Mula Nang Mag-Asawa ay Tila Nakalimutan na ng Lalaki na Dalawin ang Ina; Matatauhan Siya sa Gagawin ng Matapobre Niyang Misis
Alas siyete ng umaga ay dinig na ang malakas na sigaw ni Aling Cita.
“Gulay! Gulay kayo riyan!”
Matagal nang nagtitinda ng sari-saring gulay ang matandang babae. Halos lahat nga ng tao sa lugar nila ay suki niya.
“Uy, Cita! Daan ka muna rine at bibili ako ng paninda mo,” sabi ng isa sa mga kapitbahay niya.
“Ay salamat naman at ikaw ang buena mano ko, Saling,” sagot ng ginang.
Malakas pa si Aling Cita, sa gulang niyang animnapu’t lima ay matiyaga pa rin siyang naghahanapbuhay.
“Ku, ewan ko ba naman sa iyo, Cita. Dapat sa iyo ay magpahinga na. Aba’y anong ginagawa ng anak mong lalaki?” wika ng ale.
“Ito naman…aba’y may asawa na si Rommel ko. Isa pa’y nakakahiya naman sa manugang kong si Aliona,” tugon niya.
Napailing na lamang ang matandang babae.
“Suwerte mo nga eh, mayaman ang napangasawa ng anak mo. Dapat nga ay kunin ka na nila, ‘di ka na dapat nagtatrabaho,” usisa pa nito.
“Kinukuha naman ako ng anak ako eh, Ako lang ang tumatanggi dahil ayokong maging pabigat pa sa kanilang mag-asawa,” sagot na lamang niya.
Ang totoo, iyon ang madalas nilang pag-awayan ng nakababatang kapatid niyang si Aling Clara.
“Malungkot ka na naman, ate! Halika na’t kumain at nang makapagpahinga na tayo,” sabi nito.
“Naaalala ko ang anak ko, Clara. Kumusta na kaya siya?” aniya.
Kumunot ang noo ng kaniyang kapatid.
“Iyan ang mahirap sa iyo ate, eh! Nag-aalala ka sa taong hindi ka naman naaalala. Pwede ba, ate…hayaan mo sila! Aba’y nakakaraos naman tayo, a!” inis na wika ni Aling Clara.
“Pero anak ko pa rin siya, Clara. Apat na buwan na kaming hindi nagkikita, ni hindi man lang tumatawag,” nag-aalalang sabi ng matandang babae.
Kaisa-isang anak ni Aling Cita si Rommel. Pitong taon pa lang ito nang maulila sa ama. Maagang pumanaw ang asawa niya na isang karpintero. Nagkasakit ito nang malubha noon at binawian ng buhay sa ospital kaya siya na ang tumayong ama at ina sa kaniyang anak. Iginapang niya ang pag-aaral nito hanggang makatapos sa kolehiyo sa kursong Architecture. Ngayon ay may asawa na ito, tulad ng anak niya’y propesyunal din ang babaeng pinakasalan nito na isang accountant na nagmula sa may sinasabing pamilya.
“Hay naku, Ewan ko nga ba, mabait naman si Rommel, p-pero sa sobrang kabaitan at pagmamahal sa asawa’y hayan…nalimutan na ang lahat maging ikaw na kaniyang ina,” saad pa ni Aling Clara.
Sa tinuran ng kapatid ay hindi na nakasagot pa si Aling Cita.
Samantala, sa marangyang bahay kung nasaan ang mag-anak ni Rommel…
“O, magbihis ka na, Rommel! Bilisan mo naman at baka naiinip na sina mama at papa!” sigaw ng asawang si Aliona.
“Ready na ako, honey! Ilalabas ko na ang kotse!” sagot ng lalaki.
Nang nasa sasakyan na sila…
“Honey, dumaan muna kaya muna tayo kina nanay? Matagal na tayong ‘di dumadalaw sa kanila, eh,” sabi ni Rommel sa misis.
Kumunot ang noo ng babae. “Hay naku, saka na lang Rommel, isa pa, baka magkasakit na naman itong si Junior kapag nakasagap ng maruming hangin doon,” sagot ni Aliona.
“Pero gusto ko rin pong makita ang lola, mama,” ingit ng anak nilang si Junior.
Hinampas ng babae ang braso ng bata. “Tumigil ka, Junior!”
Nagwalang-kibo na lang si Rommy sa inasta ng asawa pero palabas na sila ng gate nang matanaw nila ang nanay niyang si Aling Cita. Naisipan ng matanda na bumista sa kanila. Miss na miss na kasi nito ang anak at ang apo.
Binuksan niya ang bintana ng sasakyan at kinausap ito. “O, nanay! Napadalaw kayo? Sandali lang po kami, may pupuntahan lang po. Pumasok na kayo sa loob ng bahay, hintayin niyo po kami. Huwag po kayong aalis ha? Mga kasambahay na po ang bahalang umasikaso sa inyo,” sabi ni Rommel sa ina.
“Hintayin? Aba, Rommel…gagabihin na tayo doon kina mama! Saka na kayo bumalik, nanay!” kontra ni Aliona.
Dahil nakaramdam ng hiya si Aling Cita ay nagpaalam na lang ito.
“Naku, pasensya na kayo…babalik na lang ako bukas. Sige na, baka mahuli pa kayo sa pupuntahan ninyo,” anito saka umalis na.
Habang nasa daan ay matamlay si Rommel dahil sa nangyari. Napansin siya ni Aliona.
“Ano ka ba, Rommel? Bilis-bilisan mo naman!” inis na sabi nito.
“Mukhang pumayat si nanay. Kawawa naman siya. Hindi naman siguro siya pinababayaan ni Tiya Clara,” nag-aalalang wika ng lalaki.
Nang makauwi na si Aling Cita…
“Sinasabi ko na nga ba! O, ‘di anong napala mo, ate? Noon una pa, hindi na ako boto sa manugang mong iyon. Napaka-matapobre!” sambit ni Aling Clara.
“Nagmamadali ang mga bata, Clara, dahil may pupuntahan sila! O, siya…tama na at magluluto pa ako,” sagot na lamang ng matanda para hindi na humaba ang diskusyon nila.
Mabilis na lumipas ang isang linggo. Kaarawan ni Rommel at abala si Aliona sa paghahanda sa kanilang bahay.
“Bilis-bilisan ninyo ang pagkilos! Kailangang ayos na ang lahat bago gumabi,” utos ng babae sa mga kasambahay habang ito naman ay abala sa pagpe-prepara ng mga pagkain.
“Teka, mukhang malaking party yata ito, a! Nag-abala ka pa, okey lang naman sa akin kahit simpleng salo-salo lang,” wika ng lalaki.
Niyakap ng babae ang mister. “Ito ang regalo ko sa iyo, honey! Happy birthday! I love you!” malambing na sabi nito.
“Thank you, honey. Ang sweet mo talaga,” tugon ni Rommel saka hinalikan sa pisngi ang asawa.
Ang araw na iyon ay hindi rin kailanman makakalimutan ni Aling Cita.
“Kalamay na ube! Tiyak na matutuwa nito si Rommel ko. Paborito niya ito,” tuwang-tuwang sabi ng matanda habang inihahanda ang simpleng regalo niya sa anak.
Galak na lumakad si Aling Cita sa bahay nina Rommel ngunit sa gate pa lamang ay…
“Lola, napakarami pong tao sa loob at hindi raw po kayo maaasikaso kaya eto raw po iuwi niyo, mga ulam at cake po ‘yan,” wika ng isa sa mga kasambahay.
“G-Ganoon ba? S-sige, ineng, salamat na lang. Kung maaari, ibigay mo na lang ito sa aking anak. S-sabihin mo sa kaniya na happy birthday! Sige, aalis na ako,” tugon niya.
Palihim na iniabot ng kasambahay ang bilao na may kalamay kay Rommel. Nang malaman ng lalaki na dumaan ang ina…
“Bakit hindi mo pinatuloy? Eh, nanay ko iyon! Nasaan na siya? Nasaan?” tanong ni Rommel.
“Nakaalis na po, sir. A-ayaw po kasi siyang papasukin ni ma’am,” sagot ng kasambahay.
Narinig ni Aliona ang pag-uusap ng mister at ng kasambahay kaya napasugod ito sa kusina.
“Pupuntahan ko ang nanay ko,” sambit ng lalaki, akmang lalabas ng bahay pero pinigilan siya ng asawa.
“Magtigil ka, Rommel! Asikasuhin mo ang mga bisita! Huwag ka sanang hibang!” galit na sabi nito.
Humihingal sa poot na binalingan ni Rommel ang misis at…
“Sumosobra ka na, Aliona! Hindi ko na ito mapapalampas pa! Wala kang karapatan na lapastanganin ang aking ina!” sambit niya saka sinampal ng ubod lakas ang babae.
Wala nang nagawa pa si Aliona nang padabog na umalis ng bahay si Rommel. Nagmamadaling sumakay ito ng kotse na parang sasabog ang dibdib sa sama ng loob.
“Kawawa naman ang nanay ko. O, Diyos ko, patawarin Mo po ako! Mahal na mahal ko po si nanay, bakit ngayon lang ako nagising? Bakit?” hagulgol niya habang nagmamaneho.
Pinuntahan niya ang bahay ng ina. Umiiyak na humingi ng tawad.
“Nanay, nanay ko!”
Sinalubong naman siya ni Aling Cita at niyakap.
“Rommel! O, ang anak ko! Ano ang nangyari sa iyo?” naluluhang sabi nito.
“Patawarin niyo po ako inay, nakalimutan ko kayo nang mag-asawa ako. Patawad po kung hindi naging mabuting manugang ang aking asawa. Kasalanan ko po inay,” sabi ni Rommel sa ina.
Umiling ang matanda. “Matagal na kitang napatawad, anak. Napatawad ko na rin ang iyong asawa. Huwag ka nang mag-alala. Tumahan ka na, birthday na birthday mo umiiyak ka,” sagot ni Aling Cita.
“Salamat, nanay sa lahat, salamat po sa pagmamahal. Hinding-hindi ko na kayo iiwan, hindi na tayo magkakalayo. Sa ayaw niyo o sa gusto’y sasama na kayo sa akin. Sa bahay na namin kayo titira, isasama natin si Tiya Clara,” aniya.
“O, anak ko,” tanging nasabi ng matanda.
Mula noon ay sa bahay na ni Rommel tumira ang ina at ang balong tiyahin. Nagbago na rin ang ugali ni Aliona, humingi ito ng tawad sa biyenan sa lahat ng pagsusungit nito. Natuwa naman ang anak niyang si Junior dahil makakasama na nito ang lola na matagal nang gustong mangyari ng bata. Wala nang mahihiling pa si Aling Cita, kasama na niya ang kaniyang unico hijo at ang pamilya nito.