Masayang bumangon si Bok mula sa kaniyang higaan. Lalo pa siyang naging masigla nang masilayan niya ang napakaliwanag na umaga. Nakasilay ang Haring Araw sa Silangan. Maganda at masarap magpalipad ng saranggola.
Pinuntahan niya sa kwarto nito ang kaniyang Lolo Mando. Si Lolo Mando ay tatay ng kaniyang nanay. Ito ang kalaro niya simula noon pa lalo na sa pagpapalipad ng saranggola. Ang kaniyang lolo ang nagturo sa kaniya kung paano gumawa ng boka-boka at iba pang uri ng saranggola.
Laging masigla ang kaniyang Lolo Mando. Hindi katulad ng iba pang mga lolo, mahusay pang sumayaw at kumanta ang matanda sa kabila ng edad nito. Paminsan-minsan itong inaatake ng rayuma, subalit kapag maayos na, inaaya nito si Bok na magpalipad ng saranggola sa aplaya na malapit sa kanilang baryo. Masarap magpalipad ng saranggola sa kanilang lugar dahil mahangin.
“Lolo! Magpalipad na tayo ng saranggola,” paanyaya ni Bok sa kaniyang lolo.
“Oo apo, sandali lamang at kumain muna tayo ang agahan. Nagsepilyo ka na ba?” tanong ni Lolo Mando.
Napakamot sa kaniyang ulo si Bok, “Hindi pa nga po eh.”
“Magsepilyo ka muna’t maligo bago tayo magtungo sa aplaya.”
Matapos mag-agahan ay nagtuloy na nga ang maglolo sa aplaya. Naghahalo ang bughaw at luntian sa malawak na karagatan. Sariwa ang hampas ng hangin sa kanilang balat.
Maya-maya, ipinalipad na nga ng maglolo ang kani-kanilang mga saranggola.
“Ang saya-saya talagang magpalipad ng saranggola, lolo. Sana para din akong saranggola, yung pwedeng makalipad,” sabi ni Bok sa kaniyang lolo.
“Pwede ka namang maging saranggola apo. Kaya mo ring makalipad,” tugon ng kaniyang lolo.
“Paano po? Hindi ko po maunawaan. Wala naman po akong pakpak o pisi para makalipad na parang saranggola,” tanong ni Bok.
Napatawa si Lolo Mando. “Kapag naabot mo na ang iyong mga pangarap apo, mas malayo pa ang malilipad mo at mararating mo kaysa sa alinmang saranggola. Kaya huwag na huwag kang magpapabaya sa iyong pag-aaral. Dadalhin ka nito sa alinmang lugar na gusto mo,” sabi ng kaniyang lolo.
Hindi pa ganap na maunawaan ni Bok ang sinasabi ng kaniyang Lolo Mando. Minsan masyadong matalinghaga ang pananalita nito. Basta masaya siya’t nakakasama niya lagi ang lolo.
Subalit isang umaga, hindi nakapagpalipad ng saranggola si Bok. Nagising siyang pumapalahaw ng iyak ang kaniyang inay dahil namayapa na sa pagkakahimbing si Lolo Mando. Hindi na raw nagising. Tatlong araw na ibinurol ang mga labi nito bago nailibing.
Nakaapekto kay Bok ang biglaang paglisan ng kaniyang Lolo Mando. Naging bihira na rin ang pagpapalipad niya ng saranggola sa aplaya dahil madalas na masama ang panahon. Huwag daw siyang magpapalipad ng saranggola lalo na kapag umuulan at kumikidlat, bilin ng lolo niya noong nabubuhay pa ito.
Nabaling ang atensyon ni Bok sa pakikipaglaro sa kaniyang mga kaklase pagkatapos ng kanilang klase. Hindi muna siya umuuwi. Natuto siyang magbulakbol para makalimutan ang pagkawala ng lolo. Ilang beses nang ipinatawag sa eskwela ang kaniyang inay subalit nagumon sa paglalaro ng online games si Bok.
Hanggang isang gabi, nanaginip si Bok. Buhay na buhay ang kaniyang Lolo Mando. Nasa aplaya raw sila at nagpapalipad ng saranggola. Para niyang naririnig ang boses at bilin nito.
“Apo, huwag mong bibitiwan ang pisi ng saranggola kapag pinapalipad mo. Huwag mong hayaang mapigtas. Huwag mong hayaang putulin ng hangin o sigwa.”
Nagising si Bok na may luha sa kaniyang mga mata. Pumasok siya sa dating kwarto ng lolo. Kinuha ang saranggola nito. Naalala niya ang sinabi nito noon sa aplaya: “Kapag naabot mo na ang iyong mga pangarap apo, mas malayo pa ang malilipad mo at mararating mo kaysa sa alinmang saranggola. Kaya huwag na huwag kang magpapabaya sa iyong pag-aaral. Dadalhin ka nito sa alinmang lugar na gusto mo.”
Itinigil ni Bok ang pagbubulakbol at pinagbuti ang kaniyang pag-aaral. Naging maganda naman ang kaniyang mga marka hanggang sa maging honor student. Napanatili niya ito hanggang senior high school. Nakakuha siya ng scholarship sa kolehiyo, Kumuha siya ng kursong Abogasya. Matapos ang ilang taong pagsusunog ng kilay, nagtapos siya bilang Magna Cum Laude. Siya rin ay nasa top 10 sa board exam. Tuwang-tuwa ang kaniyang inay sa kaniyang mga narating.
Nakapasok sa isang law firm si Bok. Kinilala ang kaniyang husay dahil sa dami ng mga kasong naipanalo niya. Ipinasya niyang pumasok sa Public Attorney’s Office upang mas marami pang matulungang nangangailangan.
Sa pagbabalik ni Bok sa dati nilang bahay sa baryo, nakita niyang muli ang saranggola ng kaniyang Lolo Mando. Kinuha niya ito at nagtungo sa aplaya. Nagbalik sa kaniyang gunita ang lahat. Para niyang nakikita ang nakangiting si Lolo Mando at ang batang Bok na wala pang muwang noon, at ang tanging kasiyahan ay magpalipad ng saranggola.
Muli niyang narinig ang payo sa kaniya ni Lolo Mando noon: “Kapag naabot mo na ang iyong mga pangarap apo, mas malayo pa ang malilipad mo at mararating mo kaysa sa alinmang saranggola.”
Naalala rin niya ang sinabi nito sa kaniyang panaginip: “Huwag mong bibitiwan ang pisi ng saranggola kapag pinapalipad mo. Huwag mong hayaang mapigtas. Huwag mong hayaang putulin ng hangin o sigwa.”
Lubos na ngang naunawaan ni Bok ang nais ipahiwatig ng kaniyang Lolo Mando. Muli niyang pinalipad ang saranggola ng kaniyang lolo. Sa isip at puso niya, alam niyang masaya ito dahil hindi siya bumitiw sa pisi at pinalipad nang matayog ang saranggola ng kaniyang sariling buhay.