“Bilis-bilisan ninyo nga! Ang babagal ninyong magsikilos! Darating na ang container. Walang uuwi hangga’t hindi tapos ang lahat!” galit na tungayaw ni Mr. Chen sa kaniyang mga trabahador sa kaniyang pabrika ng mga handicrafts. Isa itong Filipino-Chinese national. Alas nuwebe na ng gabi at hindi pa niya pinapayagang umuwi ang lahat: mapa-arawan man o pakyawan.
“Sir, pwede po bang mauna na muna akong umuwi? Kailangan ko po kasing samahan ang anak ko bukas. Pinapatawag po siya ng titser niya. Bukas na lang po ako mag-overtime,” paalam ng isang trabahador na nagngangalang Lorinda na isang single mother.
“Sige. Makakaalis ka na,” sagot ni Mr. Chen.
“Maraming salamat po,” tuwang-tuwang sabi ng ina. Naghanda na ito sa pag-uwi.
“Makakaalis ka na at hindi ka na makakabalik pa. You are fired,” sagot ni Mr. Chen. Tila tinakasan ng kulay ang kaawa-awang ina.
“Akala ko po ayos lang sa inyo—“
“Bingi ka ba o sadyang tanga ka lang? Hindi ba sinabi ko walang uuwi hangga’t hindi pa tapos ang lahat? May choice ka naman. Pwede kang umalis ngayon pero hindi ka na babalik. Wala akong pakialam sa mga pamilya ninyo,” matigas na sabi ng amo.
Walang nagawa ang ina. Kaysa mawalan ng trabaho, minabuti niyang manatili na lamang. Ito ang tanging trabaho na bumubuhay sa kanilang mag-iina.
“Makinig kayong lahat,” sabi ni Mr. Chen sa kaniyang mga trabahador. “Huwag kayong magmamalaki sa akin dahil kayang-kaya ko kayong palitan lahat. Hindi ko kayo kailangan. Kayo ang may kailangan sa akin,” padabog na sabi nito sabay balik sa airconditioned nitong tanggapan.
“Napakawalanghiya talaga ng instik na iyan! Eh kung layasan kaya natin siya ngayon? Tingnan natin kung makakaalis ang mga produkto niya!” galit na sabi ni Rogelia, ang isa sa mga mahuhusay na handicraft maker sa naturang pabrika.
“Hayaan na natin siya. Mahirap na mawalan ng trabaho. Imposibleng makaalis tayo. Bantay-sarado ang gate ng mga guwardiya,” sabi ni Lorinda. Tatlong guwardiya ang nakabantay sa gate ng pabrika. Tatawagan na lamang niya anak upang sabihin ditong hindi na siya makakauwi pa.
Matagal na sa naturang pabrika ng mga handicraft si Lorinda. Maganda ang patakbo nito noong una, noong ang humahawak nito ay ang ama ni Mr. Chen na si Mr. Chen Sr. Nang mamayapa ito, ipinamana na ang pabrika sa kaisa-isang anak na si Mr. Chen, Jr. Naging istrikto ito sa lahat. Ang mga arawan ay tinakdaan na kailangang 12 oras magtrabaho habang ang mga pakyawan naman ay may quota na 100 piraso ng gawa sa bawat uri ng produktong kailangan nilang gawin.
Alam nilang lahat na hindi makatao ang turing ni Mr. Chen sa kanila subalit wala namang naglalakas ng loob upang pumalag at kalabanin ang amo. Ano bang laban nila sa tulad ni Mr. Chen na maimpluwensiya at makapangyarihan?
Hanggang sa isang araw ay nagulat na lamang sila nang magtanggal ng maraming trabahador sa pabrika si Mr. Chen. Nalulugi na raw siya kaya kailangan niyang magtanggal ng mga trabahador na wala umanong “silbi” para sa kaniya. Isa sa mga natanggal si Lorinda at iba pang mga matatagal na ang serbisyo sa pabrika. Teorya nila, sadyang tinanggal ang mga matatagal na para mabawasan ang mga trabahador na kailangang bigyan ng benepisyo.
Walang nagawa si Lorinda at ang kaniyang mga tinanggal na kasamahan na tanggapin ang katotohanan. May ilang nagbantang irereklamo ang dating amo sa DOLE, lalo’t wala na naman sila sa pabrika.
Minabuti na lamang ni Lorinda na mangibang-bansa. Naging domestic helper siya sa Abu Dhabi upang patuloy na buhayin ang kaniyang mga anak. Mabait ang kaniyang among Arabo na isang mayamang negosyante. Nagustuhan siya nito at sinuyo. Pinakasalan ni Lorinda ang among Arabo.
Nabalitaan ni Lorinda na palugi na ang pabrika ni Mr. Chen at naghahanap ito ng bibili noon. Kinausap ni Lorinda ang asawang Arabo. Nais niyang bilhin ang pabrika upang maisaayos ang maling sistema rito at matulungan ang mga dating kasamahan. Pumayag ang kaniyang asawa.
Ang nakaharap na buyer ni Mr. Chen ay ang asawang Arabo ni Lorinda. Kaya naman nang maisaayos na ang mga papeles, laking-gulat niya nang mapag-alamang si Lorinda pala ang bagong may-ari ng pabrika.
“Pinaghihigantihan mo ba ako dahil sa ginawa ko sa iyo dati?” tanong ni Mr. Chen kay Lorinda.
“Hindi. Sayang sa oras. Tapos na iyon. Nagpapasalamat nga ako sa iyo’t ginawa mo iyon. Nakapangibang-bansa ako’t nakilala ko ang asawa ko. Aayusin ko ang hindi magandang palakad mo sa pabrika.”
Sinimulan na nga ni Lorinda ang malaking pagbabago at pagsasaayos sa pamamalakad sa biniling pabrika ni Mr. Chen na dating pinagtatrabahuhan. Ibinigay niya ang nararapat na pasahod at benepisyo sa mga dati niyang kasamahan.
“Maraming salamat Lorinda! Isinalba mo kami,” pasasalamat ng dati niyang kasamahan.
Napagtanto ni Lorinda na sadyang ang buhay ng tao ay parang gulong: minsan nasa ilalim, at minsan nasa ibabaw. Kaya naman, nararapat na maging maganda ang iyong pakikisama at pagtrato sa iyong kapwa.