Pinagtakhan ng Lalaki kung Bakit Hindi Masaya ang Nobya nang Malamang Buntis Ito; Kagimbal-Gimbal na Katotohanan Pala ang Itinatago Nito sa Kaniya
Hawak ni Axel ang anak sa kanang braso, habang bitbit naman niya ang mga gamit nito sa kanang kamay. Ngayon ang araw ng muli nilang pagkikita ni Amaya, ang ina ng kaniyang walong buwang anak na iniwan nito upang bumalik sa totoo nitong pamilya.
Oo, may anak siya sa babaeng pag-aari na ng iba, pero kasalanan ba niya iyon kung sa umpisa ay wala naman talaga siyang alam? Ang buong akala niya’y single ito at walang sabit nang makilala niya ito sa social media. Nagpakilala si Amaya bilang dalagang may obligasyon sa naiwang pamilya nito sa ‘Pinas kaya nagdesisyong mag-abroad upang mabigyan ng magandang buhay ang mga magulang.
Puro panlilinlang lamang pala ang lahat dahil ang buong katotohanan ay may asawa itong iniwan sa ‘Pinas at may apat itong anak sa tunay na asawa. Wala siyang kaalam-alam na naging kabit pala siya ng babae. Kumpyansa naman siya dahil nang umuwi ito galing abroad ay sa kaniya deretsong nagtuloy, saka lamang umamin si Amara nang mabuntis ito, dahil pinagtatakhan niya ang kagustuhan nitong huwag ituloy ang dinadala.
“Axel,” masayang wika ni Amaya saka nasasabik na hinawakan ang anak na mahimbing na natutulog. “Miss na miss na kita, anak,” mangiyak-ngiyak nitong sambit.
Tinitingnan ni Axel ang bawat galaw ni Amaya at ngayon niya nais tanungin ang sarili kung alin sa katangian nito ang nagustuhan niya. Maganda ang babae… hindi niya maipagkakaila iyon, ngunit ang katotohanang sinungaling ito’y isang bagay na hindi kamahal-mahal. Nagsinungaling ito sa kaniya noon nang magpanggap itong walang sabit. Hanggang ngayon naman ay nagsisinungaling ito sa asawa’t mga anak nito tungkol sa kataksilang ginawa. Ano kaya ang mangyayari kapag nalaman ng totoong asawa ni Amaya ang panlolokong ginawa nito?
“Salamat Axel, kasi pinayagan mo akong makita ang anak natin, kahit sa huling pagkakataon,” anito.
Nakikita niya sa mga mata ni Amaya ang labis na lungkot, ngunit sapat na ang mga ginawa nitong pananakit sa kaniya upang hindi magpaapekto. Hindi ito dapat na kaawaan. Mas dapat pa nga siyang kaawaan kumpara sa babae. Matapos nitong manganak ay hindi man lang nito nagawang kargahin ang anak nila, dalawang linggo matapos itong manganak ay umalis itong hindi nagpapaalam sa kaniya at iniwan nito sa kapitbahay nila ang kaniyang anak.
Pakiramdam ni Axel ay pinagsakluban siya ng langit at lupa habang pasan niya ang daigdig sa balikat nang mga oras na iyon. Hindi niya alam kung paano maging ina… hindi niya alam kung paano aalagaan ang anak na wala pang isang buwang iniwan ng ina. Ngunit kahit ganoon ay sinikap niyang buhayin at alagaan ang anak, sa paraang alam niya.
Dahil wala siyang mapag-iiwanan ng anak ay dinadala na lamang niya ito sa trabaho, laking pasasalamat naman niya dahil nakakaunawa ang kaniya amo. Kung hindi gwardiya ang nagbabantay sa kaniyang anak, minsan ay ang mga kasamahan niya sa trabaho. Animo’y tuta kung ipabantay niya ang anak sa kung kani-kanino, ngunit wala siyang ibang magagawa. Kaysa abandunahin ang anak, gaya ng ginawa ni Amaya, mas pinili na lamang niyang gawin iyon.
“Hindi ko inaasahan ang magiging reaksyon mo, Amaya,” malamig na wika ni Axel. “Ang akala ko’y tuluyan mo nang kinalimutan ang anak mo.”
Umiling-iling ang babae. “Anak ko siya, Axel, imposibleng makalimutan ko ang sarili kong laman.”
Hindi niya naiwasang umismid. “Naaalala mo pa palang may anak ka. Anak na hindi mo kayang ipagsabi sa iba, dahil takot kang madungisan ang pagkatao mo sa sarili mong pamilya,” aniya. “Buti nakakatulog ka pa rin nang mahimbing sa gabi. Hindi ka man lang ba nakokonsensya sa ginawa mo sa’kin at sa kataksilang ginawa mo sa sarili mong pamilya, Amaya?” dugtong niya, pigil ang inis.
“Patawarin mo ako, Axel,” tanging tugon ni Amaya. “Hindi ko kayang mawala sa’kin ang pamilya ko.”
Tila isang patalim sa puso ni Axel ang sinabi ni Amaya. Mas kaya nitong mawala sila ng kaniyang anak, kaysa ang mawala ang sarili nitong pamilya. Sabagay, sino ba naman siya sa buhay nito? Pampalipas oras lang pala siya noon ng babae, masyado nga lang niya itong sineryoso kaya heto ang nangyari sa kaniya. Muli niyang kinuha ang anak at pumara ng taxi. Uuwi siya ng probinsya at doon magbabagong buhay. Nahihirapan na siya rito sa Maynila, mas maiging doon na muna sila ng kaniyang anak sa probinsya upang kahit papaano’y may katuwang siya sa pagpapalaki sa kaniyang anak. Hindi madali ang maging ama at ina, iyon ang isa sa mga napatunayan ni Axel sa nangyari.
“Huwag kang mag-aalala, Amaya, hinding-hindi mo na kami ulit makikita ng anak mo. Hindi kailanman malalaman ng anak mo na may ina siyang kagaya mo— isang manloloko,” ani Axel saka pumasok sa loob ng taxi.
Naiwan si Amaya na humahagulhol ng iyak. Ayaw niyang mawala sa kaniya ang anak, ngunit hindi niya pwedeng piliin ang isa laban sa limang maaaring mawala sa kaniya. Mahal niya ang anak nila ni Axel, pero mas mahal niya ang asawa’t apat na anak. Naninikip ang kaniyang dibdib habang hinahayaan ang sariling umiyak nang umiyak.
May mga desisyon talaga tayo sa buhay na maaari nating pagsisihan sa huli. Kung hindi sana nagpanggap si Amaya, hindi sana magiging kumplikado ang lahat. Habang buhay niyang dadalhin sa puso ang konsensya dahil nagawa niyang lokohin ang asawa’t mga anak. Habang buhay naman niyang aasamin na sana’y muli pa silang magkita ng anak nila ni Axel.