“Mang Nelson, magandang umaga po!” bati ng batang si Pina sa noon ay kasalukuyang nagtatrabahong si Mang Nelson. Ibinubukod nito ang mga kalakal na naipon ayon sa presyoʼt uri ng mga iyon para hindi na siya mahirapan mamaya kapag dinala niya iyon sa junk shop.
“Oh, Pina, napadaan ka? Ang ganda ng uniporme mo, ah!” ang nakangiti namang bati ni Mang Nelson kay Pina.
“Eh, itatanong ko lang po sana, Mang Nelson, kung mayroon kang kahit asin man lang diyan, para pang ulam. Kasi, kanin lang ho ang baon ko, eh. Tutong pa!” kakamot-kamot na sabi ni Pina sa kaniya.
“Naku, ganoon ba? Sige, sandali…”
Walang pag-aatubiling dumukot si Mang Nelson ng pera sa kaniyang bulsa. Eksaktong may bente pesos siyang nakita roon.
“Oh, heto at sa iyo na. Mag-aral ka nang mabuti, ha? Pasensiya ka na at ʼyan lang ang kaya ko ngayon. Wala pa kasi akong kita dahil dadalhin ko pa ito sa junk shop, eh,” aniya pa sa bata habang iniaabot ang bente pesos na pambili niya sana ng kape at tinapay bilang hapunan mamayang gabi. Pero, hayaan naʼt sigurado naman siyang kikita siya dahil marami-rami rin siyang naipangalakal kanina.
“Maraming-marami pong salamat, Mang Nelson! Hulog po kayo ng langit para sa akin!” masayang-masayang sabi naman ni Pina kay Mang Nelson pagkatapos ay masigla nang nagpaalam na papasok na siya sa eskuwela.
Isa lamang si Pina sa mga batang regular na lumalapit kay Mang Nelson sa tuwing mangangailangan sila ng tulong. Walang ni isang kadugo sa kanila ang lalaki, ngunit malugod sa puso nitong tulungan sila sa abot ng kaniyang makakaya. Katuwiran nito ay napakarami raw namang biyayang ibinibigay ang Diyos sa kaniya kayaʼt bakit nga ba hindi niya iyon ibahagi sa iba? Samantalang halos isang kahig, isang tuka lamang din naman ang buhay niya.
Nagmamay-ari ng isang kapirasong lupa si Mang Nelson sa isang relocation site na ibinigay noon ng gobyerno para sa mga mamayang nakatira sa gilid ng riles, tulad ni Mang Nelson. Doon niya itinayo ang maliit niyang barung-barong, habang nagtira naman siya ng maliit na espasyo na maaaring pagtaniman ng mga gulay na pwede niyang maiulam sa pang-araw-araw para makatipid. Dahil doon, ang perang sumusobra sa bawat kita niya kada araw ay ipinangtutulong niya sa mga batang kapus-palad, tulad na nga lamang ni Pina. Malaki ang pasasalamat ng mga batang ito sa kaniya.
Lumipas ang panahon at nagsipaglakihan na ang mga batang noon ay tinutulungan ni Mang Nelson. Dahil sa dami ng ginagawa at pressure sa school ay minsan na lamang kung makadalaw ang mga ito kay Mang Nelson na noon ay unti-unti na ring nanghina dahil sa katandaan. Ngunit alam niyang hindi siya pababayaan ng Diyos.
“Mang Nelson?” minsan ay nagulat si Mang Nelson nang may kumatok sa kaniyang pintuan.
“P-Pina?” tawag niya nang makilala ang dalagang noon ay naluluha na nang muli siyang makita.
“Kailan ka pa dumating?” tanong niya sa dalaga. Kauuwi lamang nito mula sa pagtatrabaho bilang Chef sa ibang bansa.
“Kanina lang po, Mang Nelson. Dito ho agad ako dumiretso dahil gusto ko kayong makita… Mang Nelson, nandito na po ako para ibalik ang tulong ninyo noon sa akin. Mahal na mahal ko po kayo na parang pangalawa ko nang ama!”
Niyakap siya ng dalagang ngayon ay humahagulgol na. Doon lamang niya napansin na nasa likod pala nito ang ilan pang mga natulungan niya noong mga bata pa sila. Naluha na rin si Mang Nelson sa tuwa. Ang buong akala niya ay nakalimutan na siya ng mga ito.
“Mang Nelson, pasensiya ka na kung medyo natagalan ang pagbawi namin sa inyo. Tulad po kasi ng sinabi ninyo sa amin noon ay hindi po naging madali ang pakikipagsapalaran namin sa buhay at natagalan pa bago namin makamit ang kaniya-kaniya naming tagumpay,” saad naman ni Wally na isa rin sa mga batang kaniyang tinulungan noon.
“Pero narito na po kami, Mang Nelson at handa na naming baguhin ang buhay nʼyo. Mayroon ka nang engineer at architect na maaaring gumawa ng bahay mo. Mayroon ka nang business woman at nurse na pʼwedeng mag-provide ng mga pangangailangan mo. Mayroon ka nang Chef na magluluto ng mga putaheng paborito mo, tulad ng mga putaheng iniluluto mo noon para ipambaon namin. Mahal na mahal po namin kayo, Mang Nelson!”
Napuno ng masasayang iyakan ang tahanang iyon ng kapus-palad ngunit matulunging si Mang Nelson. Ngayon ay nag-uumapaw na biyaya naman ang hatid ng mga taong kaniyang tinulungan noon.