Ayon sa Balita ay Wala na raw Mas Babait pa sa Kapitbahay Nilang Ito; Naisip Tuloy ng Bagong Lipat na Binata na Gawan ito ng Masama

Ayon sa Balita ay Wala na raw Mas Babait pa sa Kapitbahay Nilang Ito; Naisip Tuloy ng Bagong Lipat na Binata na Gawan ito ng Masama

HeartbreakingKarmaStories

Isang buwan na ang nakakalipas simula nang lumipat ang binatang si Phil sa isang maliit na apartment sa barangay na iyon, malapit sa kaniyang pinagtatrabahuhang pabrika. Halos isang buwan na rin niyang naririnig ang mga usapan tungkol sa kaniyang kapitbahay na matandang dalaga. Ayon kasi sa balita ay ito na raw yata ang pinakamabait na kapitbahay sa balat ng lupa. Sa katunayan, kahit kanino siya magtanong tungkol dito ay iisa lang ang sinasabi nila.

“Si Aling Iska? Naku, napakabait n’on! Napakasuwerte mo at naging kapitbahay mo ’yon. Wala kang masasabing masama tungkol sa kaniya dahil talagang busilak ang kalooban niya. Natatandaan ko nga noong minsang isakay ko siya rito sa tricycle ko at narinig niyang dadalhin ko sa ospital ang anak ko habang kausap ko ang asawa ko sa telepono, aba, kusang loob siyang nag-alok sa akin na tutulungan niya ako para mapagamot ang anak ko!” kwento ng isang drayber kay Phil nang minsang magtanong siya tungkol sa kaniyang kapitbahay. Sa totoo lang ay ilang beses na rin siyang nakarinig ng kwentong katulad nito tungkol sa matanda at talagang nakukumbinsi na siyang tunay ngang napakabait nito!

Kalaunan ay napatunayan nga iyon ni Phil sa kaniyang sarili dahil isang beses ay kinatok siya ng matanda sa kaniyang bahay para lang bigyan ng niluto nitong ulam, ’tulad ng ginagawa nito sa iba pa nilang mga kapitbahay na matagal nang naninirahan sa kanilang lugar. Ang isang beses na iyon ay nasundan nang nasundan hanggang sa maging permanenteng taga-supply na niya ng tanghalian ang matandang si Aling Iska. Bonus pa na napakasarap din nitong magluto kaya naman madalas ay nauubos talaga ni Phil ang ulam na binibigay nito na naging malaking kabawasan din sa kaniyang gastos.

Nag-iisa lang naman kasi sa buhay ang matanda at dahil hilig nito ang pagluluto ay palagi itong nagbabahagi n’on sa iba. Hindi rin naman kasi problema rito ang problema dahil ayon sa kanilang mga kapitbahay ay nagmamay-ari rin ng malaking bigasan sa palengke si Aling Iska.

Ngunit imbes na magpasalamat na lang at matuwa sa swerteng pagkakaroon ng mabuting kapitbahay ay tila nakaisip pa ng masamang plano si Phil laban kay Aling Iska. Tila ba nais niya pa itong abusuhin dahil nakakita siya ng oportunidad para makahuthot ng perang ipangsusuporta niya sa kaniyang ‘bisyo.’

Ang totoo, si Phil ay pinalayas sa dati niyang inuupahan sapagkat kabilang siya sa mga nahuling kawatan na muntik nang manloob sa isa nilang kapitbahay. Mabuti nga at naawa sa kanila ang may-ari kaya imbes na ipakulong sila ay pinalayas na lamang sila nito. Tila wala siyang kadala-dala at ngayon ay balak na namang ulitin ’yon kay Aling Iska. Tinawagan niya ang kaniyang mga kabarkada upang impormahin ang mga ito tungkol sa kanilang bagong ‘target’ at agad naman silang um-oo!

Ngunit bago tuluyang gawin ang kanilang plano ay kailangan munang magmanman ni Phil sa bahay ng matanda upang alam nila kung papaano ito papasukin sa loob. Dahil doon, isang beses ay kinatok niya ang matanda. Nagkunwari siyang sira ang kaniyang banyo at makikiihi na lang kay Aling Iska upang mamanmanan niya ang bahay nito… ngunit ang hindi niya alam ay napansin nito ang tila pagmamanman ni Phil sa kaniyang bahay. Magaling kasing kumilatis ng tao ang matanda dahil isa pala itong retired psychologist.

Dahil doon ay kinutuban ito, lalo na nang mapansin din nitong ilang araw nang may mga kalalakihang dumadalaw sa bahay ni Phil na palagi ring sumusulyap sa kaniyang bahay sa tuwing sila ay napapadaan. Kilala rin naman kasi ang mga lalaking iyon sa kanilang lugar bilang mga gumagamit ng ipinagbabawal na gamot… at dahil doon ay naisipan ni Aling Iska na magsabi sa kanilang mga kapitbahay.

Walang kaalam-alam si Phil na nakahanda na ang kaniyang mga kapitbahay sa balak nilang panloloob sa bahay ni Aling Iska… kaya’t nang isagawa na nila ang gawain nilang masama, talagang huli agad sila sa akto!

Gulpi-de-gulat ang inabot ng magbabarkadang lulong sa masamang bisyo sa taumbayang nagmamahal kay Aling Iska, pagkatapos ay sa likod ng bakal na rehas pa ang bagsak nila! Sinubukang makiusap kuno ni Phil sa matanda, nagbabakasakaling mauuto niya ito, ngunit wala rin siyang napala.

Totoo ngang napakabuti ng matandang si Aling Iska, ngunit hindi ito basta malilinlang ng mga abusado. Iyon ang hindi inakala ni Phil, kaya’t ngayon ay wala na siyang magawa kundi ang mapakamot sa ulo habang binubuno ang ilang taong sintensya niya sa kulungan.

More Stories