Inuna ng Ginang ang Negosyo Kaysa sa Pamilya at Sariling Kalusugan; Magdadala Ito sa Kaniya ng Labis na Panghihinayang sa Huli
“‘Ma, hindi ka ba talaga sasama sa amin ni papa? Minsan lang ito. Sumama ka na muna sa amin para i-test ang bagong biling sasakyan. Tama na muna ang trabaho,” lambing ng anak na si Archie.
“Sige na at kayo na lang ng papa mo dahil ang dami ko pang ginagawa. Marami akong bentang kailangang ideliver. Aayusin ko pa ang mga ito,” wika naman ni Lucy habang abalang inaayos ang kaniyang mga paninda.
“Lucy, tara na at pagbigyan mo naman itong anak mo. Puro ka na lang negosyo. Nakakalimutan mo na kami. Tara at tiyak kong mag-e-enjoy ka sa pupuntahan natin,” saad naman ng mister na si Rolly.
“Sinabi ko nang kayo na lang dalawa, ‘di ba? Busy ako sa negosyo! Umalis na kayong dalawa at hindi ako sasama,” giit pa ng ginang.
Kaya napilitan ang mag-ama na sila na lang dalawa ang umalis.
Nitong mga nakaraan ay madalas nang magtampo si Archie sa kaniyang ina. Simula kasi nang lumaki ang negosyo nito’y hindi na ito katulad ng dati. Madalas na itong abala at walang oras sa kanila. Palagi na ring mainit ang ulo nito dahil kulang sa pahinga.
“Sana kahit isang araw ay magpahinga naman si mama para makasama natin siya. Kahit paano ay ayos naman ang buhay natin. May trabaho rin naman po kayo, papa, pero nakukuha n’yo pang makipagbonding sa akin,” saad ni Archie.
“Unawain na lang natin ang mama mo. Noon pa man ay pangarap na niya ‘yang negosyo niya. Unti-unti na siyang nagtatagumpay ngayon. S’yempre, kaakibat ng paglaki ng negosyo ay paglaki rin ng responsibilidad. Mauunawaan mo rin ang sinasabi ko pagtanda mo,” saad pa ng ama.
Pero hindi pa rin maalis sa puso ni Archie ang lungkot. Noon kasi nang maliit pa lang ang negosyo ng ina’y madalas nila itong nakakasama at nakakakwentuhan. Nami-miss na rin nila ang hagalpak nito sa mga simpleng biro nilang mag-ama. Ngayon ay palagi na itong seryoso at abala sa mga paninda.
Gabi nang nakauwi ang mag-ama mula sa Tagaytay kung saan sila namasyal. Pagdating nila’y inaasahan nilang naroon si Lucy ngunit wala rin ito. Ang sabi ng kasambahay ay nagdeliber raw ito ng ibang panindang bag at alahas.
“Dapat pala ay sumama na lang siya sa atin kung aalis din pala siya,” nagtatampong wika ni Archie.
“Tatawagan ko lang ang mama mo. Kung gusto mo’y sumama ka na lang sa akin na sunduin siya,” saad pa ni Rolly.
Balak sana nilang sunduin si Lucy ngunit tumanggi na ito.
“May mga pupuntahan pa ako. Alam kong pagod kayo. Ako na lang ang bahalang umuwi. Ihahatid naman ako ng kaibigan ko,” saad ni Lucy.
Hatinggabi na at wala pa rin ang ginang. Inabot na ito ng ala-una ng madaling araw.
“Bakit ngayon ka lang, Lucy? Anong oras na, a? Huwag mong sabihin sa akin na parte pa rin ito ng negosyo mo?” sambit ng mister.
“Unawain mo naman, Rolly, kailangan kong makisama sa mga mayayaman kong kaibigan para palagi silang kumuha sa akin ng mga bag at alahas. Sa tingin mo, paano ko napalago ang negosyo kong ito kung hindi ako nakikisama sa kanila?” sagot naman ni Lucy.
“Puro ka na lang trabaho. Napapabayaan mo na kami ng anak mo. Napapabayaan mo na rin ‘yang kalusugan mo. Akala mo ba’y hindi ko napapansin na halos hindi ka na natutulog? Ano ba talaga ang balak mong gawin, Lucy? Magpahinga ka naman! Samahan mo kami minsan ng anak mo,” dagdag pa ni Rolly.
“P’wede ba huwag mo na akong sumbatan tungkol d’yan?! Palagi akong wala ngayon dahil may inaasikaso akong negosyo! Hindi naman tayo makakabili ng sasakyan kung hindi dahil sa kita ko, ‘di ba? Para kanino ba itong ginagawa ko? Hindi naman para sa akin ang lahat ng ito. Ayaw kong maghirap ang pamilya natin kaya kumakayod ako! Kasi kung aasa ako sa sahod mo, Rolly, magiging payak lang ang pamumuhay natin!” sumbat pa ng ginang.
Nasaktan ang ginoo sa sinabi ng kaniyang misis ngunit nagpasensya na lang siya. Alam niyang dala lang ng pagod kaya napagsalitaan siya ng kaniyang misis. Isa pa, may punto naman talaga ito.
“Sige, sabihin na nating malaki talaga ang naitulong ng negosyo mo sa ating pamumuhay. Pero, magpahinga ka naman, Lucy. Huwag mong abusuhin ang katawan mo dahil baka sa pagpapagamot mo lang mapunta ang lahat. Maglinis ka na ng sarili mo at magpahinga ka na. Ikansela mo muna ang mga meeting mo bukas ng umaga para makatulog ka nang mahaba. Sasabihin ko sa kasambahay natin na huwag kang gisingin kahit may mga tumatawag sa iyo,” saad muli ni Rolly.
Ngunit hindi ito sinunod ni Lucy. Inumaga na siya kakaimbentaryo at kakasagot ng mga mensahe ng ilang mamimili. Nang magising si Rolly ay nagulat siya nang makitang gising pa rin ang misis.
“Natulog ka ba, Lucy? Hindi ba’t sinabi ko sa iyo na isantabi mo muna ang trabaho at magpahinga ka? Kawawa naman ang katawan mo!” sambit ng mister.
“Hindi p’wedeng hindi ko sagutin ang mga nagtatanong tungkol sa mga paninda ko. Sayang at baka may bumili,” wika pa ng ginang.
“May bumili ba? Sinasayang mo lang ang oras mo riyan. Magpahinga ka rin, Lucy. Paano bukas, hindi ka na naman makakasama sa amin ng anak mo?”
“Bakit? Anong meron?” tanong ni Lucy.
“Bukas ang family day nila Archie sa eskwela. Ilang linggo ka nang inaawitan ng anak mo tungkol dito at naka-oo ka na sa kaniya, ‘di ba?” wika muli ng ginoo.
“Hindi ako p’wede bukas! May mga kikitain akong kliyente. Malaki ang mawawala sa akin kapag hindi ako sumipot!” saad ng misis.
“Mas maiintindihan ko pa kung hindi ka makakadalo dahil kailangan mong magpahinga. Inuuna mo na naman ang iba kaysa sa sarili mong pamilya. Saka akala mo ba’y may pakinabang pa ang pera na ‘yan kung magkasakit ka dahil sa labis na pagtatrabaho? Nag-aalala lang ako sa iyo, Lucy. Sana’y isipin mo rin ang sinasabi ko,” bilin ng mister.
Hindi pa rin nakinig si Lucy sa kaniyang asawa. Basta sinunod lang niya ang nais niya. Patuloy siya sa pagtatrabaho kahit wala siyang sapat na tulog at pahinga.
Kinabukasan ay hindi na siya nakarating sa family day ng anak na si Archie. Lalong nadagdagan tuloy ang tampo ng binata.
Ngunit ang masakit ay hindi man lang sinipot si Lucy ng kaniyang kliyente. Nanghihinayang tuloy siya dahil mas pinili niya ito kaysa sa sariling anak.
Kaya minabuti na lang ng ginang na pumunta ng eskwela. Palabas na siya ng restawran nang bigla na lang sumakit ang kaniyang batok. Tila mabigat ang pakiramdam niya sa kaniyang ulo. Unti-unti na ring namamanhid ang kaniyang kamay. Tapos ay biglang nanikip ang kaniyang dibdib. Pinilit pa rin niyang tumayo at lumabas ng restawran pero pasama nang pasama ang kaniyang pakiramdam. Kukunin na niya sana ang kaniyang selpon nang bigla na lang siyang matumba.
Sa mga sandaling iyon ay hindi na siya makakilos pa. Mabuti na lang at agad na nakatawag ng ambulansya kaya mabilis siyang madadala sa ospital. Habang nasa loob siya ng ambulansya at tila nag-aagaw buhay ay bilang naalala ni Lucy ang lahat. Bumalik sa kaniyang gunita ang mga masasayang araw nila ng kaniyang mag-ama. Noong simple pa lang ang kanilang buhay at palagi pa niyang inaasikaso ang kaniyang sarili at pamilya.
Napaluha si Lucy. Nananalangin siya na sana’y bigyan pa siya ng isang pagkakataon para mabuhay. Dito niya napagtanto na wala ngang halaga ang pera kung nakasaalang-alang naman ang iyong kalusugan.
Patuloy ang pagsikip ng dibdib at paghinga ni Lucy. Sa kasamaang palad ay hindi na siya umabot sa ospital nang buhay.
Napasugod ang mag-ama sa ospital nang nabalitaan nila ang nangyari. Labis ang kanilang pagdadalamhati sa nangyari sa ilaw ng tahanan. Ngayon, ang perang kinita ni Lucy ay magagamit lang nila para sa lamay at libing nito.
Napakasaklap lang dahil ang perang pilit na pinagkakapuyatan at pinaghihirapan ni Lucy na kitain ay hindi na maibabalik pa ang kaniyang buhay.