Inday TrendingInday Trending
Suwerte Raw ang Unang Abuloy sa Namayapa Kaya Kinupit ng Lalaki ang Pera sa Lamay ng Kaniyang Tiyahin; Sumpa Pala ang Hatid Nito

Suwerte Raw ang Unang Abuloy sa Namayapa Kaya Kinupit ng Lalaki ang Pera sa Lamay ng Kaniyang Tiyahin; Sumpa Pala ang Hatid Nito

Malaki ang paniniwala ni Omar sa sabi-sabi na ang unang perang limos sa sumakabilang buhay ay isang mabisang pampasuwerte. Nang sumakabilang buhay ang tiyahin niyang umampon sa kaniya ay sinubukan niya ito.

“Ayan, mabuti at sampung pisong barya itong pinakaunang limos kay Tiya Magda. Ang suwerte ko!” tuwang-tuwa niyang sabi saka kinuha ang pera sa lalagyan ng abuloy. “Napakakuripot naman ng nagbigay nito!” pahabol pa niya.

Itinabi niya ang pera sa kaniyang bulsa. Nang mailibing na ang tiyahin ay susubukan na niya kung totoong may bisa nga ang unang abuloy na nakuha niya. Una niya itong ginamit sa pagsusugal.

“Aba, ang suwerte mo naman, pareng Omar! Para kang pat*y na palaging inaabuluyan a! Panay ang kabig mo ngayon!” gulat na sabi ng kasama sa sugalan.

“Anong meron at sunud-sunod ang panalo mo ha, Omar? Anong anting-anting o agimat ang dala mo riyan?” sabad ng isa pa.

“Maganda lang ang araw ko ngayon, mga pare, kaya bumubuhos ang suwerte,” sagot niya. “Talaga nga palang mabisa ang perang ito na kinuha ko sa abuloy ni Tiya Magda. Totoo nga na masuwerte ito!” bulong niya sa isip.

Buhat nang mapasakanya ang perang iyon, kahit sa legal na hanapbuhay ay kusa siyang nilalapitan ng suwerte.

“Congratulations, Mr. Padilla, dahil ikaw ang bagong sales manager ng kumpanya,” masayang sabi ng kaniyang boss.

“A-Ano po, sir? A-ako, m-manager na?” nagtataka niyang tanong.

“Yes, ipinopromote na kita bilang sales manager. Bakit, ayaw mo ba?” sagot ng boss.

“Naku, hindi po, sir! Nagulat lang po ako. M-Maraming salamat po,” aniya. “Ako na ang kusang nililimusan ng magandang kapalaran,” bulong pa niya sa sarili.

Dahil sa mataas na posisyon at malaking sahod ay madali siyang nakapag-ipon. Bukod pa sa mga napapanalunan niya sa sugal at iba pang iligal na gawain ay agad siyang yumaman. Pero dahil sa biglaan niyang pag-angat sa buhay ay naging palaisipan at haka-haka siya ng marami niyang kakilala.

“Hanep talaga ‘yang si Omar, buhat nang mawala ‘yung tiyahin niyang umampon sa kaniya ay sinuwerte na,” sabi ng isa sa mga kapitbahay niya.

“Suwerte rin ‘yang si Omar, ano? Buhat nang maulila sa mga magulang ay kinupkop at pinag-aral ni Aling Magda. Itinuring pang tunay na anak dahil nga walang asawa’t anak ‘yung matanda. Tapos kahit wala na ang tiyahin niya’y inuulan pa rin siya ng biyaya. Ibang klase!” sabad pa ng isa.

Buhat nang yumaman ay nagpakasasa na sa kaligayahan si Omar. Bukod sa alak, sugal at iba pang bisyo ay nilunod din niya ang sarili sa mga magagandang babae. Gamit ang kaniyang salapi ay nagpapakalunod siya sa kandungan ng mga babaeng natitipuhan niya.

Pati pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot ay pinasok na rin niya. ‘Di nagtagal ay naging maimpluwensiya siyang pinuno ng isang sind*kato

“Boss, ang parte mo! Malaki ang kinita natin sa probinsya,” sabi ng isa sa mga ka-transaksyon niya saka iniabot sa kaniya ang limpak-limpak na pera.

“Good boy! Tiba-tiba na naman tayo niyan!” tuwang-tuwang sagot niya.

Dumating na rin sa punto na gumagamit na siya ng dahas sa pakikipagtransaksyon. Kapag siya’y kinakatalo sa il*gal niyang negosyo ay walang habas siyang tumatapos ng buhay. Para sa kaniya, nakahanda siyang gawin iyon para sa salapi at kapangyarihan.

Pagdating sa mga ganoong gawain ay tila sinusuwerte pa rin siya dahil hindi rin siya mapatumba ng mga nagiging kalaban niya. Kahit ilang beses na siyang pinagtangkaang tapusin ng mga taong may galit sa kaniya ay tila may sa pusa ang buhay niya.

“Talagang may sa dem*nyo yatang Omar na ‘yon, hindi mawala-wala! Totoo yata na may anting-anting ang g*gong iyon, eh!” inis na sabi ng isa sa mga kaaway niya.

Tama nga naman ang mga buhong, ang dahilan ng lahat ay ang…

“This is the secret of my success,” tatawa-tawang sabi ni Omar sa saril habang pinagmamasdan ang sampung pisong baryang abuloy na kinupit niya noon sa lamay ng tiyahin niya.

Pero walang kamalay-malay si Omar na mayroon palang nagmamasid sa kaniya at natuklasan ang kaniyang lihim, si Gimo ang kanang kamay niya sa il*gal na negosyo. Malaki ang tiwala rito ni Omar, parang kapatid na rin ang turing niya sa lalaki.

“Ang sampung pisong barya pala na iyon ang suwerte kay Omar. Paano kaya iyon nagkakabisa?” sambit ng lalaki sa sarili.

Dahil sa natuklasan ay pinapurol ng hangarin ang pag-iisip ni Gimo. Pinag-aralan niyang mabuti ang gagawin. Pinagplanuhan niya kung paano tatapusin si Omar. Isang gabi, dinalhan niya ito ng kape sa kwarto nito. Lingid sa kaalaman ni Omar ay nilagyan ni Gimo ng lason ang kape at pagkatapos nitong inumin iyon ay bumula agad ang bibig ng lalaki na tumapos sa buhay nito. Mabilis niyang naidispatsa ang labi ni Omar nang walang nakakakita.

“Akala ng iba, mahirap patahimikin si Omar, may sa pusa raw, pero bakit ako nagawa ko?” tatawa-tawang sabi ni Gimo. “Sa wakas, ngayong nasa akin na ito ay ako naman ang susunod na magiging milyonaryo,” sambit niya sa isip.

Ngunit sa pagkawala ni Omar ay saka pa lamang pala mabubunyag ang totoong dahilan ng suwerteng nagmumula sa sampung pisong barya. Habang masayang nakahiga si Gimo sa kama ay biglang may lumitaw na usok sa harap niya.

“A-ano ito?!” gulat na sabi niya.

Ang itim na usok ay unti-unting nagkaroon ng korte, naging tao na ikinapanindig ng balahibo ni Gimo dahil isang naaagnas na bangk*y ng isang matandang babae ang nasa harap niya ngayon.

“Ako si Magda, ang tiyahin ni Omar. Dahil nakuha mo sa buhong kong pamangkin ang sampung pisong barya ay sa iyo maililipat ang aking sumpa!” wika ng multo.

“A-Anong i-ibig mong sabihin?” nangangatog na sabi ni Gimo.

“Sa sobrang mapaniwalain ng walang utang na loob kong pamangkin sa suwerteng hatid ng unang abuloy ay nagawa niya akong lasunin. Nang bawian ako ng buhay ay sinubukan niya kung totoo ang bisa ng unang abuloy, at sinuwerte naman siyang talaga ngunit ang kapalit ng suwerteng iyon ay ang aking sumpa. Bago ako mawalan ng hininga ay isinumpa ko siya na kapag tumuntong ang edad niya sa kuwarenta’y singko ay ako naman ang babawi sa buhay niya. Magbabalik ang aking kaluluwa para igawad ang parusa para sa kaniyang kabuktutan, pero hindi na iyon nangyari. Dahil sa masama mong hangarin ay winakasan mo ang kaniyang buhay at ngayong wala na siya, kung sino man ang bagong magmamay-ari ng mga barya ay siya ang makakatanggap ng sumpa at ikaw iyon, lalaking pangahas! Pagbabayaran mo ng buhay ang iyong pagiging ganid. Sa pamamagitan mo’y para na rin akong nakaganti sa ahas kong pamangkin!” hayag ng galit na kaluluwa.

Nangilabot ang buong katawan ni Gimo sa sinabi ng multo.

“Hindi! Huwag! Huwag!” sigaw niya nang bigla na lamang siyang sinak*l ng kaluluwa ng matanda.

Kinaumagahan ay nakita ang labi ni Gimo na wala nang buhay sa kwarto nito. Ang sabi ng iba ay binangungot daw ang lalaki.

Buhat noon ay natahimik na ang kaluluwa ni Aling Magda. Kahit paano ay nakamtan na niya ang hustisya sa kaniyang pagkawala dahil wala na rin ang buhong niyang pamangkin. Bigla ring naglaho ang sampung pisong barya, na kahit kailan ay hindi na magagamit pa sa kasamaan.

Kayo…gusto niyo bang subukan ang suwerteng hatid ng unang abuloy?

Advertisement