Panay Post ng Ginang ng mga Ari-arian Nila sa Social Media; Pagsisisihan Niya Palang Hindi Siya Nakinig sa mga Anak Niya
Nilamon na ng social media ang ginang na si Amie. Kung ang mga kasing edad niyang ginang ay walang alam tungkol sa makabagong teknolohiya at paraan ng pakikipag-usap sa mga tao, ibang-iba siya ‘pagkat tila mas wili pa siya rito kaysa sa mga kabataan.
Sa katunayan, talo niya pa ang bunso niyang anak na bente anyos sa dami ng posts at komentong inilalagay niya sa kaniyang social media account. Ayos lang sa kaniya na hindi siya makaluto ng ulam, makapaglaba ng panloob niyang damit o kaya’y makapaghugas ng pinggan basta’t alam niya ang mga bagong balita o tsismis sa social media.
Hindi pa roon natatapos ang labis niyang pagkahumaling sa social media dahil bukod sa kaya niyang magbabad dito kakatingin ng kung anu-anong litrato o bidyo buong araw, walang palya rin ang paglalagay niya ng litrato ng kaniyang mukha, mga gamit na mayroon siya, at maski ang kaniyang pera’t kasuluk-sulukan ng kanilang bahay na siya nang nagbibigay kaba sa kaniyang mga anak.
“Mama! Nag-post ka na namang ng litrato ng mga alahas mo sa social media,” sambit ng panganay niyang anak na nakita ang kaniyang inilagay na larawan, isang araw habang siya’y kumakain mag-isa sa kanilang kusina.
“O, ano namang mali roon? Gusto ko lang ipakita sa mga friends ko rito na may mga ganito akong mamahaling bagay!” katwiran niya saka agad na binuksan ang kaniyang selpon.
“Hindi naman kailangang malaman nila ang may mga gan’yan bagay, ‘ma. Baka mamaya…” hindi na niya ito pinatapos ng sasabihin dahil siya’y naririndi na rito.
“Baka mamaya, may magkagusto sa aking gwapong lalaki kaya alalang-alala kayo, ano? Huwag kayong mag-alala, mga anak, kayo lang ang buhay ko. Magkaroon man ako ng nobyo, hinding-hindi kayo mawawala sa puso ko,” sabi niya pa na talagang ikinainis nito.
“Hindi lang iyon ang dahilan, mama! Maaari ring…” muli niya itong pinutol at agad na hinawi upang makuhanan niya ng litrato ang kanilang ref na punong-puno ng laman.
“Maaari ring umalis ka riyan dahil gusto kong kuhanan ng litrato ang loob ng ref. Alis na riyan! Ilalagay ko ito sa social media ko, ayokong mahagip ka sa litrato,” sigaw niya pa rito kaya wala na itong nagawa kung hindi ang umalis habang nagdadabog.
Sa kabila ng halos araw-araw na pangaral ng kaniyang mga anak na hindi maganda na ang lahat ng impormasyon niya ay kaniyang inilalagay sa social media, patuloy niya pa rin itong ginagawa. May pagkakataon pa nga na nagagalit pa siya sa mga anak kapag pinapakialamanan siya sa hilig niya. Iyon na nga lang ang libangan niya’y kinokontra pa siya ng mga ito.
Isang gabi, habang siya’y abala sa pagbababad na naman sa social media habang hindi pa siya dinadalaw ng antok, bigla siyang napabalikwas nang makarinig ng isang kaluskos sa bintana ng kaniyang silid. Nang tingnan niya kung ano iyon, malapot na pawis ang namuo sa kaniyang noo. May nagtatangkang magbukas ng bintana niya!
Lalabas na sana siya ng silid upang sabihan ang kaniyang mga anak na puro mga babae, ngunit bigla namang nabuksan ng magnanakaw ang bintana kaya wala na siyang nagawa kung hindi ang magpanggap na siya’y natutulog.
Mabilis na nakuha ng mga magnanakaw ang kaniyang mga alahas, ipong pera, mga mamahaling bag at sapatos, at kung ano pang mga gamit na pinakita niya sa social media.
Halos humiwalay sa kaniya ang kaluluwa niya nang maging ang pinakamamahal niyang singsing ay hindi palampasin ng mga magnanakaw.
Sa sobrang bilis ng pangyayari, wala na siyang ibang nagawa kung hindi ang matulala pagkaalis ng mga masasamang loob. Sakto namang pasok ng bunso niyang anak na may bitbit na gatas upang siya’y makatulog.
“A-anong nangyari, mama?” tanong nito nang makita ang magulo niyang silid at ang reaksyon ng mukha niya dahilan para siya’y mapayakap dito habang humahagulgol.
Dali-dali mang pinagbigay alam ng kaniyang mga anak sa mga awtoridad ang pangyayaring iyon, wala na rin siyang napala dahil hindi makilala ang pagkakakilanlan ng dalawa. Ang tanging alam lang nila, dalawa ang mga iyon sa mga friends niya sa social media na nakakakita ng mga posts niya.
“Ngayong nawala na sa’yo ang lahat ng pinaghirapan mo, mama, makikinig ka na ba sa amin na hindi mo dapat ipagmalaki sa social media ang mga ari-arian mo? Hahayaan mo bang sa susunod, buhay mo naman ang kuhanin nila?” pangaral ng kaniyang panganay na anak na talagang nagbukas sa kaniyang isip tungkol sa mali niyang paggamit no’n.
Dahil sa pangyayaring iyon, pinilit niya ang sarili na limitahan na ang paggamit ng social media at mas bigyang pansin ang pag-aasikaso sa kaniyang mga anak.
Talaga nga namang ang lahat ng sobra ay masama, ano?