Tinulungan na nga ng Pinsan ang Babae Pero Kinupitan pa Niya Ito at Niloko; Anong Kapalaran ang Naghihintay sa Kaniya?

Apat buwan na ang nakakaraan mula nang kupkupin ni Sally ang pinsan niyang si Elisa. May tatlong anak ang babae, ang panganay nito ay anim na taong gulang, ang pangalawa ay apat na taon, at dalawang taon naman ang bunso.

Ang asawa naman ni Elisa na si Conrad ay traysikel drayber, naloloko sa b*syo kaya palaging nananakit. Mabuti na lang mabait ang pinsan niyang nakakaangat sa buhay, kaya kahit may sariling pamilya na rin ay hindi siya pinapabayaan. Inilayo siya nito sa mapanakit na mister.

Ikinuha siya nito ng apartment, ang pinsan niya ang nagbabayad ng upa, kuryente at tubig. Binibigyan din siya nito ng budget para sa pagkain at iba pang pangangailangan niya. ‘Di ba ang suwerte niya!

Isa lang ang hiling nito sa kaniya, siya ang magbantay sa negosyo nitong panaderya. Maraming inaasikaso ang pinsan niya sa opisina kaya sa kaniya ipinagkatiwala ang pagbabantay sa ipinundar nitong panaderya at sa kaha ng pera.

Pero may hindi nalalaman ang pinsan niyang si Sally tungkol sa kaniya, hindi nito alam na tulad ng asawa niya’y lulong din siya sa b*syo.

“O, ano? Tuloy tayo ha?” sabi niya sa kaibigang si Tenteng.

“Baka malaman ng pinsan mo ito, Elisa,” sagot ng babae.

“Hindi ‘yan. Tara na,” yaya niya. Binalingan pa niya ang mga anak na mahimbing na natutulog.

Advertisement

“G*ga ka talaga! Kapag nakarating ito sa pinsan mo, a! Alam mo naman na maraming tsismoso’t tsismosa riyan sa paligid,” sabi pa ng kaibigan.

“P*t*ng*na naman, eh! Ikaw na nga ang ililibre ko sa sugalan. Ano ba? Gusto mo o ayaw mo?” taas ang kilay na asik niya sa kausap. Nakakabuwisit kasi, ito na nga ang niyayaya niya kung anu-ano pa ang sinasabi at nag-iinarte pa.

Sa kabila ng pagtulong ng pinsan ay hindi naman nadadala si Elisa, iniiwan pa niya ang mga anak sa gabi at ikinakandado ang mga ito sa kwarto para makapagsugal siya kasama ang mga barkada. Binigyan na nga siya ng pagkakataon na makapagbagong buhay pero sinasayang lang niya. Inuubos lang niya sa b*syo ang perang ibinibigay sa kaniya ni Sally.

Hindi lang iyon, palihim din niyang kinikita ang dating asawa para isama ito sa pagb*b*syo niya. Sa isip niya ay hindi naman malalaman iyon ng pinsan niya, magaling siyang magtago eh. Wala rin itong kaalam-alam na kinukupitan niya ang kaha nito sa panaderya para pandagdag sa pagsusugal niya at ang sobra ay ibinibigay naman niya sa mister para may pangb*syo rin ito.

Isang gabi, alas onse na nang matapos ang paglalaro niya ng tong-its, bukod sa talo siya’y nakainom pa siya. Gegewang-gewang na naglalakad si Elisa pabalik sa apartment. Pagpihit niya ng pinto ay napansin niyang bukas na iyon.

“A-Aba, nakalimutan ko bang isara ito kanina?” nagtatakang sabi niya sa isip.

Maya maya ay sinalubong siya ng pinsan niyang si Sally na nanlilisik ang mga mata, karga nito ang kaniyang bunsong anak na umiiyak. Ang kaniyang panganay naman at pangalawang anak ay kumakain ng pansit sa kusina.

“Anong klase kang nanay, Elisa?” bungad nito.

Advertisement

“I-Ikaw p-pala i-insan…nag-happy-h-happy lang…” aniya pero hindi na niya naituloy ang sasabihin dahil…

“Nababaliw ka na ba, Elisa? Bakit mo ikinakandado ang mga anak mo sa loob ng kwarto para lang mag-happy happy ka? Akala mo ba ay hindi nakakarating sa akin ang mga bali-balita na nalululong ka sa pagsusugal? Sa una ay ayokong maniwala dahil umasa ako na hindi mo tutularan ang asawa mong sugarol pero totoo pala ang mga sabi-sabi!” galit na galit na sabi nito.

Umirap naman si Elisa. Nakakairita ang boses ng pinsan niya, ngayon pa siya nito sinermunan kung kailan olats siya.

Pero hindi pa natapos ang pagsasalita ni Sally. Tuluy-tuloy ito sa pagsesermon sa kaniya.

“Kung hindi pa narinig ng mga kapitbahay na umiiyak ang mga anak mo dahil sa gutom ay hindi makakarating sa akin ang mga kalokohan mo! Mabuti na lang at tinawagan ako ni Aling Norma na nakatira diyan sa tapat ng apartment mo kundi ay mamamt*y sa gutom ang mga bata. Ni hindi pa pala kumakain ang mga anak mo, umalis ka at nagliwaliw pagkatapos pinabayaan mo na kumakalam ang sikmura nila? Anong klase ka? Tapos ay kinukulong mo pa sa kwarto? Paano kung magkasunog? Edi tupok ang mga bata, Diyos ko naman, Elisa, kailan ka ba magtatanda ha? Tinulungan na nga kita para maging maayos ang buhay mo pero eto pa ang gagawin mo?”

Hindi na natiis ni Elisa ang mga pinagsasasabi ng pinsan niya kaya…

“P*t*ng*na naman! Edi ikaw na ang magaling! Ikaw na ang marunong sa buhay, ikaw na ang mabuting ina, l*tse!” galit na sabi niya.

Hindi makapaniwala ang pinsan niya sa narinig. “Anong sinabi mo? At ikaw pa ang may ganang magalit?”

Advertisement

“Eh ano ngayon? Porke tinulungan mo ako wala na akong karapatang sabihin ang gusto ko? Sinabi ko bang tulungan mo ako noon? Hindi naman, ‘di ba? Masyado ka lang pakialamera eh! Kung sesermunan mo lang ako, mabuti pa ay umalis na kami rito! Hindi ko na matatagalan ang mga pangingialam at ang pagbubunganga mo!” singhal niya.

“Aba’t Elisa anong gagawin mo?”

“Edi aalis na kaming mag-iina dito sa apartment mo! Isaksak mo ito sa baga mo!”

Tapos noon ay binitbit niya ang mga anak at lumayas sila. Naiwan si Sally na mag-isa, napapailing at nanghihinayang sa pinsan niya.

Hindi pa doon natatapos ang lahat, dahil gamit ang mga perang nakupit niya sa pinsan ay nagmalaki pa si Elisa. Nagtayo rin siya ng panaderya sa tapat mismo ng panaderya ng pinsan niya para kompetensiyahin ito. Binalikan din niya ang dating kinakasama para mas lalo itong inisin.

Pero dahil hindi siya marunong humawak ng pera at walang alam sa pagnenegosyo ay nalugi rin ang panaderyang itinayo niya, dahil doon ay nagalit ang asawa niyang si Conrad.

“G*ga ka kasi! Tat*nga-t*nga ka! Iyan tuloy nagsara ang negosyo natin. Ikaw talaga ang malas sa buhay ko!” galit na galit na sabi nito sa kaniya.

Walang awa na naman siya nitong sin*ktan dahil wala na siyang maibigay na pera rito. Mata lang niya ang walang latay sa kamay ng mapan*kit niyang mister. Wala namang magawa ang mga anak niya na umiiyak lang sa isang tabi.

Advertisement

Akmang isusunod na bugb*gin ng lalaki ang tatlong bata nang biglang bumukas ang pinto. Tumambad sa kanila ang mga pulis. Hindi rin inasahan ni Elisa kung sino pa ang naroon. Ang pinsan niyang si Sally.

“Hindi mo na masasaktan ang pinsan ko’t mga pamangkin. Hala, hulihin niyo ang lalaking ‘yan!” anito.

Nakarating pala sa pinsan niya na mula nang bumalik siya sa piling ng mister ay sinasaktan na naman sila nito kaya naisip ng babae na magsumbong na sa mga awtoridad.

Laking pagsisisi ni Elisa sa mga nagawa niya. Nahihiya na siya dahil iniligtas na naman siya ng pinsan niya sa ikalawang pagkakataon. Pinili pa rin nitong tulungan siya kahit nasaktan niya ito at kinupitan pa noon.

“I-insan, p-patawarin mo ako…” umiiyak na sabi niya.

“Sshhh…tama na ‘yan, kalimutan na natin ang nangyari. Bumalik na kayo sa apartment,” sabi nito.

Labis-labis ang pasasalamat ni Elisa sa pinsan niya sa kabutihan nito. Mula noon ay nagbago na siya, iniwasan na niya ang pagsusugal. Naghanap siya ng trabaho para sa pambayad sa upa at panggastos nila sa araw-araw. Hindi na siya umasa sa pinsan niya. Dahil nakatuntong naman siya ng kolehiyo ay natanggap siya sa call center. Ipinakita niya sa pinsan niya na nagsusumikap na siya at natuto na sa buhay.

Nang makaluwag-luwag ay naisipan niyang ipagpatuloy ang pag-aaral para mas mabigyan pa ng magandang kinabukasan ang mga anak. Pinagsabay niya ang pagpasok sa eskwela at pagtratrabaho. ‘Di nagtagal ay nakagradweyt siya sa kursong Business Management, at dahil malaki ang naipon niya sa pagko-call center ay nagtayo siya ulit ng negosyo, isang maliit na restawran na napalago niya sa sariling pagsisikap.

Advertisement

Inialay niya ang tagumpay sa mga anak niya at sa kaniyang pinsan na walang sawang nakasuporta sa kaniya.