Pinalabas Niya ng Opisina ang Katrabahong Hindi Kaaya-aya ang Amoy; Nakakaantig Pala ng Puso ang Dahilan Nito

Halos maduwal si Osang sa tuwing nakakasalubong niya sa hallway o nakakasabay sa elevator ang isa sa kaniyang mga katrabahong si June. Hindi kasi tulad niya na halos maligo na sa pabango, itong katrabaho niya’y tila hindi naliligo tuwing papasok sa trabaho.

Sa katunayan, kahit bagong dating lamang ito sa kanilang opisina bandang alas siyete ng umaga, nangangalingasaw na kaagad ang maasim nitong amoy na talagang kumakalat sa kanilang kulob at de-aircon na opisina.

“Ano ba naman ‘yan, June? Gabi na, amoy araw ka pa rin! Hindi mo ba naamoy ang sarili mo? Nakakagambala ka na sa aming lahat, eh! Alam mo namang kulob ang opisina natin. Magbukas ka nga lang ng burger dito, amoy na amoy na sa buong opisina. Magkaroon ka naman kahit kaunting hiya! Maligo ka rin naman,” sigaw niya sa binata nang hindi na niya matiis ang amoy nito.

“Pasensya na kayo, nakulangan na kasi ako sa oras kaya hindi ko na nagawang maligo pa bago pumasok. Hayaan niyo, magpapadala ako ng damit sa nanay ko para makapaligo ako kahit doon na lang sa banyo sa ibaba,” nakatungong tugon nito saka agad na nagtext gamit ang sariling selpon.

“Araw-araw ka nakukulangan ng oras para maligo? Anong kalokohan ‘yan?” galit niyang pang tanong dito.

“Osang, tama na, masyado na siyang napapahiya. Pwede naman natin siyang pagsabihan nang maayos,” awat naman ng isa niya pang trabaho.

“Kailangan niya talagang mapahiya dahil araw-araw niya tayong binibigyan ng pasakit. Minsan nga hindi na ako humihinga para lang hindi ko maamoy ang maasim niyang katawan,” giit niya habang tinuturo-turo pa ang binata, “Lumabas ka na nga muna, June, habang hinihintay mo ang nanay mo! Nasusuka na naman ako sa amoy mong maasim pa sa suka,” bulyaw niya pa rito kaya ito’y dali-dali nang lumabas. 

Matapos lumabas ng binata, agad siyang nag-spray ng pabango at bahagya niyang binuksan ang bintana at pintuan ng kanilang opisina upang sumingaw ang amoy. Maya maya lang, nang mapagtanto niyang mabango na ang amoy na nangingibabaw sa loob, agad niya na ring sinarhan ang pintuan at bintana saka na siya nagpasiyang bumalik sa trabaho.

Advertisement

Habang abala siya sa pagtitipa ng isang dokumento sa kaniyang laptop, bigla siyang nakaramdam ng antok dahilan para siya’y agad na lumabas ng opisina at magtimpla ng kape sa kanilang pantry.

Bago siya pumasok sa pantry, nakuha muli ng katrabaho niyang si June ang atensyon niya. Hindi man niya ito naaamoy dahil malayo ito sa kaniya, nakita niya naman itong humihikbi sa isang sulok kaya agad siyang napatawa at tinutok niya ang kamera ng selpon niya rito saka niya ito kinuhanan ng bidyo.

Habang kinukuhanan niya ito ng bidyo, nagsasalita pa siya at sabi niya, “Ito po si June, ang katrabaho kong maasim na umiiyak na parang bata sa isang sulok nang sabihan ko siyang mabaho. Para siyang isang elementaryang bata na mabaho’t iyakin!”

“Alam mo ba kung bakit ganoon na lang ang amoy niya at bakit siya mabilis mapaiyak?” tanong sa kaniya ng isang matandang uugod-ugod nang biglang sumulpot sa likuran niya dahilan para agad niyang itago ang kaniyang selpon.

“Pagkauwi kasi ng batang iyan mula rito sa panggabi niyang trabaho, tutulog lang ‘yan ng dalawang oras tapos magkakarga na siya ng mga baboy patungong palengke. Sa tanghali naman, naglalako ‘yan ng turon, puto o kung ano pa mang meryenda para matustusan lang ang gastusin naming pamilya. Kung ikaw ba ang nasa kalagayan niya na naghihirap na kumita ng pera at puro pamamahiya ang ibibigay sa’yo, hindi ka ba maiiyak?” kwento nito na talagang nagpatulala na lamang sa kaniya.

“Kung wala ka namang magandang maitutulong sa tao, sana’y subukan mong unawain siya, sana gumamit ka ng maayos na salita para sabihan siya na napapabayaan na niya ang sarili niya,” huling sabi pa nito saka agad na nagtungo sa naturang binata.

Habang pinagmamasdan niya kung paano humagulgol ang binata sa bisig ng ina, roon niya nakita kung gaano na kapagod sa buhay ang katrabaho niyang iyon. Doon niya naintindihan na kaya hindi ito makapag-ayos ng sarili katulad niya ay dahil masyado itong abala na kumita ng pera para sa pamilya. Hiyang hiya tuloy siya sa sarili niya. Naging napakababaw pala niya.

Upang makabawi sa binata, simula noon, araw-araw na niya itong kinakausap nang mahinahon lalo na’t kung may masangsang na amoy itong dala sa opisina. Binilhan niya rin ito ng deodorant, pabango, mouthwash, at kung ano pang produkto na makakatulong dito. Ito ay hindi upang hindi na siya maabala sa amoy na dala nito, kung hindi para malinis din ang katawan nito na siyang puhunan nito sa buhay.

Advertisement

“Kung pababayaan mo ang sarili mo, June, paano ka makakatulong sa pamilya mo? Tandaan mo, maaari kang magkasakit kapag hindi ka naglinis ng katawan,” nakangiti niyang payo rito na agad naman nitong sinang-ayunan.

Labis niya pang ikinapasasalamat ang pagkakaibigang nabuo nila ng binatang si June na nagbigay sa kaniya ng daan upang mas magpursigi sa buhay at magpaganda ng pag-uugali.