Binalak na Paghigantihan ng Lalaki ang Babaeng Bumigo sa Kaniya Noon; Sa Huli ay Siya ang Muling Nabigo
Tuwang-tuwa si Tristan nang makuha niya ang promosyon sa opisina. Mahigit sampung taon na siyang nagtatrabaho sa kumpanyang iyon at sa wakas, umangat din ang posisyon niya.
“Let’s give a toast to our new branch manager, Mr. Martinez!” hayag ng kanilang boss.
“Congratulations, Tristan este Sir Tristan pala,” masayang bati ng isa mga kasama niya sa trabaho.
“Salamat, naka-tiyamba lang,” tatawa-tawa niyang tugon.
Malaking hirap ang pinuhunan niya bago narating ang puwestong iyon. Ilang taon siyang nagtiyaga, dugo’t pawis ang ibinuhos niya kaya naman hinding-hindi niya sasayangin ang pagkakataon na dumating sa kaniya.
“Lagot ngayon ang mga supplier, mahigpit pa naman si Sir Tristan at talagang kalidad ang hanap,” wika pa ng isa sa mga kasama niya.
“Kailangan talagang maghigpit dahil dito nakasalalay ang pag-unlad ng ating kumpanya,” sagot niya.
“Kaya nga ikaw ang napili ni boss eh. Walang palakasan sa iyo,” saad pa ng katrabaho niya.
Mahusay naman talaga sa trabaho si Tristan. Gusto niya ay nasa ayos ang lahat. Ayaw niya ng mga kapalpakan upang mas umangat pa ang pagtitiwala ng masa sa kanilang kumpanya. Kaya nga nang umupo na siya bilang bagong branch manager ay nagpakitang-gilas agad siya. Sa loob ng isang linggo ay pulido ang mga gawain at transaksyon sa kanilang opisina pero ang hindi alam ng iba, may lihim na balak si Tristan ngayong nasa posisyon na siya. Iisang tao ang pinaglalaanan niya ng kaniyang plano, walang iba kundi si Angela – ang dati niyang nobya.
“Ikaw pala ang pumalit kay Mr. Santillan,” sabi nito nang pumunta ang babae sa opisina nila.
“Yes. Nagretiro na kasi siya. Susunod siya sa mga anak niya sa Amerika at doon na raw maninirahan,” tugon niya.
Si Angela ang supplier sa kanilang kumpanya. Ang babae rin ang minsang sumugat sa kaniyang puso. Dati niya itong niligawan pero binigo siya, sa madaling salita binasted siya.
“P-Paano ngayong ikaw na ang bagong branch manager? Dating gawi pa rin ba?” tanong nito.
Matagal na hindi kumibo si Tristan, nakatitig lang siya kay Angela na halatang naaasiwa na sa pagkakatitig niya rito.
“Well, matagal ka na rin namang supplier dito sa kumpanya, eh. Titingnan ko kung magkakasundo tayo. Alam mo naman ako,” sabi niya.
“Mataas kasi ang taste mo, eh…alam ko iyon,” wika ng babae.
“Kilala mo pa rin pala ako..sige, magsupply ka ulit dito.”
“Sisikapin kong makaabot iyon sa panlasa mo, Tristan…este Mr. Martinez,” sagot ni Angela sa kaniya bago ito tuluyang umalis.
Nang wala na ang babae…
“It’s my turn, Angela. Pagkakataon ko na ngayong ipadama sa iyo ang hapdi at sakit ng ginawa mo sa akin noon,” natatawa niyang sabi sa isip.
Ang babae kasi ang sobrang nagpahirap noon sa kaniyang puso. Bigla tuloy bumalik sa alaala niya ang nakaraan.
“Sinabi ko na sa iyo noon, Tristan, na wala kang mapapala sa akin. Ibaling mo na lamang sa iba ang pag-ibig mo,” sabi nito.
“Pasensya ka na, Angela, pero mahal na mahal kasi talaga kita kaya makulit ako. Mapipigilan lang ang damdamin kong ito kapag wala na ako,” sagot niya.
“Pwes, pag-aralan mo nang kalimutan ako dahil kahit mawala ka’y hindi ko maibibigay sa iyo ang pag-ibig ko dahil hindi ikaw ang mahal ko. Patawad, Tristan…sana ay maunawaan mo,” hayag ni Angela.
Ang taos niyang pag-ibig ay tinanggihan ni Angela sa dahilan na may ibang lalaki itong iniibig na siya nga nitong pinakasalan.
“Ngayon lang ako nagmahal nang ganito katindi. Hindi ako papayag na basta maapi,” sabi niya noon sa sarili.
Kaya babawian niya ito, isang masakit na paghihiganti ang igagawad niya sa babaeng minsa’y minahal niya.
“Ano ba naman ito, Mrs. Sanchez? Wala man lang akong nagustuhan sa mga samples mo, mababa ang kalidad!” sabi niya nang muling pumunta sa opisina niya si Angela.
Bumakas ang lungkot sa mukha ng babae. “Sige, magdadala ulit ako bukas, pasensya ka na,” anito.
Nang bumalik si Angela dala ang mga bagong samples ay muli itong nireject ni Tristan. Walang pakialam ang lalaki kung mapahiya man ang babae, iyon nga ang gusto niya. Ngayong nasa posisyon na siya ay kaniyang-kaniya na ang lahat ng pagkakataon.
“Dati’y pasado na ito kay Mr. Santillan, a!” wika ni Angela.
“Kung sa kaniya, okey na ‘yan sa akin ay hindi. Iba siya…at iba ako!” mariing sabi niya.
Pagkasabi noon ay nakita niya ang latay ng pagkabigo sa mukha ni Angela.
“Masakit ano, Angela? Tama lang iyan sa iyo,” natatawa niyang bulong sa isip.
Pagkatapos ng ginawa niya’y inaasahan niya na babalik ang babae, maninikluhod…makikiusap…
“Kapag kumakalam na ang sikmura mo at ng iyong pamilya’y magmamakaawa ka rin sa akin,” sambit ni Tristan sa sarili. Alam niyang ang pagsusuplay ng mga tela sa kanilang kumpanya ang pangunahing ikinabubuhay ng pamilya nito.
Ngunit walang Angela na nagbalik sa opisina. Inabangan niya ang pagpunta uli nito sa kaniya pero hindi iyon nangyari. Sa isip niya, imbes na ito ang masaktan, bakit tila siya ang nasasaktan? Napaisip tuloy siya, tama ba ang ginawa niya?
“Bakit ko nga ba siya ginanoon?” tanong niya sa isip.
Isang araw, muling nagkrus ang landas nila ni Angela. Nagkita silang dalawa sa mall. Naisip niya na maglibot-libot doon pero ‘di niya inasahan na magkakasalubong sila.
“T-Tristan este Mr. Martinez,” sabi nito.
“O, Mrs. Sanchez. Bakit hindi ka na bumalik sa opisina? Bibigyan pa naman sana kita ng isa pang chance eh kaso hindi ka na bumalik kaya pasensyahan na lang tayo,” wika niya.
Ngunit laking gulat niya nang sabihin ng babae ang dahilan kung bakit hindi na ito bumalik…
“Nag-try ako sa ibang kumpanya, doon ako sa kanila nagsuplay at nagustuhan naman nila. Mula ngayon ay doon na ako magsusuplay sa kanila. Ganoon naman talaga kapag may isang pinto na nagsara, may magbubukas na panibago,” tugon sa kaniya ni Angela.
Para siyang binuhusan ng malamig na tubig sa tinuran ng babae. Akala niya’y mapapahiya niya ito pero siya pala ang napahiya. Nang makaalis na ito ay nakaramdam siya ng pagsisisi sa mga nagawa niya. Napagtanto niya na kay laki niyang hangal, matibay na puno pala ang binangga niya, hindi basta-basta mabubuwal o maitutumba ng gaya niya na puro paghihiganti ang nasa puso. Nakarma tuloy siya.
“Tama siya, nagiging sakim lang ako. Marami pang pinto para sa iba pang pag-ibig. Ngayon ay kailangan ko nang tanggapin ang kabiguan ko noon sa iyo, Angela. Patawad sa lahat,” bulong niya sa sarili habang nagmamaneho pauwi sa bahay niya.
Kalilimutan na niya ang paghihiganti at bubuksan niya nang muli ang kaniyang puso para sa iba. Umaasa siya na sana ay matagpuan na niya ang pag-ibig na magbibigay sa kaniya ng tunay na kaligayahan.