Napuno ng Galit ang Puso ng Binata para sa Kaniyang Ama; Isang Malubhang Karamdaman ang Magbabago Nito

“Justin, ano na naman ang ginawa mo?! Bakit nakatanggap na naman ako ng tawag mula sa mga guro mo? Talaga bang wala ka nang gagawin kung hindi ipahiya ako?” galit na sambit ni Ronald sa kaniyang nag-iisang anak. 

Nakayuko lamang ang binata at hindi umiimik sa mga sinasabi ng ama.

“Ano ba, Justin, sumagot ka! Hindi mo ba alam na bukod sa kahihiyan ay inaabala mo rin ako? Hindi mo alam kung ilang trabaho sa kompanya ang kailangan kong ipagpaliban dahil lang sa kalokohan mo! Huling beses na ito, Justin, kung hindi ay ipapadala kita sa uncle mo sa ibang bansa. Tingnan natin kung magawa mo pa ang mga gusto mo!” muling saad ng ginoo. 

Ang hindi alam ni Ronald ay ginagawa ito ni Justin upang kunin ang kaniyang atensyon.

Noon pa man ay malayo naman na talaga ang loob ni Justin sa kaniyang ama. Tanging ang kasama lamang niya sa mga mahahalagang okasyon sa kaniyang buhay ay ang kaniyang ina na si Merced. Ngunit nang yumao ang ginang ay tila nawalan na rin ng ama itong si Justin.

Lalo kasing nagpakasubsob sa pagtatrabaho sa sariling kompanya ang kaniyang ama, dahilan para mawalan na ito ng oras para sa kaniya. Halos mga kasambahay na lang ang nagpalaki sa kaniya at ngayon nga ay nagrerebelde na siya.

“Mas mabuti pa nga na ipadala na lang niya ako sa ibang bansa. Kahit na hindi maluho ang buhay ko ay alam kong aalagaan ako ng Tiyo Conrad ko. Hindi kagaya nitong si papa. Kahit kailan ay wala siyang ibang mahal kung hindi ang kaniyang trabaho,” saad ni Justin.

Kaya nagpatuloy ang pagrerebelde ng binata hanggang sa tuluyan na nga siyang ipadala ng kaniyang ama sa ibang bansa.

Advertisement

Hindi man naging madali ang buhay para kay Justin sapagkat parang tuluyan na siyang kinalimutan ng kaniyang ama ay hindi pa rin ito hadlang para makapagtapos siya ng pag-aaral.

“Tinawagan mo ba ang papa mo at sinabing araw ng pagtatapos mo ngayon?” tanong ni Conrad sa pamangkin.

“Para saan pa, uncle? Wala rin namang pakialam sa akin ang lalaking iyon! Ang mahalaga lang sa kaniya ay ang sarili niya at ang kompanya. Hindi ko nga alam kung naaalala pa niyang may anak siya!” sambit naman ng binata.

“Huwag kang magsalita ng ganiyan, Justin. Alam mo namang ang lahat ng ginagawa ng papa mo ay para rin sa iyo. Nais lang niyang bigyan ka ng magandang buhay. Balang araw ay sa iyo rin naman mapupunta ang kompanya niya,” dagdag pa ng ginoo.

“Uncle, hindi sa lahat ng pagkakataon ay pera ang sukatan ng magandang buhay. Sana man lang kahit minsan ay magpakaama siya sa akin. Mas naging kayo pa nga ang ama ko kaysa sa kaniya. Kaya wala na lang din sa akin kung pupunta siya sa graduation ko o hindi. Sanay na ako. Sanay na akong walang halaga sa kaniya,” saad muli ni Justin.

Naging matagumpay naman si Justin sa ibang bansa. Sa katunayan nga ay naging isang manager ito ng bangko sa Amerika.

Isang araw ay nakatanggap ng tawag si Justin mula sa kaniyang tiyuhin.

“Justin, anak, umuwi ka ng Pilipinas. Hindi raw maganda ang lagay ng papa mo. May malubha raw na karamdaman,” sambit ni Conrad sa pamangkin. 

Advertisement

“H-hindi ako doktor, uncle. Wala akong magagawa para sa kaniya. Noong malakas pa siya ay hindi naman niya ako kinailangan. Bakit ngayong may nararamdaman siya sa kaniyang katawan ay kakailanganin niya ako?” saad pa ni Justin.

“Justin, pakinggan mo nga ang sinasabi mo. Ama mo pa rin siya at bilang nagpalaki sa iyo ay inuutusan kitang maging anak sa kaniya. May c@ncer ang papa mo at ilang linggo na lang daw ang nalalabi sa kaniyang buhay. Sana man lang bago siya mawala ay ayusin mo ang relasyon mo sa kaniya. Ayaw ko rin na dalhin mo habang buhay sa iyong konsensya ang kaniyang pagkawala,” dagdag pa ng tiyuhin.

Dahil mapilit si Conrad ay sinunod siya si Justin. Umuwi ng Pilipinas ang binata, hindi dahil para ayusin ang relasyon sa ama kung hindi dahil sa hiya niya sa kaniyang tiyuhin.

Hindi alam ni Justin ang kaniyang mararamdaman nang makita ang nanghihinang katawan ng kaniyang ama. Wala na ang dating matipunong pangangatawan nito. Halos nawala na rin ang tapang ng mukha nito. At doon ay naalala ni Justin ang yumao rin niyang ina noong nasa malubha itong kalagayan.

Nang makita ni Ronald ang kaniyang anak ay hindi siya makapaniwala.

“Akala ko ay yayao na akong mag-isa at walang kahit sinong nasa tabi ko. Mabuti na lang at umuwi ka, anak. Hindi ako lilisan na mag-isa,” saad ni Ronald sa anak. 

Nadismaya si Justin sa sinabi ng ama.

“Ang akala ko pa naman, papa, ay magiging masaya ka na makita ako dahil nangungulila ka sa akin. Hanggang sa huli pala ay sarili mo lang ang iniisip mo. Ayaw mo lang na yumao na mag-isa. Pero kahit na ganyan ang pananaw mo ay narito pa rin ako. Aalagaan kita, ‘pa. Hahanap tayo ng lunas para sa sakit mo. Ilalaban natin ang buhay mo,” sambit pa ng anak.

Advertisement

Si Justin mismo ang nag-alaga sa kaniyang ama. At sa paglipas ng araw, habang nakikita ni Justin ang paghihirap ng ama ay unti-unting nawala na ang galit niya rito. Natabunan na ng pagmamahal at awa ang kaniyang nararamdaman sa ama.

Isang araw ay nagkakagulo ang lahat dahil nagwawala itong si Ronald.

“Dad, ano po ba ang nangyayari?” tanong ni Justin sa ama.

“Hindi ko matanggap na isang sakit lang ang tatalo sa akin! Hindi naman Diyos ‘yang si Doktor Suarez para sabihin sa akin na malapit na ang oras ko! Hindi ako p’wedeng mawala! Hindi pa p’wede ngayon!” bulyaw ni Ronald.

“‘Pa, huwag mo munang isipin ang kompanya. A-ako na ang bahala. Bawal sa iyo ang mapagod. Parang awa n’yo na. Kumalma lang kayo at magpahinga. Makakasama ‘yan sa inyo,” dagdag pa ng binata.

Bahagyang kumalma si Ronald ngunit hindi inaasahan ni Justin na makita ang ama na lumuluha.

“Bakit ngayon pa dumapo ang sakit na ito sa akin, anak? Kung kailan gusto ko nang magpakatatay sa iyo. Ginawa ko ang lahat ng ito para mabigyan ka ng magandang kinabukasan dahil natakot ako nang mawala ang mama mo. Ang akala ko noon ay kapag marami akong salapi ay kaya ko nang ibigay sa iyo ang lahat. Ngunit nagkamali ako. Hindi pala kayang bilhin ng pera ang pinakamahalagang bagay sa mundo – ang oras,” pagtangis pa ng ama.

Niyakap na lang ni Justin ang kaniyang ama.

Advertisement

“H-hindi pa naman huli ang lahat, ‘pa. P’wede pa rin naman kayong maging ama sa akin. Kukunin ko ang lahat ng oras at pagkakataon. Tatabunan ko ng mga sandaling kapiling kita ang mga taong nawala sa atin. ‘Pa, mahal na mahal kita at hindi kita kaagad isusuko. Wala akong pakialam kung maubos ang lahat ng pera na mayroon tayo, basta ang mahalaga ay madugtungan ang buhay mo at makasama pa kita nang mas matagal,” sambit naman ni Justin.

Lalong napaiyak si Ronald sa sinabi ni Justin. Hindi niya akalain na sa kabila ng lahat ay pagmamahal pa rin ang igaganti sa kaniya ng nag-iisang anak.

“Patawarin mo ako, anak, at naging duwag ako. Hindi ako naging ama sa iyo. Siguro nga ay ibinigay sa akin ng Diyos ang sakit na ito upang bigyan ako ng leksyon. Upang mapagtanto ko na ikaw ang pinakamahalaga sa buhay ko. Kung bibigyan man ako ng Diyos ng pangalawang pagkakataon para mabuhay, ipinapangako ko na ang una kong gagawin ay ang bumawi sa iyo. Maraming salamat, anak, at nananatili ka pa rin sa tabi ko,” pahayag muli ni Ronald.

Pilit na inilaban ni Ronald ang kaniyang buhay para matagal pa silang magsama ng kaniyang anak. Tinatagan niya ang kaniyang loob na makipaglaban sa kaniyang sakit.

Hindi naging madali para kay Ronald ngunit hindi siya nagpagapi.

Kalaunan, dahil sa makabagong medisina ay gumaling mula sa matinding karamdaman itong si Ronald. Walang mapagsidlan naman ang kaligayahan ni Justin nang malaman niyang mabubuhay pa nang matagal ang ama.

Bilang ganti sa anak ay tinupad ni Ronald ang pangako niya rito. Sa pagkakataong ito ay mas binigyan niya ng prayoridad ang relasyon nilang mag-ama. Lalo pa at napagtanto niya ang kahalagahan ng oras at relasyon.

Samantala, buong puso namang binigyan ni Justin ng pagkakataon ang ama na makabawi sa kaniya.

Advertisement

Lubos ang pasasalamat nina Ronald at Justin sa Panginoon sa pagbibigay Nito ng isa pang pagkakataon para maiayos ng dalawa ang kanilang relasyon bilang mag-ama.