Inday TrendingInday Trending
Humingi Siya ng Tulong sa Kaniyang mga Magulang Upang Makapangibang-Bansa; Tila Nag-iba ang Ihip ng Hangin nang Siya’y Mag-umpisa nang Kumita

Humingi Siya ng Tulong sa Kaniyang mga Magulang Upang Makapangibang-Bansa; Tila Nag-iba ang Ihip ng Hangin nang Siya’y Mag-umpisa nang Kumita

“Papa, mama, kinausap ako kanina ng dean namin! Nagustuhan po kasi ng pinag-OJT-han ko ang performance ko, kaya naman ino-offer-an nila ako ngayon ng isang magandang oportunidad! Sabi nila, pagka-graduate na pagka-graduate ko raw po sa college ay p’wede nila akong kunin sa kompanya nila sa South Korea para doon ako makapagtrabaho. Makakaahon na tayo sa hirap kapag nagkataon!” masayang balita ni Anette sa kaniyang mga magulang nang umuwi siya nang hapong iyon mula sa pinapasukang unibersidad. Masayang-masaya naman para sa kaniya ang mga ito dahil alam nila na noon pa man ay pangarap na niya ang makarating sa ibang bansa.

“Talaga, anak? Naku, proud na proud talaga kami ng mama mo sa ’yo. Napakahusay mo!” nakangiting bati naman ng kaniyang ama sa kaniya habang ang kaniyang ina ay mangiyak-ngiyak siyang niyakap nang mahigpit.

“Kaya lang po, papa, kailangan ko raw po muna palang sagutin ang gagastusin ko para makapunta ako sa South Korea, dahil isa raw sa panuntunan ng kompanya ay kailangan muna naming patunayan ang sarili namin bago sila sumugal. Ibig sabihin, saka na nila babayaran ang mga nagastos nila sa akin kapag napatunayan ko nang kaya ko ang trabaho at hindi ako aatras.” Bahagyang nalungkot si Anette sa kaniyang sinabi. “Ang problema ko, hindi ko po alam kung saan tayo kukuha ng ipanggagastos para sa pagpunta ko doon,” sabi pa niya ngunit mabilis siyang tinapik ng ama sa balikat.

“Huwag mong intindihin ’yon, anak. Maaari ko namang ipagamit sa ’yo ang perang makukuha ko kapag nag-retire na ako sa trabaho. Mag-e-early retirement na lang ako para naman may magamit ka para sa pangarap mo, anak ko,” sagot naman ng kaniyang ama na talagang ikinatuwa ni Anette.

“Talaga po, papa? Naku, maraming salamat po! Pangako ko po sa inyo, kapag kumikita na ako ay babawi ako sa inyo ni mama! Pagagandahin ko rin po ang buhay n’yo!” sabi pa ni Anette sa mga magulang bago sila niyakap nang mahigpit.

Mabilis na natupad ang mga napagplanuhan ni Anette at ng kaniyang mga magulang. Pagkatapos na pagkatapos ng graduation nila ay agad na nakalipad si Anette patungo sa South Korea at doon ay mabilis siyang nag-umpisa sa trabaho. Dahil natural na magaling at matalino si Anette ay agad siyang nagustuhan ng mga nakatataas doon na siyang naging dahilan upang sa maiksing panahon lang ay mabilis siyang na-promote sa trabaho.

Noong una ay naging maayos naman ang komunikasyon ni Anette sa mga magulang. Regular siyang nagpapadala sa mga ito ng pera upang maipanggastos nila at palagi niya silang tinatawagan at kinukumusta. Ngunit nag-iba ang ihip ng hangin nang makilala ni Anette si Jerome. Isang kapwa Pilipinong nagtatrabaho rin sa kompanyang pinagtatrabahuhan niya, sa mas mababa nga lang na posisyon.

Naging nobyo niya ito kalaunan at simula noon ay dito na umikot ang kaniyang buhay. Pati ang halos karamihan ng kaniyang sweldo ay sa lalaki na rin napunta, kaya naman madalas ay wala na siyang naipapadala sa kaniyang mga magulang. Dumating pa sa puntong naiinis na si Anette sa tuwing tatawag ang kaniyang mga magulang upang humingi ng pera, kahit pa iyon ay para sa gamot nila. Matanda na rin kasi ang mga ito at marami nang iniinda sa katawan ngunit tila nakalimutan ni Anette ang lahat.

Hanggang sa tuluyan nang lumayo nang lumayo ang loob niya sa mga ito. Dumalang nang dumalang ang pagtawag niya sa kanila dahil palagi niyang kasama ang kaniyang nobyo. Ngunit ang hindi inaasahan ni Anette ay isang sikreto pala ang itinatago nito… dahil kalaunan ay nalaman niyang hindi na pala ito binata dahil kasal ito at may pamilya sa Pilipinas!

Ang perang ibinibigay niya pala sa lalaki ang siyang ipinadadala nito sa kaniyang asawa. Ginagamit lamang pala siya nito! Doon niya naisipang tumawag sa mga magulang upang sa kanila magsabi ng kaniyang problema.

Ipinagtaka pa ni Anette noong una kung bakit walang sumasagot sa mga tawag niya. Mahigit isang buwan na niyang hindi nakakausap ang ama’t ina, kaya naman ngayon ay nag-aalala na siya. Dahil doon ay naisipan niyang magbakasyon sa Pinas upang kumustahin ang lagay ng mga ito—at doon ay nagulantang siya sa balitang nasa ospital pala ang kaniyang ina at malubha ang lagay!

Ang kaniyang ama ay napilitang bumalik sa pagtatrabaho dahil wala na itong pangtustos sa panggamot ng kaniyang ina sapagkat ayaw na niyang magpadala! Dahil doon ay labis na pagsisisi ang naramdaman ni Anette. Bigla siyang nahiya sa kaniyang sarili at mabilis na humingi ng tawad sa kaniyang mga magulang. Mabuti na lang at bago mahuli ang lahat ay nagising na siya sa kaniyang kasalanan at ngayon ay may pagkakataon pa siyang bumawi sa kanila!

Simula noon ay ginawa ni Anette ang lahat para makabawi sa kaniyang mga magulang na mabilis naman siyang pinatawad dahil sila ang tunay na nagmamahal sa kaniya. Ipinangako niya na hindi na muling isasantabi ang mga ito para sa iba.

Advertisement