Kilalang Bully sa Klase ang Isang Binatilyo; Sa Muli Nilang Pagkikita ay Ito ang Ginawa ng Dating Kaklaseng sa Kaniya

Kilalang Bully sa Klase ang Isang Binatilyo; Sa Muli Nilang Pagkikita ay Ito ang Ginawa ng Dating Kaklaseng sa Kaniya

InspiringStoriesSuccess

Nakayuko habang naglalakad papasok ng paaralan ang bagong salta na si Daryll. Mula kasi sa probinsya ay lumuwas sila ng kaniyang ina sa Maynila upang ipagpatuloy ang kanilang buhay. Matapang na nilisan kasi ng mag-ina ang kanilang haligi dahil mapang-abuso ito. 

Ngunit nang malaman ng ibang kaklase ni Daryll ang kaniyang istorya, imbes na kaawaan siya ay ginamit pa ang kaniyang pinagdadaanan bilang pangungutya sa kaniya. 

Walang pinalagpas na araw ang mga kamag-aral ng binatilyo. Lalong lalo na ang kilalang bully na si Randolf. 

“Siguro kaya sinasaktan kayo ng tatay mo ay dahil sa naiinis siyang ikaw ang anak niya! Sino ba naman kasi ang magnanais na magkaroon ng isang anak na katulad mo, Daryll, lampa na ay patpatin pa!” pang-aalaska ni Randolf. 

Kahit na palaging kinukutya ni Randolf ay hindi kailanman lumaban si Daryll. Alam kasi niyang kapag napaaway siya ay malulungkot at makakadagdag pa iyon sa mga problema ng kaniyang ina. 

Isang araw ay sumobra na ang pang-aalipusta ni Randolf sa kawawang kaklase. Kasama ang ilang barkada ay inabangan ni Randolf ni Daryll sa labas ng paaralan. Sa isang bakanteng lote ay doon nila pinagtulungan ang manipis na katawan ni Daryll. 

Umuwi si Daryll na duguan ang nguso at maraming sugat sa katawan.

Nang makita ito ng inang si Alice ay labis ang pag-aalala nito. 

“Umamin ka sa akin, Daryll, sino ang gumawa sa iyo nito? Isa ba sa mga kaklase mo? Gusto kong pumunta sa eskwelahan mo para panagutin ang kung sino mang gumawa sa iyo ng ganiyan!” naghihinagpis na sambit ng ina. 

“‘Nay, wala po ito. Away barkada lang po. Nagkapikunan. Ako naman po ang unang napikon at sumuntok. Nakalimutan kong wala akong laban sa kanila. Kaya huwag n’yo na po akong alalahanin. Huwag na rin po kayong magsumbong sa guro ko dahil baka maging kontrobersya pa. Hindi ko na po kaya,” pahayag pa ni Randolf. 

Dahil sa pakiusap ng anak ay mas minabuti na lang ni Alice na huwag na ngang magsumbong sa paaralan. Ngunit lagi na niyang hinahatid at sundo si Daryll sa paaralan. 

“Sinama mo pa pala ang nanay mo rito! Bakit? Natatakot ka ba na mabugb*g sarado ka na naman? Magtatago ka sa palda ng nanay mo?” tumatawang sambit ni Randolf sa kaklase. 

“P’wede ba, Randolf, ayaw ko ng gulo. Ang gusto ko lang ay mag-aral nang tahimik. Bakit hindi mo na lang isipin ang sarili mo at tigilan mo ang pangingialam mo sa akin? Kaya mo akong bugb*gin nang paulit-ulit pero tandaan mo na kahit kailan ay wala kang mapapatunayan sa akin!” hindi na naiwasan pa ni Daryll ang pumalag. 

Hindi makapaniwala si Randolf sa ginawang ito ni Daryll dahil sa unang pagkakataon ay lumaban sa kaniya ang patpating kaklase. 

Lumipas ang ilang buwan at ang lahat ay nagtataka kung bakit hindi na pumapasok itong si Randolf. Ngunit marami ring naging masaya lalo na si Daryll sapagkat sa wakas ay wala na ang sakit ng kaniyang ulo. Pero hindi pa rin niya maiwasan na isipin kung ano talaga ang nangyari sa sigang kaklase. 

Dumaan ang mga araw at tuluyan nang hindi nagpakita si Randolf sa paaralan. Nakapagtapos ng hasykul itong si Daryll. Sa tulong ng ina ay nagpatuloy ang binata sa kolehiyo hanggang sa makatapos siya. Nag-aral siya ng culinary arts dahil hilig talaga niya ay ang magluto. 

Dahil sa kaniyang galing ay natanggap agad siya sa isang mamahaling restawran. Pinagbuti ni Daryll ang kaniyang pagtatrabaho hanggang sa siya na ang head chef ng naturang kainan. 

Isang araw, habang naglalakad patungo ng kaniyang sasakyan itong si Daryll ay biglang may humablot ng kaniyang selpon. Agad niyang hinabol ang lalaking kumuha nito. Sa kabutihang palad ay tinulungan siya ng isang guwardiya at nahuli ang kawatan at naisauli ang ninakaw na selpon kay Daryll. 

“Tatawag na po kami ng pulis, Chef Daryll, para mabulok na sa bilangguan ang magnanakaw na ito!” saad ng guwardiya. 

Nang pakatitigan ni Daryll ang lalaki ay hindi niya akalain kung sino ang nasa kaniyang harapan. 

“R-Randolf? Randolf, ikaw nga ba ‘yan?” pagtataka ni Daryll. 

Hindi naman makatingin nang diretso ang lalaki kay Daryll. Ngunit sigurado na si Daryll na ito nga ang kaniyang dating kaklase. 

“Sige po, ako na po ang bahala dito sa lalaking ito. Iwan n’yo na po kami,” wika ng chef sa mga guwardiya. 

Nang magkaharap na ang dalawa ay kinausap ni Daryll si Randolf. 

“A-ano ang nangyari sa iyo noong hayskul pa tayo? B-bigla ka na lang nawala!” tanong nio Daryll sa dating kaklase. 

“Nasa boystown ako. Kasama kasi ako sa mga nahuli noong nagka-raid. Sinasama kasi ako ng malupit kong tiyuhin sa pagdedeliber ng bawal na gamot. Kaya eto, mula noon ay labas pasok na ako sa kulungan. Parang nasanay na lang ako,” sagot naman ng dating kaklase. 

“A-ayaw mo na bang magbago? P’wede pa naman, Randolf! Hindi pa huli ang lahat!” sambit muli ng binata. 

“Tingan mo nga ako, Daryll. Anong pag-asa pa ba ang sinasabi mo riyan? Pariwara na ang buhay ko! Wala na akong patutunguhan. Sa katunayan nga ay parang naghihintay na lang ako na pabagsakin na lang ako ng mga pulis dahil sa masasamang ginagawa ko! Hindi na magbabago ang isang tulad ko!” bulyaw ni Randolf. 

“Naniniwala ako na kaya mo pa, Randolf. Pero bago mo gawin ‘yan ay dapat mo munang patawarin ang sarili mo. Pinatawad na rin kita noon pa, Randolf. Kaya panahon na para patawarin mo naman ang sarili mo,” saad pa ni Daryll. 

“Kung mag-iba ang isip mo, Randolf, narito lang ako sa restawran. Pumunta ka sa akin bukas at bibigyan kita ng trabaho para tuluyan nang magbago ang buhay mo,” dagdag pa ng binata. 

Matagal pinag-isipan ni Randolf na tanggapin ang alok ng dating kaklase, ngunit dahil nagsasawa na rin siya sa paulit-ulit na masasamang pangyayari sa kaniyang buhay ay nais na niyang magbago. 

Isang umaga ay nakita na lang ni Chef Daryll si Randolf sa labas ng restawran at hinihintay siya. 

Wala nang sinabi pa si Daryll. Agad na niyang pinapasok si Randolf sa restawran at doon ay ginawa niya itong tagahugas ng pinggan. 

“Madali lang ang trabaho na ito, Randolf. Hindi ganoon kalaki ang kita pero magandang simula ito para sa pagbabago ng buhay mo. Magtiwala ka lang at tutulungan kita,” pahayag pa ng chef. 

Kahit na tinutuligsa si Daryll ng ibang kasamahan dahil sa pagkuha nito ng isang ex-conv*ct ay hindi niya ito ininda. Para sa kaniya ay nais talaga niyang tulungan si Randolf na mabago ang buhay nito.

Nakiisa naman si Randolf sa ginagawang tulong sa kaniya ni Daryll. Talagang nagtiyaga siya upang hindi lamang siya manatiling tagahugas ng plato sa restawran. Nagpakitang gilas si Randolf sa kusina. Doon ay unti-unti siyang tinuruan ni Daryll ng mga tamang paraan sa pagluluto. Hanggang sa naging assistant na ni Daryll ang dating kaklase. 

Tuluyan nang nagbago ang buhay ni Randolf. Ngayon ay mas mataas na ang kaniyang pangarap. Nangako siya sa kaniyang sarili na kahit kailan ay hindi na babalikan ang tinalikurang buhay. 

Umayos na ang buhay ni Randolf. Nakabili na ito ng bahay at sariling sasakyan. Nagkaroon na rin ito ng kasintahan at magpapakasal na ito. Habang tinitingnan niya ang kasalukuyang buhay ay hindi niya maiwasan ang maluha at magpasalamat kay Daryll.

“Kung hindi dahil sa iyo ay hindi ko mararating ang lahat ng ito, Chef Daryll. Maraming salamat dahil kahit na hindi naging maganda ang trato ko sa iyo noong kabataan natin ay hindi ito naging hadlang para tulungan mo ako. Ikaw ang nag-alis sa akin sa impyernong ginagalawan ko noon. Dahil sa iyo ay nakita kong muli ang liwanag ng buhay. Kaya maraming maraming salamat!” nangingilid ang mga luhang ani Randolf.

“Nagawa mo ang lahat ng ito dahil nagtiwala ka sa iyong sarili. Marahil ay natulungan nga kita ngunit hindi mangyayari ang lahat ng ito kung hindi ka rin nagtiyaga at nagsikap. Kaya binabati kita, Randolf. Hangad ko na mas gumanda pa ang buhay mo!” saad naman ni Chef Daryll.

Masaya si Daryll sa kinahantungan ng buhay ni Randolf. Sino nga ba naman ang mag-aakala na matatagpuan nila sa isa’t isa ang tunay na pagkakaibigan?

More Stories