Gipit na nga ang Dalaga Ngunit Tumulong pa rin Siya sa Gusgusing Lalaki; Isang Malaking Pabuya Pala ang Naghihintay sa Kaniya
Panay ang kuwenta ng sales lady sa grocery na si Erika sa kararating pa lamang niyang sahod. Kakahawak lang niya nito pero wala na ring matitira sa kaniya dahil sa dami ng kaniyang mga gastusin. Siya na kasi ang bumubuhay sa kaniyang lolo at lola. Matatanda na ang mga ito at hindi na makapagtrabaho pa, at may mga kailangan ring inuming gamot at bitamina. Kaya ganoon na lang ang kaniyang pag-aalala dahil kukulangin ang sahod niya.
“Dalawang daang piso? Ni hindi kasya ito para sa pamasahe ko sa labing limang araw. Saan na naman kaya ako kukuha ng pera?” tanong nito sa sarili.
Nang makita siya ng manager ay agad siyang tinawag upang bumalik sa p’westo niya.
“Erika, kanina pa maraming mamimili sa loob ng grocery. Baka gusto mong tulungan ang mga kasamahan mo? Hindi pa naman oras ng break mo!” sambit ng amo.
Nagpasensya si Erika at dali-daling bumalik sa trabaho.
Palihim niyang nilapitan ang kasamahang si Robert. Malapit sila sa isa’t isa kaya alam niyang mapapaunlakan siya nito.
“Robert, baka naman may ekstra ka d’yang pera. Gipit lang talaga ako ngayon. Kailangan ko lang ng pandagdag para sa gastusin namin,” nahihiyang wika ng dalaga.
“Naku! Pasensya ka na Erika. Kailangan ko rin kasing hulugan ‘yung motor ko. Saka kailangan ko ng pera para sa rehistro,” wika ng binata.
Lumapit si Erika sa kaibigan si Donna para manghiram din ng pera, pero hindi siya nito mapapautang dahil may kailangan din itong bayaran.
Nawawalan na ng pag-asa si Erika. Kailangan niyang tipirin ang dalawang daang piso para mabuhay sila ng kaniyang mga lolo at lola sa loob ng labing limang araw.
Habang nagtatrabaho ang dalaga ay napukaw ang pansin niya ng pagtatalo sa cashier. Agad siyang nagtungo roon para tingnan ang nangyayari. Nakita niya ang isang gusgusing lalaki na nakapila at pinipilit ang kahera.
“Sir, pasensya na rin ho kayo pero kung wala kayong pambayad ay hindi kayo p’wedeng bumili sa grocery na ito. Iyan po ang patakaran,” saad ng kahera.
“Kailangan ko lang talaga itong gatas na ito dahil dalawang araw nang hindi kumakain ang anak ko. Kahit am ay wala na kami dahil wala na kaming maisaing. Parang awa n’yo na, tulungan n’yo naman ako! Magbabayad naman ako kapag nagkaroon na ako ng pera,” pagsusumamo ng ginoo.
“Hindi po talaga p’wede, ginoo. Umalis na po kayo sa pila at nakakaabala po kayo,” saad muli ng kahera.
Maya-maya ay nariyan na ang manager, pilit din na pinagtatabuyan ang lalaki.
“Wala pong libre sa grocery na ito, sir. Hindi po kayo p’wedeng kumuha ng bilihin kung wala kayong pambayad. Kanina pa po kayo nakakaabala. Ipapatawag ko na po ang guwardiya para paalisin ka,” sambit ng manager.
“Sandali lang naman! Nagmamakaawa ako sa inyo. Babayaran ko naman kayo, e! Pangako ko ‘yan. Walang-wala lang ako talaga ngayon. Kapag naging ayos na ang lahat ay babalik ako at babayaran ko kayo kahit sampung beses pa! Parang awa n’yo na!” pagmamakaawa muli ng lalaki.
Ngunit matigas ang puso ng manager. Hindi niya talaga ito pinatawad.
“Ganun naman pala, e, bumalik na lang kayo kapag nakuha n’yo na ang pambayad. Hindi po ito charity. Nagtatrabaho kami para magkapera. P’wede mo ring gawin ‘yun nang hindi ka mamalimos dito,” saad muli ng manager.
Hindi mabitawan ng ginoo ang gatas na kaniyang nakuha pero kailangan na niyang umalis.
Maya-maya ay lumapit si Erika upang bayaran ang gatas.
“Heto ang isang daan at dalawampung piso. Ako na ang magbabayad sa gatas na ‘yan. Ibigay n’yo na sa kaniya nang sa gayon ay makauwi na siya at makakain ang anak niya,” sambit ni Erika.
Nagulat ang ilang kaibigan sa kaniyang ginawa.
“Hindi ba’t wala ka nang pera? Bakit binayaran mo pa ‘yung gatas para sa lalaking ‘yan? Tiyak namang hindi ka nya babayaran!” bulong ni Robert.
“Alam ko naman ‘yun pero alam ko rin kasi ang pakiramdam ng walang-wala tapos ay wala ring tumutulong sa iyo. Napakahirap para sa isang tao ang magmakaawa pero ginawa niya iyon para sa nagugutom niyang anak. Talagang gagawin ng magulang ang lahat para sa kanilang supling,” sagot naman ni Erika.
Hindi mapatid ang pasasalamat ng ginoo sa kabutihang ginawa ni Erika.
“Tatanawin ko itong malaking utang na loob sa iyo. Babalikan kita rito at babayaran kapag ayos na ang lahat. Maraming salamat muli sa iyo. Makakainom na ng gatas ang anak ko,” naluluhang sambit pa ng lalaki.
Binilang muli ni Erika ang kaniyang pera. Kahit na lalo siyang nagipit ay magaan naman sa kaniyang kalooban ang ginawang pagtulong.
Lumipas ang araw at naisanla na ni Erika ang kaniyang ATM card para lang magkaroon ng perang panggastos. Malaki man ang tubo nito’y pinatos na niya dahil walang-wala na talaga siyang pagkukunan ng pera.
Tapos ay naospital pa ang kaniyang lolo dahil sa taas ng lagnat. Kaya nagkapatong-patong na ang kaniyang problema.
Balak sana niyang mag-loan sa kompanya ngunit hindi ito inaprubahan ng kaniyang manager dahil may balanse pa siya.
Nawawalan na ng pag-asa ang dalaga hanggang isang araw ay biglang may isang lalaking nakapostura ang kumausap sa kaniya habang abala siya sa pag-aayos sa grocery. Inabutan siya nito ng isang sobre.
“Siya nga pala, miss, ito na ang utang ko sa iyo. Hindi ba’t sabi ko ay babayaran ko ng sampung ulit?” sambit ng lalaki.
“A-anong utang po ang sinasabi ninyo?” pagtataka ni Erika.
Pagbukas niya sa envelope ay nakita niya ang isang bugkos ng pera. Aabot ito sa isang daang libong piso.
“Ginoo, ang laking pera po nito. Wala po kayong pagkakautang sa akin na ganitong kalaki. Wala po akong ganitong kalaking pera. Sa katunayan nga po ay ngayon lang ako nakakita ng ganitong kalaking halaga,” wika muli ng dalaga.
“Hindi mo na ako natatandaan, ano? Ako ‘yung lalaking bumili ng gatas ngunit walang dalang pera. Ikaw ang nagbayad no’n para sa akin. Hindi ba’t sabi ko sa’yo kapag ayos na ang lahat sa akin ay babalik ako at babayaran kita? Iyan na ang kabayaran ko sa iyo,” sambit ng ginoo.
“Pero sobra-sobra po ito! Hindi ko po ito matatanggap!” sambit muli ni Erika.
“Para sa iyo talaga ‘yan! Hindi ko nakalimutan ang labis na kabaitan mo. Alam mo kasi noong araw na nagtungo ako rito’y walang-wala talaga ako. Niloko ako ng mga business partners ko. Pati ang bahay at lupa ko ay kinuha. Dahil wala na akong pera ay wala ring gustong magpatuloy sa amin ng mag-ina ko. Dumating sa punto na sa kalye na kami nakatira. Awang-awa ako sa anak ko no’n dahil hindi niya dapat maranasan ang ganoong buhay. Mabuti na lang at nabawi ko rin ang kompanya ko. Hindi ako sumuko. Binigyan mo ako ng pag-asa na lumaban sa buhay. Kaya heto, narito ako sa harapan mo at ibinabalik ko na ang perang inutang ko sa iyo. Tanggapin mo na ‘yan, miss. Para sa’yo talaga ‘yan,” dagdag pa ng lalaki.
Kumalat sa buong grocery ang nangyaring ito kay Erika. Gulat na gulat sila nang bigla na lang itong nagkaroon ng isang daang libong piso. Lahat ay nainggit sa kaniya. Nanghihinayang sila sapagkat sila sana ang may hawak ng ganoong kalaking pera kung tinulungan lang nila ang ginoo.
Labis-labis ang pasasalamat ni Erika sa lalaki. Malaking tulong kasi ito para sa pagpapagaling ng kaniyang lolo at lola. Magandang simula rin ito upang makapagnegosyo siya kahit paano upang mapalago pa niya ang perang iyon para sa oras ng pangangailangan ay lagi siyang may madudukot.
Ang istorya ni Erika ay isang patunay na talagang ibinabalik ng Panginoon sa taong bukal ang damdamin sa pagtulong ang biyaya ng liglig, siksik at nag-uumapaw.