigyawat, hindi niya ito pinapansin. Sa katunayan nga, kada makakasalubong niya ito, todo takip siya ng mukha, ‘ika niya, baka raw mahawa siya sa dami ng tigyawat nito, kahit pa hindi naman talaga ito nakakahawa.
Dahil nga may isa siyang mayaman at gwapong manliligaw, agad niya itong sinagot matapos ang pag-uusap nilang iyon ng kaniyang kaibigan. Naging maganda ang relasyon nila ng binatang iyon, lahat ng gusto niyang pagkain, gamit o maski cellphone ay ibinibigay nito sa kaniya. Tumagal ang kanilang relasyon ngunit bago pa man siya makatuntong sa ikaapat na taon sa kolehiyo, napag-alaman niyang buntis siya dahilan upang tumigil siya sa pag-aaral.
Imbes na manghinayang sa kaniyang pag-aaral, tuwang-tuwa pa ang dalaga, dahil nga mayaman ang pamilyang nakabuntis sa kaniya. Pero, sa kasamaang palad, ayaw sa kaniya ng mga magulang nito at itinakwil silang dalawa. Tinanggalan ng yaman ang kaniyang nobyo, dahilan upang maghirap ang kanilang buhay.
“Shiela, ayoko na. Hindi ako sanay sa buhay na ganito, babalik na ako sa pamilya ko. Susuportahan ko na lang iyang anak mo. Pasensya ka na,” sambit ni Paul, nagmakaawa ang dalagang huwag siyang iwan ngunit tila buo na ang desisyon nitong iwan sila ng munti niyang anghel.
Labis ang pagsisisi ng dalaga sa mga desisyon niyang nitong mga nakaraang taon, ‘ika niya, “Kung mas pinagtuunan ko lang ng pansin ang pag-aaral ko, panigurado kaya kong iahon ang sarili ko sa hirap,” ngunit wala na siyang magawa kundi panindigan ang kaniyang mga aksyon.
Sa tulong ng kaniyang kaibigan, matagumpay niyang nailuwal ang kaniyang sanggol. Labis na lamang ang saya niya nang makita itong malusog kahit pa hirap sila sa buhay.
Nagulat naman siyang ang daming bitbit na grocery ng kaniyang kaibigan, alam niya kasing wala na itong pera dahil pinambayad na nila sa ospital.
“May gusto raw mangamusta sa’yo, eh. Nandyan sa baba may kausap lang sa cellphone, aakyat na rin ‘yon maya-maya. Ito nga oh, bigay niya sa’yo,” ‘ika ni Julie, tila wala namang ideya ang babae kung sino ito.
Maya-maya pa, dumating na ang tinutukoy ng kaniyang kaibigan. Halos malaglag ang kaniyang panga sa gulat nang makita ito.
“Cha-charlie? Ikaw ba ‘yan? Pa-paanong nangyaring…” hindi siya lubos makapaniwala sa kakisigan ng lalaking nakatayo sa pintuan ng kaniyang silid.
“Ayaw mo kasi sa maraming tigwayat, eh. Kaya kumayod ako para mapagamot yung mukha ko, ayos ba?” nakangiting ika nito, halos mawalan ng hininga ang kaniyang kaibigan sa kagwapuhan nito.
Doon rin, nakapagkwentuhan sila. Naikwento ng binata ang kaniyang pagsusumikap sa trabaho habang naikwento naman ng babae ang hirap at sakit na naramdaman niya sa kaniyang nobyo na lubos na tumusok sa puso ng binata.
“Dapat kasi ako na lang, eh,” pailing-iling na ikaw nito, natawa naman si Shiela dahil dito “Ngayon ba, pwedeng ako naman?” tanong nito.
Napalaki naman ang mata ng dalaga sa gulat.
“Hayaan mong gamutin ko lahat ng sugat mo, tutulungan kitang makaahon, aalagaan ko ang anak mo, tatanggapin kita ng buo,” wika nito dahilan upang mapahagulgol ang dalaga dahil yung lalaking pinandidirihan niya noon, ang siyang nagmamahal talaga sa kaniya ng totoo.
Pumayag ang dalaga sa kagustuhan ng binata. Pinag-aral siya nito habang tinutustusan ang kaniyang anak. Hindi kalaunan, nakapagtapos na rin ang dalaga at ganap nang nagtatrabaho sa kompanya kung saan rin nagtatrabaho ang binata.
Lumipas ang dalawang taon, nagdesiyon na silang magpakasal na sa tingin ni Shiela, ito ang natatanging desisyong hinding-hindi niya pagsisisihan.
Kahit pa ikaw ay durog at wala nang pag-asa, mayroong pa ring taong dadating sa buhay mo upang buuin ka at ang buhay mo sa hinaharap. Madalas, sila pa yung mga taong pinagkaitan natin ng pansin noong una.