Inday TrendingInday Trending
Nanghingi ng Tulong ang Ama Upang Mabayaran ang Kinuhang Motor ng Kaniyang Bunsong Kapatid; Mariin Niya Iyong Tinanggihan

Nanghingi ng Tulong ang Ama Upang Mabayaran ang Kinuhang Motor ng Kaniyang Bunsong Kapatid; Mariin Niya Iyong Tinanggihan

Tunog ng kaniyang selpon ang naging dahilan kaya nagising si Everly. Naaalimpungatan pa siyang dinampot ang selpon upang sagutin kung sino man ang tumatawag sa kaniya.

“Hello,” namamaos niyang wika.

“Everly, magandang umaga, ‘nak, si papa ‘to,” anang mahinahong boses ng ama.

Kapag ganoon na ang boses nito’y medyo kinakabahan na siya. Dalawa lang kasi ang dahilan nang pagtawag nito, kung hindi manghihingi ng pera sa kaniya’y magsasabi ng problema sa pamilya nila.

“Good morning d’yan, papa, medyo hatinggabi pa po rito,” aniya saka sinilip ang maliit na orasan sa ibabaw ng mesa. Alas dos pa lang ng madaling araw.

“‘Nak, baka pwedeng humingi ng pabor si papa,” nag-aalangang wika ng ama. “Kasi ‘nak, hindi pa naaani ang mga palay, pero may bayarin nang kailangang bayaran. Ilang beses na kasing nagpabalik-balik dito ang kolektor ng motor na kinuha ni Roldan, nakapangalan kasi iyon sa’kin, ‘nak. Ang kinakatakutan ko kasi ay baka ikulong ako sa hindi pagbayad ng pagkakautang,” mahinahon at isa-isang ang bawat salitang wika ng kaniyang ama.

Nabalitaan nga niya ang motor na kinuha ng kaniyang pasaway na kapatid. Wala silang kaalam-alam sa balak nito. Nag-ipon ito ng pang-down sa motor at ipinangalan nito iyon sa kanilang ama. Pitong buwan na ang nakakalipas mula noong nakuha ng kapatid ang inutang na motor.

Matutuwa naman sana siya kung nagagamit sa maganda ang kinuha nitong motor, ang kaso’y hindi. Mga barkada lamang ng kapatid ang nakikinabang sa inutang nitong motor. Puro pagpapasikat lang ang ginawa nito, hindi nga nito magawang ihatid ang mga magulang nila sa bayan kapag may kailangang bilhin roon dahil palagi naman itong wala habang bitbit ang motor.

Kaya nang malaman niya ang kalokohan ng kapatid ay nagpasya siyang itigil ang pagpapadala ng pera upang bayaran ang motor na iyon. Gusto niyang ito mismo ang maghanap ng paraan upang mabayaran ang pinagkakautangan.

“Ipahila niyo ang motor na iyan, ‘pa, para wala nang magamit ang pasaway niyong anak sa pagpapasikat niya. Hindi kayo makukulong niyan, pero tiyak na hahatakin ‘yan, tatlong buwan na pala iyang hindi nababayaran,” ani Everly.

Bente syete na si Roldan, kung tutuusin nga ay dapat maaasahan na ito at dapat responsable na sa buhay. Ngunit hindi… nai-spoil kasi ito ng kaniyang mga magulang, palibhasa’y bunsong lalaki, kaya kung ano man ang gusto’y siyang binibigay ng mga ito.

“Pero ‘nak, kawawa naman ang kapatid mo kung mawawala ang pinakagusto niyang motor—”

Hindi niya na pinatapos ang ama. Mahal niya ito, pati na ang kaniyang ina at mga kapatid, pero pagod na siyang intindihin ang pangungunsinti ng mga ito sa abusado nilang bunso. Nakikita niyang nahihirapan na ang mga ito sa mga pinaggagawa ni Roldan, pero nagtitiis ang mga ito, maibigay lang ang gusto ng bunsong anak, at hindi na iyon tama para kay Everly.

“Maawa kayo sa sarili niyo, ‘pa! Hindi niyo ba napapansin na tinatalian na kayo ni Roldan sa leeg? Dapat nga’y magtrabaho na ‘yan upang magkaroon naman siya ng sarili niyang pera at hindi na umasa sa inyo, hindi na kayo bumabata, pero walang pakialam ‘yang pinakamamahal niyong anak. Imbes na tulungan kayo’y mas lalo lamang kayong ibinabaon sa hirap ni Roldan!” inis niyang sambit.

“P-Pero ‘nak…”

Hindi niya nakikita ang mukha ng ama, ngunit alam niyang mangiyak-ngiyak na ito sa mga oras na iyon at nagpipigil lamang ng luha habang kinakausap siya.

“Mahal ko kayo ‘pa, handa akong ibigay sa inyo ang lahat basta kaya ko lang. Kaya kong bayaran ang motor na iyan kung gugustuhin ko lang at tiyak akong mapapakinabangan niyo, pero hindi e… mga barkada ni Roldan ang nakikinabang sa motor na hirap na hirap kayong bayaran,” humihibi niyang wika.

Nasasaktan siya para sa mga magulang. Handa siyang ibigay sa mga ito ang lahat, ngunit may kapatid naman siyang parang linta na hinihigop ang sa tingin nito’y napapakinabangan nito sa mga magulang nila, kaya nauuwi rin sa wala ang lahat at patuloy pa ring nahihirapan ang kaniyang mama at papa.

“Hindi ko na babayaran ang motor na iyan, mas ikakatuwa ko pang mabawi iyan ng pinagkautangan ni Roldan. Desisyon niyo na rin kung titiisin niyo ang bunso niyong anak bilang pagdisiplina, o patuloy itong kunsintihin upang mas lumaki pa ang ulo,” aniya saka nagpaalam sa ama.

Saka lamang niya pinakawalan ang luhang kanina pa pinipigilan. Sa totoo lang ay hindi niya matiis ang mga magulang, pero kung iyon ang paraan upang madisiplina ang pasaway na kapatid ay iyon ang kaniyang gagawin. Matanda na si Roldan, dapat nga’y hindi na ito sagot ng kaniyang mga magulang. Iniiwan na niya ang desisyon sa dalawa, kung didisiplinahin ba ang pasaway nitong anak o kukunsintihin. Basta siya, malinaw sa kaniyang ang mga magulang na lamang niya ang responsibilidad niya.

Advertisement