Dinadaan ng Binatang Ito ang Lahat sa Pera; Mabili Niya Kaya ang Dalagang Nakursunadahan Niya?
Sanay na sanay ang binatang si Christian na gamitin ang yamang mayroon siya upang makuha ang kaniyang mga gusto. Mapabagay man ito, tao o kahit respeto, lahat ay dinadaan niya sa pera para lamang ito’y mapasakaniya.
Kung tutuusin, hindi naman ganoon kalaki ang yamang mayroon siya. Mayroon lamang siyang isang nabiling bahay at motorsiklo at siya’y nagtatrabaho bilang isang empleyado sa kumpanyang pinaghirapan ng kaniyang ama. Siya man ang nag-iisang anak nito, tila wala itong balak na ipamana sa kaniya ang naturang kumpanya dahil sa ugaling mayroon siya.
Sa katunayan, maraming beses na siyang pinapaalis sa kumpanyang iyon ng kaniyang ama dahil sa mga katiwaliang kaniyang ginagawa lalo na sa mga babaeng empleyado roon. Kapag may nakursunadahan kasi siyang dalaga, walang habas niya itong lalapagan ng pera kahit nasa harap sila ng maraming tao para lamang makasama niya ito sa kaniyang bahay. Nagbibigay iyon ng hindi magandang repleksyon sa kanilang pamilya, lalo na sa naturang kumpanya.
Kung hindi lang siguro sa kaniyang ina na alalang-alala sa buhay na kahaharapin niya kapag nawalan siya ng trabaho, siguro ay matagal na siyang pinatalsik ng kaniyang ama na gigil na gigil na sa mga ginagawa niyang kalokohan sa mga kababaihan.
Isang araw, habang siya’y tahimik na nagpapalipas ng oras sa isang kapehan malapit sa kaniyang bahay, may napansin siyang isang magandang dalaga na swak na swak sa kaniyang panlasa. Maganda ang hubog ng mukha’t katawan nito at maayos pa itong manamit, malayo sa mga nagdaang babae sa buhay niya.
At dahil medyo nahihiya siyang lapitan ang naturang dalaga, nang makita niyang nagtungo ito sa palikuran, agad niyang nilapitan ang kaibigan nitong noon ay abala sa pamimili ng kapeng kaniyang iinumin. Katulad ng nakasanayan niya, agad niya itong nilapagan ng sampung libong piso at sinabing, “Huwag ka nang magpalibre sa kaibigan mo. Gamitin mo ‘tong perang ‘to para matikman mo ang lahat ng kape, tinapay at pagkaing mayroon dito. Basta, ibigay mo lang sa akin ang number niya,” saka niya ito kinindatan.
Taliwas sa inaasahan niya, biglang naglabas ang babae ng humigit kumulang dalawang daang libong piso at sinaboy sa pagmumukha niya!
“Kuhanin mo na ang lahat ng perang ‘yan para makabili ka ng magandang pag-uugali. Sakto na ba ‘yan o kulang pa?” malakas nitong sabi dahilan para sila’y pagtinginan ng mga tao roon.
“Alam mo, hindi lahat ng tao madadaan mo sa pera at hindi lahat ng taong hindi maayos manamit ay mahirap at kailangan ng pera. Saka kung gan’yan ang ugali mo, kahit malunod ka na sa pera mo, walang babaeng magmamahal sa’yo nang seryoso! Umalis ka na kung ayaw mo nang mapahiya,” dagdag pa nito.
Pahiyang pahiya siya!
Aalis na sana siya nang bigla niyang nakitang tatawa-tawang nakatingin sa kaniya ang dalagang kaniyang sinisipat kanina pa.
“Hindi ako cheap, ano. Hindi mo ako makukuha sa sampung libong piso lamang dahil ang mga babae ay walang katumbas na halaga. Tandaan mo ‘yan, bago ka pa mailibing sa lupa ng pangit mong ugali,” wika pa nito dahilan para siya’y lalong pag-usapan ng mga tao roon.
Sa sobrang pagkahiyang naramdaman niya, dali-dali na siyang lumabas sa kapehang iyon nang walang mukhang maiharap sa mga taong kaniyang nakakasalubong.
Doon niya natutuhan na hindi pala lahat ng gusto niya ay makukuha niya sa pamamagitan ng pera.
Dahil doon, unti-unti niyang binago ang kaniyang pag-uugali. Gusto niya rin naman kasing may makasama sa buhay kaya napag-isip-isip niyang hindi niya ito matutupad kung patuloy siyang gagamit ng pera para lang makuha niya ang gusto niya.
Ang pagbabago niyang ito ay napansin din ng kaniyang ama. Lalo pa nang makita nito kung paano na niya galangin ang mga katrabaho niyang babae. Ito ang naging daan para unti-unti rin siya nitong pagkatiwalaan hanggang sa tuluyan na itong magpasiyang ipamana sa kaniya ang buong kumpanya bago pa man ito sumakabilang buhay.
“Ang pagbabago lang talaga ng ugali mo ang hinihintay ko dahil hindi ko maaaring ipagkatiwala sa isang suwail ang kumpanyang pinaghirapan ko. Nawa, kapag dumami nang dumami ang pera mo, huwag kang bumalik sa dating pamamaraan mo para makuha mo ang mga bagay na nais mo. Magpursigi ka, anak, dahil hindi nabibili ng pera ang lahat ng bagay sa mundo,” payo nito na talagang itinatak niya sa kaniyang isipan.
Hindi man siya agad na makatagpo ng babaeng makakasama niya sa buhay, malaking aral sa buhay at prebelehiyo naman ang kaniyang nakamit nang siya’y magsimulang magbago ng pananaw sa buhay.