Gabi-gabing Umiiyak ang Ginang Dahil sa Pagluluksa; Sumabay pa ang Asawa Niya na Tila May Ginagawang Kalokohan
Tuloy-tuloy ang pagtulo ng luha ni Wilma habang nakahiga sa kama nilang mag-asawa.
Dalawang araw pa lang kasi ang nakalipas simula noong sumakabilang buhay ang kaniyang ina dahil inatake ito sa puso.
Hindi sila makauwi dahil libo-libo ang gagastusin sa pag-uwi nila sa probinsya. Hindi nila kaya iyon, dahil kalalabas lang ng bunsong anak nila sa ospital matapos itong mag-agaw buhay dahil sa sakit na dengue.Nasaid ang ipon nilang mag-asawa, at nagkaroon pa sila ng malaki-laking utang.
Wala siyang magawa kundi ang ipagdasal ang kaluluwa ng mahal niyang ina mula sa malayo.
Ngunit ang isa pang nagpapasakit ng damdamin niya ay ang kaniyang asawa.
Simula kasi noong malaman nitong nawala na ang kaniyang ina ay tila hindi man lamang ito apektado.
Nagpatuloy lamang ito sa pagtatrabaho. At nito ngang dalawang araw ay madaling araw na ito kung umuwi.
Ni hindi man lamang nito magawang damayan siya, gayong alam nito kung gaano kasakit sa kaniya na mawala ang kaniyang ina at hindi man lang niya ito makita.
Napapitlag siya nang marinig ang pagbukas ng pinto. Nang sumulyap siya sa orasan ay alas kwatro na.Pinunasan niya ang luha at nagpanggap na tulog.
Naramdaman niya ang pagpasok ng asawa sa silid nila. Pumasok ito sa banyo at nanatili roon ng ilang minuto.
Naramdaman niya ang paghalik nito sa kaniyang noo, bago ang paghiga nito sa tabi niya. Wala pang limang minuto ay naghihilik na ito, tanda ng malalim nitong tulog.
Muling tumulo ang luha niya. Hanggang sa tuluyan na siyang nilamon ng antok.
Nang magising siya ay wala na ang asawa niya. Alas otso pa lamang ay wala na ito, gayong dati ay alas nwebe na kung umalis ito ng bahay.
Ano ba ang nangyayari sa asawa niya?
“May kinalolokohan na ba siyang iba?” hindi niya maiwasang isipin.
Nang lumabas siya ng silid ay sumalubong sa kaniya ang mabangong aroma ng kape.
Nakita niya ang kaniyang tatlong anak na nakakumpol sa mesa, tila may kung anong pinagkakaabalahan.
“Anong ginagawa ng mga chikiting ko?” malambing niyang bungad sa mga anak. Nagluluksa man kasi siya ay ayaw niya pa ring makita iyon ng kaniyang mga anak.
“‘Ma, hinandaan ka po namin ng almusal. Bilin po ni Papa bago siya umalis. Sabi niya alagaan daw po namin kayo,” sagot ng panganay niya na si Cheska.
Napatitig siya sa plato sa lamesa. May laman iyong sunog na hotdog at sunog na itlog. Gayunpaman, iyon na yata ang pinakamasarap na almusal na nakain niya.
Nilapitan niya ang mga anak at isa-isang niyakap nang mahigpit ang mga ito habang pinipigilan niya ang pagluha.
“Thank you, mga anak…”
Bagaman naantig ang puso niya sa ginawa ng asawa, may parte pa rin sa isip niya na nagdududa. Bakit ganoon ang asawa niya? May kasalanan ba ito sa kaniya?
Ipinilig niya ang ulo. Iwinaksi niya ang mga isipin at ibinigay ang atensyon sa kaniyang mga anak.
Kahit paano ay nawaglit sa isip niya ang pagluluksa.
Sa mga sumunod na araw ay walang nagbago sa ginagawa ng kaniyang asawa. Aalis ito nang maaga, at uuwi nang madaling araw. Wala siyang kaide-ideya kung ano ba ang pinagkakaabalahan nito, lalo pa’t tulog pa siya sa tuwing aalis ito, at tulog na siya sa oras ng dating nito.
Halos hindi na niya nakakausap pa ang asawa.
Mas lalong tumindi ang pagdududa niya nang gabing iyon. Pilit niyang pinigil ang antok at hinintay ang pagdating ng asawa. Ipinikit niya ang mata nang dumating ito.
Nang oras na pumasok ito sa banyo ay agad niyang binutingting ang cellphone nito upang maghanap ng ebidensya.
Ngunit malinis iyon, at wala siyang nakita.
Bumalik siya sa pagkukunwari na natutulog nang marinig ang pagbukas ng pinto ng banyo. Kagaya ng madalas na gawin ng asawa niya ay hinalikan siya nito sa noo bago ito humiga sa tabi niya.
Ngunit sa pagkakataong iyon ay may ginawa ito na nagkumpirma ng masama niyang hinala.
Naramdaman niya kasi ang mahigpit na yakap ng asawa, kasabay ng pagtulo ng luha nito sa balikat niya.
“Sorry, mahal… Sorry kung binigo kita…”
Nagtalo ang isip niya. Kokomprontahin niya ba ang asawa? O magpapatuloy siya sa pagpapanggap na walang alam?
Ilang sandali siyang nagmuni-muni. Ngunit nang makapagdesisyon siya na komprontahin ang asawa ay nakita niya na tulog na ito. Bakas sa mukha nito ang matinding pagod, kaya naman hindi na niya ito inabala pa.
“Magtutuos kami bukas…” sa isip-isip niya habang inihahanda na rin ang puso niya sa masakit na katotohahan. Hindi niya inakala na gagawa ng kalokohan ang asawa niya.
Gaya ng mga nakaraang araw ay natulog siyang masama ang loob at mugto ang mata.
Nang magising siya kinabukasan ay nakita niya ang asawa na naghahanda ng almusal, bagay na ipinagtaka niya.
“Hindi ka papasok?” usisa niya.
Umiling ito ay nagpatuloy sa pagluluto.
Ngunit natigagal siya nang makita ang isang bagay sa sala. Mayroon kasi doong isang malaking maleta.
Awtomatikong tumulo ang luha niya sa isang reyalisasyon—iiwan na siya ng kaniyang asawa.
Unti-unti siyang napahikbi. Hanggang ang hikbi ay nauwi sa hagulhol.
Gulat itong napalingon. Ngunit hindi ito nagtanong. Bagkus ay lumapit ito sa kaniya at niyakap siya nang mahigpit.
“‘Wag ka nang umiyak, mahal. Makakauwi ka na sa nanay mo. Makikita mo siya bago siya ilibing, kaya ‘wag ka nang umiyak…” bulong nito.
Tila umurong ang luha niya nang marinig ang sinabi ng asawa.
“Anong sinasabi mo? Paano ako makakauwi kung wala tayong pera? Isa pa, paano ako uuwi kung iiwan mo na kami ng mga bata?” sunod-sunod na tanong niya.
Nakita niya ang pagkalito sa mukha nito.
“Anong iiwan? Bakit ko kayo iiwan?” gulong-gulong tanong nito.
Itinuro niya ang maleta.
“Parati kang madaling araw kung umuwi. Kagabi umiyak ka at nag-sorry sa akin…” aniya.
Ang kalituhan nito ay unti-unting napalitan ng ngiti. Na nauwi sa halakhak.
“Ano ba naman ‘yang kwentong nabuo sa isip mo? Humanap ako ng ibang trabaho para makaipon. Nag-sorry ako sa’yo dahil umabot pa ng isang linggo bago ako nakaipon ng pamasahe mo pauwi. At ‘yang maleta, gamit mo ang laman niyan. Uuwi ka sa probinsya bago ilibing ang nanay mo…” dire-diretsong paliwanag nito.
Nang manatili siyang tulala ay muli itong nagsalita.
“Wala akong babae. Mahal na mahal kita, kayo ng mga anak natin,” dagdag pa nito.
Nang rumehistro sa isip niya ang sinabi ng asawa ay nag-unahan sa pagtulo ang butil ng luha mula sa kaniyang mga mata.
Hindi niya alam na gumagawa pala ng paraan ang asawa niya upang maibigay ang hiling ng puso niya.
“Hindi kami makakasama ng mga bata dahil hindi sapat ang pera. Pero ikaw, umuwi ka sa bahay niyo. Alam ko na hinihintay ka ng nanay mo. Hindi ko naman maatim na walang gawin dahil alam kong gabi-gabi kang umiiyak,” anito.
Tuluyan nang napahagulhol si Wilma. Una, dahil makakahinga na siya nang maluwag. Wala naman palang kalokohan na ginagawa ang asawa niya.
At ikalawa, makakauwi na siya sa kaniyang pinakamamahal niyang ina. At dahil iyon sa sakripisyo at pagmamahal ng mabuti niyang asawa.