Imbes na Kupkupin ay Inilagay ng Tiyahin ang Bata sa Bahay-Ampunan; Ito Pa Pala ang Magiging Daan Nito Patungo sa Magandang Buhay

Imbes na Kupkupin ay Inilagay ng Tiyahin ang Bata sa Bahay-Ampunan; Ito Pa Pala ang Magiging Daan Nito Patungo sa Magandang Buhay

HeartbreakingInspiringStories

Biglang nag-iba ang timpla ng ugali ng ginang na si Loyda nang makita niya ang pamangking si Jessa na nagbabasa ng libro sa may hardin. 

“Hoy, Jessa, ano’ng ginagawa mo riyan? Hindi ba dapat kasama ka ng nanay mo sa likod bahay na naglalaba? Kabata-bata mo pa ay tamad ka! Itigil mo ‘yang ginagawa mo at tulungan mo ang nanay mo sa likod-bahay!” bulyaw ng ginang sa pamangkin. 

“Tiya, kailangan ko po kasing matapos ang aklat na ito dahil takdang-aralin ko po ito. Natapos naman na po kami ni nanay sa pagbabanlaw. Ang sabi po niya ay siya na lang po ang magsasampay,” natatakot na tugon naman ng bata. 

“Tigilan mo ako sa mga dahilan mo, Jessa! Ang sabihin mo ay tinatamad ka lang na kumilos! Tamad ka at sutil! Kahit anong aral mo ay wala namang papasok sa kokote mo dahil bobo ka! Saka tingin mo ba’y kung makakapag-aral ka ay magbabago ang buhay mo? Tandaan mo na hindi rin kaya ng nanay mo na pag-aralin ka sa kolehiyo kaya itigil mo na ang ilusyon mo at gawin mo ang bagay na nakatakda mong gawin – ang maging kasambahay sa bahay na ito! Hindi libre ang pagpapatira ko sa inyo ng nanay mo rito, tandaan mo!” saad pa ni Loyda. 

Sa sakit ng salita ng ginang ay pinipigilan lamang ni Jessa ang kaniyang mga luha. Itinigil niya ang kaniyang pagbabasa at saka niya pinuntahan ang kaniyang ina sa likod-bahay. Naabutan ni Jessa ang ina na kakatapos lang sa pagsasampay. 

“O, bakit ganiyan ang hitsura mo, anak? Malungkot ba ang tema ng binabasa mong aklat?” tanong ng inang si Marites. 

“H-hindi po, ‘nay,” anito, dito na bumagsak ang mga luha ng bata. 

“Pinagalitan ka na naman ba ng Tita Loyda mo? Huwag mo na lang siyang intindihin, anak. Alam mo namang mainit talaga ang dugo no’n sa atin. Pero kailangan nating makisama dahil wala tayong ibang mapupuntahan. Dito, kahit paano ay may maayos tayong natitirhan at may kinakain tayo,” paliwanag ng ina.

“Pero hindi ko na po makayanan ang mga sinasabi sa akin ni Tita Loyda. Ang sabi po niya sa akin ay huwag na raw po akong mag-aral dahil wala rin naman akong pag-asa. Totoo ba, ‘nay, na hindi rin naman ako makakapagkolehiyo kahit anong sikap ko? Habambuhay na po ba tayong ganito?” umiiyak na tanong pa ni Jessa. 

“A-anak, hindi totoo ‘yan! Huwag mong masyadong dibdibin ang sinasabi ng tita mo. Hindi natin alam kung ano ang kapalaran ng isang tao. Kaya paghusayan mo, anak. Kahit ano pang sabihin nila ay huwag kang bibitaw sa iyong mga pangarap,” saad muli ni Marites. 

Niyakap ni Marites ang anak upang gumaan ang kalooban nito. 

Hindi akalain ni Jessa na ito na pala ang huling yakap nila ng kaniyang ina. Kinabukasan ay bigla na lamang nawalan ng malay ang ginang habang naglilinis ng bahay. Ang sabi ng mga doktor ay inatake raw ito sa puso. Hindi na umabot pa ng ospital si Marites. 

Tuluyan nang naging ulila itong si Jessa. Dahil wala na ang ina ay wala na ring mag-aaruga sa kaniya. Tanging ang Tita Loyda lang niya ang inaasahan niyang kukupkop sa kaniya ngunit nagdesisyon pa itong ibigay na lang siya sa isang bahay-ampunan. 

“Tita, gagawin ko po ang lahat sa bahay, huwag n’yo lang po akong dalhin sa bahay-ampunan. Hindi ko po alam kung ano ang mangyayari sa akin doon! Parang awa n’yo na po!” hinagpis ng bata. 

“Hindi ko pahihirapan ang sarili ko sa pag-aalaga sa iyo! Hindi kita responsibilidad, Jessa, kaya wala kang magagawa! Hindi ba sinabi ko naman sa iyo na itigil mo na ang pangangarap mo? Kahit kailan ay hindi na aayos ang buhay mo! Simula pa lang ito, Jessa. Tanggapin mo nang malas ka, at ayaw kong malasin din sa buhay kaya hindi ka p’wedeng manatili sa pamamahay ko!” sambit naman ni Loyda. 

Habang nasa bahay-ampunan ay hindi maiwasan ni Jessa ang maisip ang kaniyang Nanay Marites. Labis na ang kaniyang pangungulila sa ina. Kung maaari lang ay hilingin niya sa Diyos na isama na lang siya sa kaniyang nanay at tatay sa langit.

Isang araw ay may dumating na package para sa mga bata sa bahay-ampunan. Ayaw pa ngang tanggapin ni Jessa ang para sa kaniya dahil hindi naman nito mapupunan ang pangungulila niya sa kaniyang mga magulang. Ngunit pagbukas niya ng kahon ay nakita niya ang isang libro. Ito ang libro na madalas na basahin sa kaniya ng kaniyang ina noon. 

Bigla na lamang bumagsak ang mga luha ni Jessa. Nang buklatin niya ang aklat ay sulat kamay ng isang bata. 

I hope this book helps you to find happiness again. You’ll be in my prayers always. I care for you. Your friend, Sean Thompson.

Mula ng araw na iyon ay muling nanumbalik ang pag-asa sa buhay ni Jessa. Itinuring niyang matalik na kaibigan ang batang nagbigay rin nito sa kaniya. 

Muli ay natuto siyang ngumiti at makisalamuha sa ibang tao. 

At ilang buwan lang ang nakalipas ay may umampon na kay Jessa. Isang mag-asawa na hindi magkaanak. Simple man ang kanilang pamilya ay naramadaman ni Jessa muli ang magkaroon ng mga magulang. 

Muli siyang nakapag-aral. Hindi man naging marangya ang kaniyang buhay ay hindi naman nagkulang sa kaniya ang mga bagong magulang sa mga pangangailangan niya. 

Hindi nagtagal ay nakapagtapos na ng pag-aaral itong si Jessa. Dahil sa kaniyang galing ay agad siyang nakahanap ng trabaho sa Singapore. 

Habang nag-aayos ng gamit para sa nalalapit na pag-alis ay nakitang muli ni Jessa ang aklat na nagbigay muli sa kaniya ng pag-asa. 

Muli niyang nakita ang liham ng batang nagbigay nito sa kaniya. Naisip ni Jessa na hanapin sa social media ang batang tunay na may-ari ng aklat na tangan. 

Hindi naging madali para kay Jessa ang paghahanap. Hanggang isang araw ay may nagpadala sa kaniya ng isang larawan na may tangan ng isang libro na gaya ng nasa kaniya. 

“Walang duda, ito na nga si Sean Thompson! Salamat sa Diyos at nahanap ko na rin siya!” saad ni Jessa sa sarili. 

Tanging hangad lamang ni Jessa ay pasalamatan ang binata sa pag-asang naidulot nito sa kaniyang buhay. Ngunit ang pag-uusap nila ay nagbunga ng isang magandang pagkakaibigan. Hanggang sa tuluyan nang naglahad ng pag-ibig si Sean kay Jessa.

Hindi na nagpakipot pa itong si Jessa dahil kakaiba talaga ang naramdaman niyang koneksyon sa binata, na para bang buong buhay na silang magkakilala. 

Ang pag-iibigan na ito ay humantong sa kasalan. 

Isang araw ay nabigla na lamang si Loyda nang makatanggap ng imbitasyon mula sa pamangkin. Hindi niya inaasahan na sa kabila ng pang-aalipusta niya sa dalaga ay iimbitahin pa rin siya nito sa kaniyang kasal. 

“Talaga bang iniimbita mo ako, Jessa? Nais mo ba akong pumunta para ipamukha sa akin ang buhay na mayroon ka na ngayon? Nais mo ba akong ipahiya sa araw ng kasal mo at ipakilala na ako ang babaeng nagpahirap sa buhay mo noon? Hindi ako pupunta, Jessa!” sambit ng tiyahin. 

“H-hindi ko po iyan gagawin, tita. Sa katunayan nga po ay nais ko pang magpasalamat sa inyo. Kung hindi dahil sa pagdadala n’yo sa akin sa bahay-ampunan ay baka naging alipin mo lang ako. Ni hindi man lang ako nakatuntong sa eskwela. Ang paglalagay mo sa akin ay nagbigay daan upang maranasan kong magkaroon muli ng isang buong pamilya. Doon ko rin nakilala ang mapapangasawa ko ngayon. Kaya sa totoo lang po ay wala na po akong sama ng loob sa inyo. Tulad nga ng parating sinasabi ng nanay ko noon, walang makakapagsabi ng kapalaran ng isang tao. Kaya huwag kang bibitaw sa pangarap mo. At hindi ako bumitaw, tita. Kaya narito ako sa kinaroroonan ko ngayon. At higit pa, dahil nakatagpo ako ng tunay na pag-ibig,” pahayag naman ni Jessa. 

Naging maluwag na para kay Jessa ang kaniyang tadhana. Wala man ang kaniyang tunay na mga magulang ay alam niyang masaya pa rin ang mga ito sa kaniyang naabot sa buhay.

Samantala, naging maayos naman ang relasyon nina Jessa at tiyahing si Loyda. Labis-labis ang paghingi ng ginang ng kapatawaran sa kaniyang pamangkin. Ngayon ay handa na ang dalawa na muling bigyan ng pagkakataon ang isa’t isa.

Naging masagana ang buhay ni Jessa kasama ang asawang si Sean sa Amerika. Hindi niya akalain na ang pinakamasakit na pangyayari sa kaniyang buhay ang siyang magdadala sa kaniya sa magandang bukas.

More Stories