Inday TrendingInday Trending
Nawala ng Ginoo ang Hiniram na Bisikletang Ginagamit sa Trabaho; Isang Pabuya sa Kagandahang Loob ang Kaniyang Matatanggap

Nawala ng Ginoo ang Hiniram na Bisikletang Ginagamit sa Trabaho; Isang Pabuya sa Kagandahang Loob ang Kaniyang Matatanggap

Hindi pa sumisikat ang araw ay naghahanda na si Berto upang magtrabaho bilang isang delivery rider. Bukod sa paghahandang ginagawa sa sarili ay hinahanda rin niya ang kaniyang kalooban sa sa paghirap niya ng bisikleta sa kaniyang bayaw.

Marami kasi siyang naririnig na hindi magandang salita na sinasabi nito tungkol sa paghiram niya ng bisikleta, pero wala siyang magawa kung hindi kainin na lang ang kaniyang hiya dahil kailangan niyang magbanat ng buto.

May sakit ang kaniyang bunsong anak at buntis ulit ang kaniyang asawa. Nais man niyang mag-ipon ng pambili ng sariling bisikleta ay hindi niya pa kaya.

Kumatok si Berto sa bahay ng kaniyang kapatid.

“Hihiramin ko muna ulit, Selma, pakisabi sa asawa mo,” saad niya sa kapatid.

“Sige lang, kuya. Kunin mo na habang natutulog pa siya. Ako na ang bahala,” wika naman ni Selma.

“Pakisabi ay magtatarya na lang ako sa kaniya ng singkwenta pesos para hindi naman nakakahiya. Pasensya na talaga at kulang pa rin ang kinikita ko para sa mag-iina ko. Hayaan mo, babawi rin ako sa inyo sa susunod,” sambit muli ng ginoo.

Umalis na siya upang maghanap ng “booking”. Kailangan niyang makarami ng deliber para marami rin siyang kitain.

Pagdating niya sa lugar na kaniyang tinatambayan ay nakita niya ang iba’t ibang motor ng mga kapwa taga-deliber. Hindi niya tuloy maiwasang mainggit. Kung motor sana ang gamit niya ay mas mabilis at mas makakarami siya ng trabaho, pero nagpapasalamat pa rin siya dahil kahit paano’y nakakapaghanap buhay siya.

Buong araw siyang nagdeliber. Pauwi na sana siya nang mabangga ang bisikleta niya ng isang kariton.

Itinayo niya ang bisikleta at laking panlulumo niya nang makitang sira ang kambyo nito.

“Paano ko kaya ito sasabihin sa bayaw ko? Magkano kaya ang pagpapaayos nito?” napabuntong hininga siya.

Hindi naman niya mapilit ang nagkakariton na bayaran siya dahil tiyak na wala rin itong pera, kaya wala siyang nagawa kung hindi patawarin na lang ang lalaki.

Nang isauli na niya ang bisikleta sa kaniyang bayaw ay napansin nitong basag nga ang pihitan ng kambyo. Nagalit ito sa kaniya at nagsalita na naman ng hindi maganda.

“Hinihiram mo na nga itong bisikleta ko ay hindi mo pa kayang ingatan? Paano na ‘yan ngayon? Ikaw na nga ang nakalaspag nito, e. Hindi ko na nagamit dahil laging nasa iyo! Tapos, gusto mo pa yatang ako ang magpagawa nito? Ang kapal naman ng mukha mo!” wika ng bayaw na si Johnny.

“Pasensya ka na, bayaw, hindi ko naman sinasadya. Hayaan mo, bukas na bukas ay ipapaayos ko ‘yan. Kailangan ko lang kasing ibili ng gatas ang anak ko. Pasensya na ulit,” hingi niya ng pasensiya.

“Puro ka na lang pasensya! Kapag naulit pa ito’y hindi ka na talaga makakahiram sa akin ng bisikleta. Bumili ka na ng sa’yo!” bwelta muli ng bayaw.

Nahihiya na siya sa kaniyang bayaw dahil pinagmumulan na rin ito ng away nilang mag-asawa.

Habang pauwi siya ng kanilang bahay ay nag-iisip pa siya ng paraan upang magkaroon ng sariling bisikleta. Pangungutang na lang ang natitirang solusyon – isang bagay na kaya niyang gawin.

Kinabukasan ay kailangan niyang magdoble kayod para maipagawa rin ang nasirang kambyo ng bisikleta.

Mabuti na lang at sunod-sunod ang kaniyang “booking”. Habang papunta siya sa isang tindahan ng milk tea para kunin ang isang order ay bigla niyang napansin ang isang matandang papasok sa kotse nito. Bigla na lang itong napahawak sa dibdib at bumulagta.

Pagkakita pa lang ni Berto ay agad na siyang bumaba ng kaniyang bisikleta. Sa pagmamadali ay hindi na niya ito naitayo man lang o naikandado. Tumatakbo siyang nagtungo sa lalaki.

“Tulong! Tulong! Inatake ata sa puso ang ginoong ito! Tulong!” sigaw niya.

Ngunit wala man lang nais na tumulong sa matandang lalaki. Kaya hindi na siya nagdalawang isip pa na kunin ang susi sa bulsa ng matanda at minaneho na niya ang sasakyan patungong ospital.

“Lumaban lang po kayo, ginoo. Malapit na po tayo sa ospital,” wika pa niya.

Pagdating pa lang sa ospital ay dali-dali siyang humanap ng tutulong sa kaniya. Napansin naman siya ng ilang nars na kumuha sa matanda sa loob ng sasakyan at saka dinala sa emergency room.

Saka niya naalala ang kaniyang bisikleta.

“Hindi po ako ang kamag-anak niya. Nakita ko lang po siya sa parking lot na bumulagta. Ito po ang susi ng kotse. Kailangan ko pong bumalik sa parking lot dahil nandoon ang bisikleta ko. Hiniram ko lang kasi ‘yun, e!” wika niya.

Namasahe na lang siya pabalik ng parking lot, umaasa na naroon pa ang kaniyang bisikleta. Ngunit sa kasamaang palad ay hindi na niya ito nakita.

“Naku, may kumuha ng bisikleta d’yan! Akala namin ay sa kaniya, e! Patungo siya sa banda roon, pero hindi mo na ‘yun maaabutan kasi kanina pa nangyari ‘yun, e!” saad ng isang saksi.

Napapadyak na lang sa inis si Berto. Lalo na siyang malalagot sa kaniyang bayaw. Hindi niya alam kung paano sasabihing nawala niya ito.

Umuwi na lang siya nang naglalakad, nagbabakasakali na makita niya ang bisikleta. Patuloy rin sa pag-iisip ng idadahilan.

Pagdating niya sa bahay ng bayaw ay inamin na lang niya ang totoo.

“Napalaki mong tang@! Bakit mo iniwan ang bisikleta ko? O, paano na ‘yan ngayon? E, ‘di wala na? Bayaran mo ‘yun sa akin kung hindi ay ipapa-baranggay talaga kita!” galit na sambit ng bayaw.

Pilit na kinakausap ni Selma ang asawa. Naaawa na kasi siya sa kaniyang kuya. Ngunit ayaw nitong paawat.

“Ikaw naman kasi, pahiram ka nang pahiram d’yan sa kapatid mo. Malakas ang kutob ko na hindi nawala ang bisikleta ko, e! Ang sabihin niya’y binenta niya!” wika muli ni Johnny.

“Huwag na kayong mag-away, sisikapin ko na lang bayaran ang lahat. Pasensya na talaga, hindi ko sinasadya,” pagsusumamo ni Berto.

Napapaluha na lang siya dahil sa nangyari. Bukod kasi sa gastos na kailangan niyang pagbayaran sa bayaw ay wala na rin siyang hanapbuhay. Paano na ang patong-patong na gastusin?

Buong gabing hindi nakatulog si Berto kakaisip kung paano siya kikita ng pera. Kinabukasan ay nagising na lang siya sa isang malakas na katok sa kanilang bahay.

“Ikaw ba si Berto? ‘Yung nagde-deliber na gamit ang bisikleta?” tanong ng lalaki.

“O-oo, ako nga ho si Berto, pero nawawala na po ang bisikletang ginagamit ko. Sino ho ba sila?” tanong naman ng ginoo.

“Ipinagtanong talaga kita sa kapwa mong taga-deliber. Ang sabi nga nila sa akin ay nawala raw ang bisikleta mo. Narito ako para magpasalamat sana at magbigay ng pabuya,” wika pa ng lalaki.

“Pabuya? S-sino ho ba talaga kayo?” tanong niya.

“Anak ako ng matandang lalaking tinulungan mo kahapon. Ikaw ang dahilan kung bakit nadala agad siya sa ospital at nakaligtas siya. Sinabi niya sa akin ang lahat. Kaya naman narito ako para magpasalamat. Gusto ka naming tulungan. Nawala ang bisikleta mo dahil iniligtas mo ang buhay ng daddy ko, ibabalik namin ito sa iyo,” pahayag muli ng ginoo.

“Totoo po ba ito? Maraming salamat kung gayon! Hiniram ko lang po ang bisikletang iyon at namomroblema ako ngayon kung paano ito babayaran. Maraming salamat po!” naiyak sa tuwa si Berto.

“Alam ko, kaya bukod sa bisikletang iyon ay bibili ka na rin namin ng motor para mayroon ka nang panghanapbuhay. Tutulong din kami sa pagpapagamot ng iyong anak at sa panganganak ng asawa mo.”

“Masyado na pong marami ‘yun, ginoo, hindi ko na po ata matatanggap pa! Sobra-sobra na po iyon,” wika niya.

“Kulang pa nga ‘yan dahil sa ginawa mong pagligtas sa buhay ng daddy ko. Saka karapat-dapat ka sa lahat ng regalong ‘yon dahil mabuti kang tao. Sana ay dumami pa ang kagaya mo,” wika muli ng ginoo.

Kinabukasan ay dinala na sa bahay ni Berto ang bagong bisikleta at ang bagong motor. Tuwang-tuwa ang ginoo dahil malaking tulong ito para sa buhay ng kaniyang pamilya. Labis-labis ang pasasalamat niya sa matanda at sa anak nito.

“Hindi ka nagdalawang isip na tulungan ang ama ko kahit na mawala sa iyo ang iyong kabuhayan. Saludo kami sa iyo. Natitiyak namin ng daddy ko na aasenso ka sa buhay,” saad ng ginoo.

Sa kabilang banda ay wala nang nasabi pa ang bayaw ni Berto sa kaniya dahil may bago na itong bisikleta. Mas maganda pa nga ito kaysa sa orihinal nitong bisikleta. Mula noon ay nagkaayos na ang magbayaw. Labis na maligaya si Berto dahil mas malakas na siyang kumita ngayon para sa kaniyang mag-anak.

Advertisement