Inday TrendingInday Trending
Todo Tanggi ang Balo nang Komprontahin ng Anak Tungkol sa Kanilang Kapitbahay; Hindi Niya Akalaing Ito ang Gagawin ng Anak

Todo Tanggi ang Balo nang Komprontahin ng Anak Tungkol sa Kanilang Kapitbahay; Hindi Niya Akalaing Ito ang Gagawin ng Anak

Kauuwi lang ng binatang si David mula sa trabaho nang madatnan niya ang inang si Tess na inaayos ang kanilang hardin katulong ang matandang binatang kapitbahay nilang si Fred. Pinagmamasdan lang niya ang masayang pag-uusap ng dalawa.

Nang mapansin siya ng ina ay agad itong tumigil sa pakikipag-usap sa ginoo at agad na inasikaso ang anak.

“Kanina ka pa ba narito? Kumain ka muna at nagluto ako ng paborito mong sinigang,” wika ng ginang.

“Tara po at sabayan n’yo na akong kumain, ‘ma. Mamaya n’yo na po ituloy ang ginagawa ninyo,” paanyaya ni David.

“Kumain na kami ng mama mo, David. Ang sarap nga ng luto niya ng sinigang. Tamang-tama ang asim,” sabat naman ni Fred.

Medyo nahiya si Tess sa kaniyang anak.

“Pasensya ka na at hindi na kita nahintay, a. Kanina pa kasi kami nagtatrabaho rito sa hardin. Mabuti nga at tinulungan ako nitong si Fred. Siya ang nagbubuhat ng malalaking bato. Saka may alam rin siya sa halaman,” patuloy sa pagpapaliwanag ang ina.

“Wala pong anuman ‘yun, ‘ma. Sige po at ituloy n’yo na ang ginagawa ninyo nang makapagpahinga na rin po kayo. Pasok lang po ako sa loob para kumain,” wika naman ni David.

Matagal nang napapansin ni David na parang may espesyal na pagtitinginan ang kaniyang ina at kapitbahay na si Fred.

Isang dekada na rin kasi simula nang sumakabilang buhay ang ama niyang si Rogelio dahil sa isang matinding karamdaman. Mula noon ay ipinangako ng kaniyang ina na itutuon na lang ang atensyon sa kaniya at sa negosyong naiwan ng kaniyang ama. Noon pa man ay hindi na ito tumanggap ng manliligaw. At natitiyak siyang wala na rin itong balak pa na mag-asawang muli.

Tulad nga ng laging sinasabi ng kaniyang ina, walang makakapalit sa kaniyang ama.

Ngunit iba ang nararamdaman ni David. Ang mga ngiting iyon ng kaniyang ina ay nakita lang niya noong buhay pa ang kaniyang ama.

Pagkatapos na maisaayos ang mga halaman sa hardin ay agad nang nagpaalam si Fred upang umuwi ng kaniyang bahay. Si Tess naman ay pumasok na rin ng bahay upang asikasuhin naman ang nag-iisang anak.

“Anong masasabi mo sa hardin natin, anak? Hindi ba’t maganda na ulit?” tanong ni Tess.

“Opo, ‘ma, ang galing ninyo talagang magtanim. Saka maganda rin ang disenyo ng landscape ninyo,” sagot naman ni David.

“Nakakatuwa nga at nakita lang ako ni Fred pero agad niya akong tinulungan. Maswerte talaga tayo dahil may kapitbahay tayong kagaya niya. Palaging handang tumulong,” dagdag pa ng ina.

“‘Ma, umamin ka nga sa akin. May pagtitinginan ba kayo ni Mang Fred? Kasi parang iba ang tawanan ninyo, e. Mukhang masaya ka kanina habang kasama siya,” pansin ng anak.

“Ano ka ba naman, David, huwag mong bigyan ng kulay ‘yun! Siyempre, makikipagkwentuhan ako sa kaniya dahil tinutulungan niya ako. Tatawa ako sa mga biro niya para hindi naman siya mapahiya. Nakikisama lang ako sa kaniya dahil palagi siyang nariyan kapag kailangan ko ng tulong,” depensa muli ng ginang.

“Isa pa ‘yun. Napapansin ko na palagi siyang nariyan kapag may ginagawa kayo. Baka naman siya ang may pagtingin sa iyo, ‘ma. Papalitan mo na ba sa puso mo si papa?”

“David, kahit kailan ay espesyal ang puwang ng ama mo rito sa puso ko at walang ibang makakapalit sa kaniya. Mabait lang talaga si Fred. Saka matanda na ako para sa mga intriga na ‘yan, hindi na para mag-asawa akong muli. Ano na lang ang sasabihin mo at sasabihin ng ibang tao sa akin? Kung kailan ako tumanda ay doon pa ako kumerengkeng?” biglang naging seryoso ang ina.

Malakas ang kutob ni David na talagang may namamagitan sa kaniyang ina at kay Mang Fred.

Sa tuwing may kailangang gawin ang kaniyang ina na mabigat ay laging nariyan si Fred upang umagapay sa kaniya. Sa mga ikinikilos ng ginang ay unti-unting nahahalata ni David na tunay ngang may gusto ang kaniyang ina sa kanilang kapitbahay.

Kaya naman isang araw ay napilitan si David na komprontahin ang ina.

“‘Ma, hindi mo p’wedeng sabihin sa akin na magkaibigan lang talaga kayo ni Mang Fred dahil ramdam ko ang saya mo kanina habang tinutulungan ka niya sa hardin. Naalala niya ang paborito mong bulaklak at nakita ko kung gaano nagningning ang mga mata mo. Ngayon, tatanungin kitang muli, may gusto ka ba sa kaniya? May espesyal ba kayong pagtitinginan?” tanong ng binata.

“Ano bang klaseng tanong ‘yan, anak? Wala kaming relasyon ni Fred,” todo tanggi ang ina.

“Sigurado ka ba, ‘ma? Talagang walang namamagitan sa inyo ng kapitbahay natin?” muling tanong ni David.

Tumango si Tess sabay yuko.

“Kasi, ‘ma, tinanong ko si Mang Fred at iba ang sinabi niya sa akin. Alam mo bang sinabi niyang ikaw raw ang pinakamagandang babae sa kaniyang paningin? Wala na raw makakahigit pa sa iyo. Sinabi rin niya sa akin na kaya siya laging narito ay para lagi kang masilayan. Mahal ka niya, ‘ma, pero bakit hindi mo maamin sa akin na mahal mo rin siya?” sambit ni David.

Nangingilid ang luha ni Tess.

“Patawarin mo ako, anak. Alam kong mahal na mahal mo ang daddy mo. Mahal na mahal ko rin naman siya… pero hindi ko maiwasan na mahulog ang loob ko kay Fred. Masaya ako sa tuwing narito siya at nakakasama ko, pero wala talaga kaming relasyon, dahil ayaw kong magtaksil sa papa mo,” umiiyak na paliwanag ng ginang.

“‘Ma, matagal nang wala si papa. Panahon na po para buksan mo ang puso mo sa iba. Mabuting tao naman si Mang Fred at tiyak akong mahal ka niya. Kung mahal mo siya, ‘ma, ay hindi kita pipigilan. Huwag mo nang itago ang nararamdaman mo. Ang nais ko’y makita kang maligaya. At nakikita kong tunay kang maligaya sa piling niya,” wika pa ng binata.

Napayakap si Tess sa kaniyang anak. Parang nabunutan siya ng tinik. Matagal na kasi niyang itinatago ang nararamdam para kay Fred. Ilang beses mang magtapat ng pagmamahal sa kaniya ang ginoo’y hindi niya ito matanggap dahil takot siyang magalit si David sa kaniya.

Ngunit ayos na ang lahat. Masaya si Tess dahil sa wakas ay mailalahad na niya sa ginoo ang tunay niyang nararamdaman.

“‘Ma, hangad ko ang kaligayahan mo. Hindi ako hahadlang sa mga bagay na makakapagpasaya sa iyo, tandaan mo ‘yan. Matagal mo nang ginugugol ang buhay mo sa pag-aalaga sa akin at sa negosyo. Panahon na para magmahal kang muli,” saad pa ng anak.

Dahil sa sinabing ito ni David ay hindi na rin itinago pa ni Fred ang panliligaw niya kay Tess. Hindi nagtagal ay sinagot na rin siya nito. Sa pangalawang pagkakataon ay muling nagpakasal si Tess.

Labis ang saya ni Tess dahil sa pangalawang pag-ibig. Hindi niya inaakala na muli pa siyang magmamahal matapos mawala ang kaniyang dating asawa.

Salamat na rin sa maunawain niyang anak na si David, muling nahanap ni Tess ang kaligayahan sa piling ng bago niyang asawang si Fred.

Advertisement