Nagdiwang ng ika-70 taong kaarawan si Don Ramiro kaya naman naging marangya ang kaniyang handaan sa kaniyang mansyon. Imbitado ang lahat ng kaniyang mga kaibigan, kaanak, kakilala, at kasosyo sa negosyo. Puro papuri ang maririnig mula sa kaniyang mga naimbitahan.
Matapos ang pagdiriwang, tinawag ni Don Ramiro ang kaniyang mga anak na sina Romualdo, Roella, at Rustom sa malaking sala ng mansyon. Naroon din ang abogado ng pamilya na si Atty. Madriaga.
“Mga anak, gusto kong malaman ninyo ang mga pamana ko sa inyo bago man lamang ako pumanaw,” sabi ni Don Ramiro sa kaniyang mga anak.
“Papa, hindi ba masyadong maaga para dito?” tanong ng panganay na si Romualdo. Isa itong matagumpay na negosyante katulad ng kaniyang ama.
“Oo nga po papa. Malakas pa kayo. Parang hindi yata magandang pag-usapan ang mga bagay na ito,” segunda naman ni Roella na mahilig sa kawanggawa at public service bagama’t hindi naman ito politiko.
“Tama lang iyan. Para alam na natin ang mamanahin natin,” sabi naman ng bunsong si Rustom. Mabait naman ito pero ito ang itinuturing na “black sheep” ng pamilya dahil sa ugali nitong “easy-go-lucky.”
“Napakatabil talaga ng dila mo ‘no?” asik ni Romualdo sa bunsong kapatid.
Sinaway ni Don Ramiro ang mga anak.
“Magsitigil na kayo’t baka kung saan mapunta ang usapang iyan. Makinig tayo kay Atty. Madriaga,” utos ng don sa kaniyang mga anak.
Sinimulan na ngang basahin ng abogado ang nilalaman ng last will and testament ni Don Ramiro. Ipinamana ng don sa panganay ang telecom company pati na ang 100 milyong piso. Kay Roella naman napunta ang papamahala sa resort at lahat ng charity works at foundation ng matanda, kasama pa ang 100 milyong piso. At ikinagulat naman ni Rustom ang ipinamana sa kaniya ng ama: tatlong buto ng mangga!
“Papa naman. Sobra ba ang galit mo sa akin para pamanahan mo ako ng buto ng mangga? Anong gagawin ko diyan?!” galit na sabi ni Rustom.
“Rustom, sa buong buhay mo’y ibinigay ko ang lahat ng pangangailangan mo. Kailangan mong matutuhang paghirapan ang mga bagay na gusto mong makuha. Itanim mo ang tatlong butong iyan at palaguin. Tingnan natin kung mapagkakatiwalaan ka sa mas malaking bagay,” sagot ni Don Ramiro.
Walang nagawa si Rustom kundi tanggapin ang sinabi ng kaniyang ama. Sabihan lang daw siya kung handa na siyang magtanim at ibibigay sa kaniya ang mainam na binhi.
Isang taon ang lumipas at tuluyan na ngang namaalam si Don Ramiro dahil sa sakit sa puso. Naiwan kay Rustom ang mansyon. Saka niya naalala ang tatlong binhing ipinamana sa kaniya ng ama. Natatawa siya sa ipinamana sa kaniya. Naisip niyang ipagbili ang mansyon upang makakuha ng pera mula rito. Subalit naisip niya, ito na lamang ang tanging alaala niya para sa kaniyang mga magulang.
Tinawagan ni Rustom si Atty. Madriaga upang makuha na ang tatlong buto ng mangga na ipinamana sa kaniya ng yumaong ama. Dahil matagal na panahon na iyon, panibagong binhi ang ibinigay sa kaniya ng abogado na mula sa kanilang hacienda.
Itinanim ni Rustom sa kanilang bakuran ang mga butong ibinigay ng abogado. Ginawa niya ito dahil namimiss na niya si Don Ramiro. Kung sakaling lalago ang mga puno, ito ang magsisilbing buhay na alaala ng kaniyang ama.
Ilang buwan lamang at tuluyan nang tumubo ang mga binhi at unti-unti na itong lumaki. Makalipas ang tatlong taon, malaki na ang mga puno ng mangga. Isang taon pa ang lumipas at naging hitik sa bunga ang mga mangga. Napakarami ng bunga nito kaya ipinagbenta ito ni Rustom. Ang ibang binhi naman ay muli niyang itinanim hanggang sa dumami na ang kaniyang mga tanim na puno. Mula sa tatlo ay naging anim hanggang sa makalipas lamang ang tatlong taon, naging sampu na ang puno na namumunga ng napakaraming mga mangga.
Kumita nang husto si Rustom sa pagtitinda ng mangga. Bukod kasi sa malalaki, matatamis pa ang mga ito. Minabuti rin ni Rustom na magtanim ng iba pang mga punong namumunga gaya ng santol, kaimito, at marami pang iba.
Dahil dito, pinuntahan siya ni Atty Madriaga.
“Binabati kita Rustom. Nakapasa ka sa pagsusulit ng iyong ama. Napalago mo ang tatlong buto ng mangga. Dahil diyan, malalaman mo na ang tunay na pamana sa iyo ni Don Ramiro,” sabi ng abogado.
Binasa ni Atty. Madriaga ang nakabukod na last will and testament para kay Rustom. Kapag daw napalago nito ang tatlong binhi, makukuha na niya ang ekta-ektaryang hacienda ng mga manggahan nila sa Antipolo. Hindi alam ni Rustom na may hacienda pala ang ama sa naturang lugar.
Naalala niya ang tinuran noon ng kaniyang ama: “Kailangan mong matutuhang paghirapan ang mga bagay na gusto mong makuha. Itanim mo ang tatlong butong iyan at palaguin. Tingnan natin kung mapagkakatiwalaan ka sa mas malaking bagay.”
Mas pinalago pa ni Rustom ang haciendang pamana sa kaniya ni Don Ramiro bilang pagtalima sa kagustuhan nito. Bukod sa materyal na bagay, ipinagpapasalamat ni Rustom ang mahahalagang bagay na itinuro sa kaniya ng ama, lalo na ang pagiging masipag at pursigido sa buhay.