Dala ng Inggit ay Nahumaling sa Paggamit ng Credit Card ang Dalaga; Ito ang Kinahantungan Niya
“Anak, seryoso ka naman sa tinitingnan mo riyan sa selpon mo. Ano ba iyan at kanina pa ako nagsasalita rito pero hindi mo ako pinakikinggan?” wika ni Melba sa anak na si Judith.
“Pasensya na po, ‘nay, wala naman po. Tinitingnan ko lang itong dati kong kaklaseng si Sandra. Ang ganda na ng buhay n’ya ngayon. Nakakainggit,” sagot ng dalaga.
“Paano mo naman nasabing maganda ang buhay niya? Dahil ba sa post niya sa social media? Gaano ka kasigurado na totoo ‘yan?” wika muli ng ina.
“Maganda naman po ang trabaho niya, ‘nay. Hindi kagaya ko na isang sekretarya lang sa isang maliit na kompanya. Saka isa pa, tingin ko ay maykaya rin ang pamilya niya kaya siguro sarili lang niya ang pera,” pahayag pa ni Sandra.
Natahimik si Melba sa sagot ng anak. Nakatunog naman si Judith na tila nasaktan niya ang damdamin ng ina.
“‘Nay, pasensya na po. Wala po akong ibig sabihin sa sinabi ko. Masaya po akong makatulong sa inyo,” sambit ng dalaga.
Maliit lang ang sahod ni Judith bilang isang sekretarya ngunit pinagkakasya pa niya ito sa lahat ng bayarin sa bahay. Bukod sa renta ay may pagkakautang pa silang pamilya dahil sa pagpapagamot noon ng kaniyang yumaong ama. Ang inang si Melba naman ay hindi na rin makapagtrabaho dahil may nararamdaman na rin sa katawan.
Kaya hindi maiwasan ni Judith na mainggit sa tuwing tinitingnan niya ang mga post ng dating kaibigan.
AdvertisementMatapos ang dalawang taon na hindi pagkikita ay nagkayayaan ang kaniyang mga kaibigan na lumabas. Makakasama nila si Sandra. Ito na ang pagkakataon niya para malaman kung tunay ngang maganda na ang buhay nito.
Sa isang mamahaling restawran sa isang kilalang lugar sila nagkita-kita. Pagdating ni Sandra ay bongga ang porma nito. May maganda itong bag at mamahaling selpon. Hindi niya maiwasan na mamangha.
Patuloy ang kanilang pagkukwentuhan. Gumawa ng paraan itong si Judith para mapalapit siya sa dalaga. Kung anu-anong papuri ang sinabi niya rito.
Pauwi ay nakisabay si Judith kay Sandra.
“Ang laki siguro ng kinikita mo sa trabaho, ano? Sana ay katulad mo rin ako,” sambit ng dalaga.
“Ano ka ba naman, kaya mo rin ito. Ayos lang naman ang sahod ko, pero may credit card kasi ako. Hulugan ang lahat ng ito sa bangko! Kaya ko namang bayaran ito ng buo kaso mas marami kasi akong mabibili kung hulugan, ‘di ba?” sagot naman ni Sandra.
Dito na nagkaroon ng ideya si Judith. Noon pa man ay marami nang nag-aalok sa kaniya na kumuha ng credit card. Ngayon lang siya magkakalakas ng loob na magkaroon nito.
Palihim na nag-apply ng credit card si Judith ngunit ang ina niya ang nakatanggap nito nang dumating sa kanilang bahay.
Advertisement“Anong ibig sabihin nito, anak? Nagbabalak ka bang mangutang?” tanong ng ina.
“Hindi po, ‘nay. Kumuha lang ako niyan para kapag may emergency ay may magagamit tayo,” tugon niya.
Sa unang pagkakataon ay nahawakan ni Judith ang credit card. Marami na siyang iniisip na bibilhin. Kinausap niya si Sandra tungkol sa kung paano ang paggamit nito.
“Napakadali lang, Judith. Kukunin mo lang ang nagustuhan mong bilhin, dalhin mo sa kahera at ibigay ang card mo. P’wedeng sabihin na hulugan ito kung malaki ang halaga tulad nitong selpon ko. Basta ang siste niyan ay sa susunod na buwan mo na babayaran. Madali lang, ‘di ba? Makakaipon ka pa ng pera,” bida ni Sandra.
Pumunta ng mall si Judith upang bumili ng grocery. Sa unang beses niyang paggamit ng credit card ay natuwa siya dahil wala naman siyang inilabas na pera.
“Sa susunod na buwan ko pa naman ito kailangang bayaran kaya p’wede pa akong kumuha ng ibang produkto dito sa grocery. Matagal ko nang gustong tikman ang tsokolateng iyon,” dagdag pa ng dalaga.
Tapos ay nadaanan niya ang isang mamahaling cafe. Matagal na niyang gustong makapasok doon at subukan ang kanilang kape. Ito na ang pagkakataon niya dahil tumatanggap sila ng credit card.
Kakaiba ang nararamdaman ni Judith ng mga panahon na iyon. Parang nakatakas siya sa kahirapan. Naramdaman niya ang sarap ng maginhawang buhay.
AdvertisementNapansin naman ng kaniyang ina ang pagbabagong ito sa kaniyang anak. Marami itong inuuwing pagkain lagi at tuwang-tuwang magpost sa social media.
Isang araw ay napansin ni Melba na bago ang selpon ng anak.
“Huwag mong sabihin sa akin na ginamit mo ang credit card para bilhin ang selpon na ‘yan? Anak, alam mo naman kung gaano kahirap ang buhay natin. Baka mamaya ay ma-lulong ka sa kakagamit ng credit card at mabaon ka sa utang. Akala mo ba’y hindi ko napapansin ang mga binibili mo?” kompronta ng ina.
“‘Nay, ako naman po ang magbabayad nito. Saka hulugan naman po, e! Nakabadyet naman ang panghulog ko dito. Hayaan n’yo na ako. Minsan ko lang naman maranasan ang ganitong buhay,” sambit naman ni Judith.
“Wala namang masama sa paggamit ng credit card, Judith. Nag-aalala lang ako sa patuloy mong pagbili ng mga mamahaling gamit at pagkain. Anak, nag-aalala lang naman ako sa iyo at baka lumobo ang bill mo sa puntong hindi mo na kayang bayaran,” pahayag pa ni Melba.
“Pabayaan n’yo na ako, ‘nay. Ako naman ang nagtatrabaho kaya ako ang magdedesisyon kung paano ko gagastahin ang pera ko. Kahit sa isang pagkakataon lang ay iparanas niyo naman sa akin ang buhay na hindi iniintindi ang pera,” pabalang nitong sagot.
Nasaktan si Melba sa sinabi ng anak. Parang ipinamukha kasi sa kaniya na wala siyang ginagawa para sa kanilang kabuhayan. Dahil dito ay pinabayaan na lang ni Melba ang gusto ng anak.
Naging kaliwa’t kanan naman ang paggasta ni Judith. Lalo na nang mapalapit lalo kay Sandra.
AdvertisementIsang buwan ang nakalipas at kailangan nang bayaran ni Judith sa bangko ang kaniyang buwanang bayarin. Nagulat siya nang makita ang kabuunan nito.
“Dalawampu’t limang libong piso? Bakit ang laki naman nito? Dalawang buwang buong sahod ko na ‘to!” pagkabigla ng dalaga.
Ngayon ay hindi niya alam kung saan kukuha ng pera para pambayad. Lumapit siya kay Sandra at nais sana niyang manghiram.
“Naku, marami rin akong bayarin sa bangko, e. Sa katunayan nga ay interes na lang ang nababayaran ko dahil patung-patong na rin ang bayarin ko. Lumobo na ng mahigit dalawang daang libong piso. Pero, bahala sila, hindi naman ako makukulong sa utang na ‘yan!” sambit ni Sandra.
Dito na nag-isip-isip si Judith. Dapat ay noon pa lang ay nakinig na siya sa kaniyang ina. Baon na nga sila sa utang na naiwan ng kaniyang ama, dumagdag pa itong utang niya sa credit card.
Nanlulumo si Judith na umuwi ng bahay. Hindi pa niya alam kung paano kakausapin ang ina ngayong may alitan sila.
Pagpasok ni Judith sa bahay ay agad siyang pumasok sa silid. Maya-maya ay nariyan na ang kaniyang ina at inabutan siya ng sampung libong piso.
“Kahit paano sana’y makatulong ang perang ito, anak. Bayaran mo na ang pagkakautang mo,” saad wika ni Melba.
Advertisement“‘Nay, saan po kayo kumuha ng ganitong kalaking pera?” pagtataka ng dalaga.
“Ibinenta ko ‘yung wedding ring namin ng tatay mo. Ayaw ko kasing makita kang namomroblema,” sagot ng ina.
“Pero mahalaga po iyon sa inyo, ‘nay! Iyon na lang po ang naiwang alaala sa inyo ni tatay,” dagdag pa ni Judith.
“Matagal mo na akong tinutulungan, anak. Nais kong mabawasan naman ang iniisip mo kahit paano. Tanggapin mo na itong pera, at alisin mo na ang credit card mo kung hindi responsable ang iyong paggamit,” saad pa ng ina.
Naiyak si Judith sa ginawa ng kaniyang ina. Nagsisisi siya dahil nagpabuyo siya sa kaniyang damdamin.
Isang linggo ang nakalipas at nakabayad na si Judith sa unang bayarin niya sa bangko. Ibinalik na rin niya sa ina ang singsing nito.
“Paano mo ito nakuhang muli?” tanong ng ina.
“Binili ko pong muli, ’nay. Binenta ko na kasi ‘yung mga mamahaling gamit na binili ko gamit ang credit card. ‘Yung iba po ay sinauli ko na rin. Binenta ko rin ang ibang gamit ko na nakatambak lang sa aparador. Binayaran ko na po ang paunang bayarin sa bangko. ‘Yung mga susunod ko pong bayarin ay paghahandaan ko na po. Hindi ko na gagamitin pa ang credit card,” wika muli ni Judith.
AdvertisementTuwang-tuwa ang ina sa sinabing ito ng dalaga.
“Pasensya na po kayo sa akin, ‘nay, a, kung hindi po ako nakinig sa mga sinabi ninyo sa akin tungkol sa paggastos gamit ang credit card. Pasensya na rin po kayo sa mga nasabi kong hindi maganda,” dagdag pa nito.
“Kalimutan mo na iyon, anak, ang mahalaga ay natuto ka. Makakamit mo rin naman ang ginhawa ng buhay basta magsumikap ka lang. Habang maliit pa ang sahod mo ngayon ay magtiis ka muna kung ano ang nariyan. Matuto kang makuntento. Sa kasipagan mo at pagiging matiyaga, pasasaan ba at makakamit mo rin ang mga gusto mo sa buhay,” pahayag ni Melba sa anak.
Mula noon ay hindi na nainggit si Judith sa mga mamahaling gamit na kaniyang nakikita. Natuto siyang huwag gumasta ng perang wala naman siya. Sa ngayon, ang mahalaga para sa kaniya ay nasa ayos ang buhay nila ng kaniyang ina at naitatawid nila ang pang-araw-araw na pamumuhay nila.