Pinagpanggap ng Dalaga ang Binatang Kaibigan na Maging Nobyo Niya; Bandang Huli’y Magtatagpo ang Kanilang mga Puso

Walang imik ang lahat nang hindi inaasahan ang pagdalo ng dalagang si Diana sa salu-salo ng kanilang pamilya. Sa ibang bansa na kasi ito nakatira at mayroon nang kinakasama sa loob ng limang taon. Pero nito lang ay napabalitaan nilang naghiwalay na ang ang dalawa dahil nagkaroon ng ibang karelasyon ang lalaki – dahilan para umuwi si Diana sa Pilipinas.

Ilang taon na rin kasing hindi nakakauwi ang dalaga. Kahit anong okasyon ay palagi itong wala. Naninibago ang lahat dahil hindi nila alam kung paano ito kakausapin ngayong alam nilang may pinagdadaanan ito.

Sinimulan ng tiyahing si Tina ang usapan.

“Diana, buti naman at nakarating ka. Mas masaya kami dahil hindi mo na kasama ‘yung si Phil. Kahit kailan ay hindi naman namin siya nagustuhan,” wika ng ginang.

Sinipa naman ng inang si Letty ang paa ng kapatid.

“Ano ka ba naman? Bakit kailangan mo pang ipaalala sa kaniya ang pinagdadaanan niya? Maging masaya na lang tayo at narito na siya at kasama natin ngayon! Matagal na panahon na rin,” wika pa ni Letty.

“Ayos lang naman, ‘ma. Totoo naman po ang sinasabi ni Tita Tina. Hindi naman talaga maganda ang ugali nung si Phil. Ilang taon akong nabulag ng kawalanghiyaan n’ya. Sinayang lang n’ya ang panahon ko at pagmamahal,” hinanakit ni Diana.

“Naku, huwag na nating pag-usapan ‘yan! Pagsaluhan na natin itong mga niluto ko! Saka na lang ‘yang mga hinanakit na ‘yan,” iniba na ni Letty ang usapan.

Advertisement

Sa buong salu-salo na ‘yun ay hindi maitago ni Diana ang labis na lungkot. Kapansin-pansin din ang mga pilit na tawa at ngiti nito.

“Alam mo, Diana, sa tingin ko ay kailangan mong lumabas muli. May mga kakilala akong p’wede mong i-date. Mas madali kang makaka-move on!” saad ng tiyahin.

“Saka na lang po, tiya, hindi pa ako handa,” saad ng dalaga.

Ngunit mapilit si Tina. Nakumbinsi din niya ang ilang kaanak na magrekomenda ng lalaking p’wedeng i-date ni Diana.

Batid ng dalaga na nais lang siyang tulungan ng kaniyang pamilya, pero narito siya sa Pilipinas upang makalimot at hindi humanap ng bagong karelasyon.

Dahil gustong mapag-isa ay napili ni Diana na pumunta sa isang cafe. Hindi sinasadya na makita niya ang dating matalik na kaibigang si Franz. Matagal na niya itong hindi nakakausap simula nang magkaroon siya ng relasyon kay Phil.

“Akalain mo ba na dito pa tayo magkikita, Diana! Kumusta ka na? Ang dami kong mensahe sa iyo pero hindi mo na ako sinagot. Na-miss kita!” wika ng binata.

“Pasensya ka na, a! Alam mo namang nagseselos sa’yo si Phil kaya mas pinili kong hindi ka na lang kausapin para maging maayos ang relasyon namin,” sagot ni Diana.

Advertisement

“Naku, wala ‘yun. Nauunawaan ko naman. Kumusta ba? Kasama mo ba si Phil ngayon? Kailangan ko na bang umalis din?” usisa pa ng kaibigan.

“Wala na kami ni Phil. Sira ulong ‘yun! Sinayang lang ang pagmamahal ko sa kaniya! Dapat pala ay kinausap na lang kita! Huwag na natin siyang pag-usapan. Ikaw, kumusta ka na? Ikinasal na ba kayo ni Joy? Ang tagal n’yo na rin, a!” saad muli ng dalaga.

“Hindi na natuloy ang kasal. Umatras siya, e. Kaya ayon. Pero ayos lang kaysa naman ipilit namin ang isa’t isa,” tugon ni Franz.

Hindi na namalayan ng magkaibigan na inabot na sila ng gabi kakakwentuhan. Maraming bagay ang na-miss nila sa isa’t isa sa tagal ng hindi nila pag-uusap.

“Nakakainis nga ‘yung tita ko saka ‘yung ilang kamag-anak namin. Walang ginawa kung hindi ireto ako sa iba. Nasasakal na ako. Gusto ko nang bumalik sa Singapore, totoo lang!” natatawang wika ni Diana.

Bigla siyang nakaisip ng isang magandang ideya.

“Hindi ba’t single ka naman ngayon, Franz? P’wede bang sa susunod na salu-salo ay sumama ka sa akin? Magpapanggap lang tayo na magnobyo para tigilan na rin nila ako. Sa tuwing mag-isa kasi ako’y kung sinu-sino ang nirereto nila sa akin. Pakiusap naman, pumayag ka na!” giit pa ng dalaga.

Walang nagawa si Franz kung hindi sumang-ayon sa gusto ng kaibigan. Magandang pagkakataon rin kasi ito para makasama niya pa ito ng maraming beses. Isa pa, talagang malapit naman sila sa isa’t isa noon. Pumasok lang talaga sa buhay ni Diana si Phil.

Advertisement

“Franz, natatandaan ko pa ‘yung sinabi mo noong mga bata pa tayo, ‘di ba sinabi mo sa akin na hindi naman ako kagandahan kaya kahit kailan ay hindi ka magkakagusto sa akin? Tingin mo, ‘yun ang dahilan kung bakit iniwan at pinagpalit ako ni Phil?” tanong ng dalaga.

“Iniwan ka ni Phil dahil sira ulo siya, pero hindi ko sinasabi na maganda ka, a! Ang sinasabi ko lang ay hindi ka talaga niya mahal,” natatawang sagot ng binata.

“Ewan ko sa iyo! Pero salamat, a! Simula nang samahan mo ako sa mga salu-salo ng pamilya ay tinantanan na ako ng mga tiyahin ko na ireto kung kani-kanino. Paniwalang-paniwala silang magkasintahan tayo at nakamove on na talaga ako kay Phil,” wika pa ni Diana.

“Siya pala, Diana, babalik ka pa ba sa Singapore o mananatili ka na rito?”

“Hindi ko pa alam sa ngayon, Franz, wala akong dahilan para bumalik ng Singapore, pero wala rin akong dahilan para manatili pa rito,” sagot ng dalaga.

Ang hindi alam ni Diana ay bukal sa kalooban ni Franz ang pagsama sa kaniya. Sa totoo lang ay matagal na niya itong sinisinta. Si Diana ang dahilan kung bakit hindi natuloy ang kasal nila ng kasintahang si Joy. Dahil sa puso niya’y nag-iisa lang talaga si Diana.

Sa araw-araw na magkasama ang dalawa ay nanumbalik ang pagiging malapit nila sa isa’t isa tulad ng dati. Sa mga ipinapakita ni Franz ay nalilito na tuloy si Diana sa kaniyang nararamdaman. Pero ayaw niyang muling masaktan kaya pilit niyang tinatago ang nararamdaman sa matalik na kaibigan. Lalo pa’t alam niyang ginagawa lang ito ni Franz para tulungan siya.

Isang araw ay hindi na maitago ni Diana ang kaniyang nararamdaman. Alam niyang mahahalata na siya ni Franz kaya hindi muna siya nakipagkita rito. Minabuti na lang din niyang bumalik ng Singapore nang sa gayon ay mahanap niya ang kaniyang sarili.

Advertisement

Nang malaman ni Franz na aalis muli ang dalaga’y nagpumilit siya sa dalaga na harapin siya nito.

“Franz, kailangan kong umalis dahil pagod na akong masaktan!” wika ni Diana.

“Kaya nga ako narito para tulungan kang makamove on, Diana. Kapag bumalik ka sa Singapore ay lalo kang malulungkot. Wala kang kaibigan doon!” saad naman ng binata.

“Walang dahilan, Franz, para manatili pa ako rito,” dagdag ng dalaga.

“Ako? Hindi ba p’wedeng ako ang maging dahilan, Diana?” saad ni Franz. “Mahal kita, Diana, noon pa man ay mahal na kita. Pero hindi mo makita ‘yun dahil kaibigan lang ang tingin mo sa akin. Ikaw ang laman ng puso ko noon pa. Ikaw ang dahilan kung bakit hindi ko magawang magpakasal kay Joy… dahil hindi kita makalimutan. Ngayong malaya ka na, bigyan mo naman ako ng pagkakataon para patunayan sa’yo na baka ako ang karapat-dapat na mag-alaga d’yan sa puso mo! Sawa na akong magpanggap na kasintahan mo, Diana, gusto ko nang totohanin ang lahat ng ito,” pahayag pa ni Franz.

Tila biglang nabuo muli ang wasak na puso ni Diana. Hindi siya makapaniwala na mahal din pala siya ni Franz. Pareho lang pala silang nagpipigil ng damdamin.

Hindi na hinayaan ni Franz na magsalita pa si Diana. Agad niyang nilapat ang kaniyang labi sa labi nito. At doon nga muling binuksan ni Diana ang puso para magmahal.

Sa haba ng panahon na pinipilit ni Diana ang kaniyang sarili sa isang taong hindi naman para sa kaniya, may isang tao palang naghihintay at tunay na nakalaan para sa kaniyang puso.

Advertisement

“Nasaktan ako masyado kay Phil para ituro ang daan papunta sa iyo, Franz. Mahal na mahal din kita,” sambit ni Diana.

Tuluyan nang naging masaya ang puso ni Diana. Maging ang kaniyang mga kamag-anak ay naging masaya rin dahil sa wakas ay nahanap na ng dalaga ang tunay na mag-aalaga sa kaniyang puso.

Dalawang taon matapos ang araw na iyon ay nagpakasal na sina Franz at Diana. Ngayon ay may dalawang supling na sila at masaya na ang kanilang pamilya.

Kahit kailan ay hindi malilimutan ni Diana kung paano niya muling natagpuan ang sarili sa piling ng kaniya na ngayong mister na si Franz.