Inday TrendingInday Trending
Muling Tibok Ng Puso

Muling Tibok Ng Puso

Palaisipan para sa dalagitang si Kim ang malaking sugat sa gitna ng kaniyang dibdib kaya naman naisipan niyang tanungin ang kaniyang ina tungkol doon.

Ang totoo ay makailang ulit na niyang tinanong iyon sa kaniyang Nanay Isabel ngunit palagi nitong binabago ang kanilang usapan. Ngayon nga ay gusto niyang subukan muling itanong dito iyon.

“Inay, bakit po ako may sugat sa dibdib?” pasimpleng tanong niya habang uubo-ubong nagtutupi ng mga nilabhang damit ang kaniyang ina. Natigilan naman ito at pinagmasdan ang kaniyang mukha.

“Hindi mo ba talaga natatandaan, anak? Sabagay, limang taon ka pa lang nang magkaroon ka niyan,” sagot naman ni Nanay Isabel habang patuloy siya sa pagtutupi ng mga damit na pinalabhan sa kaniya ng mga kostumer.

“Hindi po talaga, Inay, eh. Ano po ba talaga ang nangyari?” muli ay pangungulit ng dalaga.

“Nagkaroon ka noon ng operasyon. Ipinanganak kasi kitang may butas sa puso, kaya naman kinailangang palitan ng panibago iyang puso mo.” Napabuntong-hininga ang kaniyang ina. “Masiyadong masakit sa akin ang pangyayaring iyon, kaya naman ayaw ko nang sagutin pa sa tuwing itatanong mo sa akin ang tungkol sa bagay na iyan noon,” dagdag pa nito.

Nalinawan naman na si Kim sa paliwanag ng kaniyang ina. “Sorry po, Inay. Huwag na po kayong malungkot. Nandito naman po ako, eh. Nagtagumpay po kayong sagipin ang buhay ko. Maraming salamat po at mahal na mahal ko po kayo.” Sabay halik sa noo ng kaniyang ina.

Dahil sa nalaman ay napaisip tuloy si Kim kung papaano na lang kung hindi siya gumaling? May sakit kasi sa baga ngayon ang kaniyang ina kaya naman madalas itong inuubo. Kung hindi nga lang sa tulong at suportang ibinibigay ng babaeng nagngangalang Prezila Aragon ay baka hindi na nila kinayang mag-ina ang hirap ng buhay. Kaya naman ganoon na lang kalaki ang paghanga at pasasalamat niya sa babaeng tumutulong sa kanila.

Si Prezila Aragon ang babaeng nag-ii-sponsor ng kaniyang pag-aaral. Ito rin ang nagbibigay ng mga gamot bilang pang-maintenance ng kaniyang ina, kaya naman talagang malaki ang pasasalamat ni Kim sa kaniya. Ang buong akala ni Kim ay makakaya na nila ni Nanay Isabel ang lahat, dahil sa tulong ni Maʼam Prezila, ngunit lumala nang lumala ang sakit ng kaniyang ina. Umabot sa puntong sa ospital na sila halos tumira.

“Patawarin mo ako, anak, para sa kasalanang nagawa ko sa ʼyo,” minsan ay umiiyak na sabi ni Nanay Isabel kay Kim habang nakahiga ito at hinang-hina na sa hospital bed.

“Inay, ano pa man po ang kasalanan ninyo, pinatatawad ko na po kayo. Basta please, pilitin po nʼyong magpagaling!” ang sagot naman ni Kim sa ina na noon ay naluluha na rin.

“Anak, hindi ko sinabi sa iyo ang buong katotohanan sa likod ng sugat mo sa dibdib,” ang sabi nito. Ikinagulat naman iyon ni Kim ngunit hindi siya nagsalita, kaya naman minabuti nang ipagpatuloy ni Nanay Isabel ang kuwento.

“Anak, hindi ako ang tunay mong ina,” pagsisiwalat nito.

“Po?!” Halos magulantang naman ang buong sistema ni Kim sa sinabi nito!

“Ang may-ari ng puso mo ngayon ay ang siya kong tunay na anak. Desperado na noon ang mama mong makahanap ng donor, kaya naman nang alukin ko sa kaniya ang puso ng naaksidente kong anak na idineklarang brain de*d ng doktor ay agad siyang pumayag… kahit pa ang kapalit noon ay ako ang kikilalanin mong ina. Ganoon ka kamahal ng tunay mong ina, anak. Sa katunayan, kailan man ay hindi ka niya pinabayaan,” pagpapatuloy ni Nanay Isabel sa kwento.

“Pero sino po ang tunay kong mama, Inay?” tanong pa ni Kim kay Nanay Isabel.

“Si Maʼam Prezila, anak. Siya ang tunay mong ina,” sagot naman nito.

Napahagulgol na lamang si Kim sa nalaman ngunit pinilit niyang intindihin ang lahat. Wala siyang maaaring sisihin dahil lahat ng iyon ay bunga lamang ng pagmamahal ng dalawang ina sa kanilang mga anak.

Matapos malaman ang lahat ay agad na kinontak ni Kim si Maʼam Prezila upang kumpirmahin ang lahat. Masayang-masaya naman ang ginang na sa wakas ay nalaman na niya ang buong katotohanan.

Pare-parehong nanghingi ng kapatawaran ang bawat isa sa isaʼt isa upang palisin na ang alitang idinulot ng mga pangyayari sa nakaraan. Mga pangyayaring itinakda, upang patatagin ang sila sa kabila ng mga pagsubok. Ngayon ay masaya nang namumuhay abg tatlo nang magkakasama, habang patuloy sa pagpapagaling si Isabel sa tulong ng suporta ni Prezila.

Masayang-masaya naman si Kim na nang dahil sa muling pagtibok ng panibago niyang puso ay dalawang ina ngayon ang kaniyang napapasaya.

Advertisement