Inday TrendingInday Trending
Mahal na Mahal ng Babae ang Kaniyang Nobyong Nagbabarko; Kung Ganoon ay Bakit Siya Pumatol sa Ibang Lalaki?

Mahal na Mahal ng Babae ang Kaniyang Nobyong Nagbabarko; Kung Ganoon ay Bakit Siya Pumatol sa Ibang Lalaki?

“Mama, laro ako doon,” ani Elias, ang apat na taong gulang na anak ni Kylie.

Ngumiti siya saka marahang tumango tanda ng pagpayag. Araw ng Sabado at walang trabaho si Kylie, kaya nagdesisyon siyang ipasyal ang anak sa mga lugar na hindi nila palaging napupuntahan lalo na’t masyado siyang abala sa trabaho. Kaya naman mula sa pag-iikot sa mall, dumiretso silang mag-ina sa paborito nitong kainan, at umakyat sa itaas sa mga palaruan upang hayaan itong maglaro.

Nakangiti niyang sinusundan ang bawat galaw ni Elias, at masayang-masaya ang puso niyang nakikita itong masaya.

“Mama, laro ako ng ball,” anang anak sabay turo kung saan nito nakikita ang ibang bata na nagbabasketball.

Mula Lunes hanggang Biyernes ay tuwing gabi lamang silang nagkikita ng kaniyang anak. Iniiwan niya ito sa kapitbahay niyang may anak din kaya hindi na pinagtatrabaho ng asawa, binibigyan na lamang niya ito ng pera bilang sweldo.

Kinailangan niyang magtrabaho upang tustusan ang pangangailangan ng kaniyang anak dahil wala naman siyang asawa upang asahan sa lahat ng gastusin. Kaya kahit mahirap ay nagtitiis siyang magtrabaho para sa anak. Naging masyadong magulo ang kaniyang nakaraan kaya nauwi siyang ganito… isang dalagang ina.

Nang minsang nakiusap siya kay Beth na bantayan si Elias dahil kinailangan na niyang bumalik sa pagtatrabaho’t nahihirapan na siya sa buhay nilang mag-ina ay hindi nito naiwasang mag-usisa.

“Nasaan ba ang ama ng anak mo, Kylie? At saka bakit hindi mo na lang pabantayan ang anak mo sa mga magulang mo? Tiyak na mas makakatipid ka pa at hindi mo na kailangang magbayad ng ibang tao,” ani Beth.

Malungkot na ngumiti si Kylie at isa-isang sinagot ang tanong ng babae. “Sa totoo lang, napaka-kumplikado ng buhay ko at hindi ko alam kung paano ikukwento iyon sa’yo nang hindi mo ako huhusgahan,” panimula niya.

Sa edad na kinse anyos ay naranasan na niyang magkaroon ng nobyo— first love kung tawagin. Ang pangalan ng nobyo niya’y Kian, ang akala niya’y ito na ang mapapangasawa niya at makakasama niya sa lahat ng dagok sa buhay hanggang sa kanilang pagtanda, ngunit nagkamali siya.

Ikakasal na sila noon ni Kian nang matanggap ito sa barko. Naglayag si Kian at naiwan si Kylie sa ‘Pinas, hinihintay ang muling pagbaba ng fiancé sa barko. Ngunit hindi naging madali ang lahat dahil ang daming nangyari sa relasyon nila noong panahon na magkahiwalay sila. Mayroon iyong selosan, mga paghihinala na nauuwi sa hiwalayan, pero pinipili pa rin nila ang isa’t isa sa huli. Hanggang sa dumating ang pagkakataon na sinukuan na niya ang pagmamahal para sa fiancé.

May nakilala siyang ibang lalaki, ang kaniyang pangalan ay si Rico. Gwapo ito, matangkad, tisoy, matangos ang ilong at may dimple pa sa pisngi. Walang babaeng hindi magkakagusto kay Rico, pero hindi siya. May fiancé siya at kahit magkalayo sila ni Kian ay mahal na mahal niya pa rin ito hanggang ngayon.

Matagal na silang magkaibigan ni Rico, ito ang palaging karamay niya sa tuwing nasasaktan siya kay Kian. Si Rico ang sumasalo sa lahat ng hinanakit niya sa mundo. Si Rico ang nagpapagaan ng loob niya, at si Rico rin ang naging dahilan kaya nakokonsensya siya ngayon kay Kian. May nangyari kasi sa kanilang dalawa na hindi niya alam kung paanong nangyari, basta nagising na lang siya kinaumagahan na magkatabi sila at parehong walang saplot sa katawan.

“Handa naman akong panagutan ka, Kylie. Iwanan mo na ang Kian na iyon na walang ginawa kung ‘di saktan ka! Nandito ako, mahal kita, mamahalin kita at pakakasalan kita hilingin mo lang,” ani Rico.

“Nahihibang ka na ba?! May fiancé ako! Malapit na akong ikasal sa taong mahal na mahal ko, tapos heto….” hindi magawa ni Kylie na ituloy ang nais sabihin. “Mali ‘to Rico! Maling-mali! Simula sa araw na ito, ayoko nang makita ka pa!” singhal niya sabay talikod sa lalaki.

Alam niyang labis niyang nasaktan si Rico, dahil nakita niya kung paano itong humagulhol na nagmakaawang piliin niya ito at iwanan na niya si Kian. Ngunit naging matigas siya kay Rico. Mahal niya si Kian, ano man ang nangyari sa relasyon nila, si Kian ang mahal niya at ito ang lalaking pakakasalan niya.

Gaya ng palaging nangyayari… muling pinili nina Kian at Kylie ang isa’t isa kaya ang saya-saya niya nang sabihin nitong malapit na itong umuwi sa ‘Pinas, isang buwan na lang ang hihintayin at magkakasama na silang muli. Ngunit ang kasiyahang iyon ay saglit lamang sapagkat nalaman niyang buntis siya kay Rico. Ang isang beses na pagkakamaling iyon ay nagbunga.

Walang sikretong kayang itago. Nalaman ni Kian ang kasalanang nagawa niya at labis ang pighating naramdaman nito sa kataksilang kaniyang nagawa. Ang kasal na dapat sana’y gaganapin dalawang buwan mula sa pagbaba nito sa barko ay hindi natuloy. Naging malamig na rin ang pakikitungo nito sa kaniya. Bago pa man siya nakapanganak at bago ito bumalik sa barko ay nakipaghiwalay na si Kian sa kaniya at sa pagkakataong iyon… ramdam na ni Kylie na wala na siyang mababalikan pa.

Iyon ang dahilan kaya kinasusuklaman siya ng sariling pamilya. Inilagay lang daw niya sa kahihiyan ang pamilya nila, kaya hindi niya magawang humingi ng tulong sa mga ito, lalong-lalo na kung tungkol sa kaniyang anak. Nang makapanganak siya’y sinubukan niyang hanapin si Rico upang ipaalam ritong nagkaanak sila, ngunit huli na ang lahat para sa kanilang dalawa dahil nalaman niyang ikinasal na rin ito at may iba nang pamilya. Tila naiwan siyang mag-isa sa ere, at wala siyang ibang kailangan gawin kung ‘di ang buhayin ang kaniyang anak na siyang naging dahilan kung bakit kinasusuklaman siya ng lahat.

Naunawaan naman siya ni Beth at hindi siya hinusgahan ng babae. Mula nang magdesisyon siyang magtrabaho hanggang ngayong apat na taong gulang na ang anak ay ito na ang nagbantay at nag-alaga kay Elias, kaya ang laki rin ng pasasalamat niya kay Beth.

“Maaamaaa,” nakangiting tumatakbo si Elias palapit sa kaniya at mahigpit siyang niyakap ng anak. Tuwang-tuwa ito dahil nakakuha ito ng maliit na laruang pambata, kapalit ng ticket na nakuha nito sa paglalaro ng kung ano-ano. “I love you, mama,” ani Elias sabay halik sa pisngi ng ina.

Tila natunaw ang puso ni Kylie nang marinig ang sinabi ng anak. Hinalikan niya rin ito saka ibinulong ang, “I love you too, baby.”

Bunga man si Elias ng isang pagkakamaling nagpabago nang malaki sa buhay niya, ito naman ang naging dahilan upang maitama niya ang lahat ng pagkakamaling nagawa niya sa nakaraan. Si Elias ang blessing na ibinigay sa kaniya ng Panginoong hinding-hindi niya pinagsisihang tanggapin. Mahal na mahal niya ang anak, higit pa sa buhay niya. Handa siyang gawin ang lahat ng paraan makita lang itong masaya… isa lang siguro ang hindi niya kayang ibigay rito, at iyon ay ang pagkakaroon ng buong pamilya.

Advertisement