Inday TrendingInday Trending
Nilait at Tinawag Niyang “Cheap” ang Dating Kakilala; Nagsisi Siya nang May Mangyaring Kakaiba sa Kaniya

Nilait at Tinawag Niyang “Cheap” ang Dating Kakilala; Nagsisi Siya nang May Mangyaring Kakaiba sa Kaniya

Bitbit ang maraming bag mula sa iba’t-ibang mamahaling tindahan ay nagpatuloy si Emilia sa pagsa-shopping. Kasu-sweldo lang kasi ng asawa niya kaya marami siyang pera.

Pakanta-kanta pa siya habang namimili ng damit nang makita niya mula sa ‘di-kalayuan ang isang pamilyar na babae. Mukhang namimili rin ito.

Nilapitan niya pa ito upang masiguro. Nang masiguro niya na kilala niya nga ang babae ay agad-agad niya itong tinawag.

“Grace?”

Gulat itong napalingon.

“Emilia, ikaw pala ‘yan!” gulat na sabi nito bago itinuon ang buong atensyon sa kaniya.

Pasimpleng sinuyod niya ng tingin ang kaharap. Bagaman mababakas pa rin ang dati nitong ganda ay malaki na rin ang ipinagbago nito.

Isang tingin pa lang ay alam niya na na hindi na ito ang dating Grace na nakilala niya. Hindi na ito maporma gaya noon, ‘di hamak na mas simple na ito ngayon kaysa noon.

Sa totoo lang ay hindi niya gusto ang babae. Dati kasi itong kasintahan ng lalaking napangasawa niya.

Ngunit ngayong nakita niya na higit ang antas ng pamumuhay niya sa babae, hindi niya maiwasan na usisain kung ano na ang buhay nito ngayon.

Napansin niya ang hawak na damit ng babae.

“Hindi mo ba bibilhin ‘yan?” turo niya sa damit na hawak nito.

Umiling ito bago ibinalik ang damit sa sabitan.

“Hindi. Mahal masyado,” anito.

Kinuha niya ang damit.

“Kung ganoon, ako na lang ang bibili nito, type ko kasi,” natatawang sabi niya, bago kinuha ang naka-hanger na blusa.

“Mamimili ka pa ba? Sabay na tayo,” yaya niya sa babae nang matapos niyang binayaran ag biniling damit.

“Sige,” nakangiting sabi nito habang mataman pa ring nakatingin sa damit na binili niya.

“Sorry na lang siya, ako ang may pera,” sa isip-isip niya habang bahagyang natatawa sa babae.

Habang naglalakad ay nagkukwentuhan sila. Noon niya nakumpirma na isa itong simpleng may bahay. Nagtatrabaho raw sa bangko ang asawa nito, at mayroon silang dalawang anak.

Napahinto siya sa paglalakad nang madaanan ang isang mamahaling bilihan ng kolorete. Huminto rin kasi si Grace habang nakasilip sa loob ng mamahaling tindahan.

“Pasok tayo?” yaya niya sa babae.

Umiling ito.

“Naku, hindi, hindi na ako nakakabili sa mga ganyang mamahaling pangalan. Hindi naman kalakihan ang kinikita ng asawa ko,” natatawang tanggi nito.

Palihim siyang napangisi. Nakahanap kasi siya ng pagkakataon na pamukhaan ito.

“Pasok lang ako sandali, ha? Kasi dito ako bumibili ng kolorete,” pagsisinungaling niya. Ang totoo ay hindi pa rin niya nasubukan iyon. Ngunit dahil nais niyang yabangan ang babae ay iyon ang sinabi niya.

Sandali siyang namili, bago siya nagbayad. Bahagya man siyang nalula sa presyo noon ay hindi niya ipinahalata.

“Ang mahal naman…” narinig niyang bulalas ni Grace nang makita nito ang presyo.

“Naku, ayos lang ‘yan. Malaki naman ang sweldo ng asawa ko,” humahagikhik na turan niya.Hindi ito sumagot.

“Mabuti na lang at ako ang nakatuluyan niya, at hindi ikaw, ano?” biro niya.

Nagkatawanan sila.

Nang mapatapat sila sa isang tindahan ay nagyayang pumasok si Grace.

“Anong gagawin natin dito?” takang tanong niya habang iginagala ang paningin sa loob ng tindahan.

Iyon ang unang pagkakataon na nakapasok siya roon, at sa una pa lang ay alam niya nang mumurahin ang mga tinitinda roon.

Tumaas ang kilay niya dahil tila suki na roon ang babae. Gaya ng pinuntahan nila ay mga kolorete rin ang tinda roon. Ang kaibahan lang ay napakamura ng mga tinda roon.

“Salamat sa pagtangkilik, Ma’am Grace! Kaya ang ganda-ganda ng balat mo, eh!” biro pa ng tindera na may kasamang pambobola.

Bumaling ang tindera sa kaniya.

“Ma’am, kayo ho? Baka gusto niyong bumili, para gumanda rin ang balat niyo?” usisa nito.

Pinigil niyang irapan ang taklesang babae bago itinaas ang binili niyang kolorete kani-kanina lang.

“Hindi ako gumagamit ng mga cheap na produkto!” inis na sabi niya bago lumabas ng tindahan.

“Emilia, ikaw naman, pinatulan mo pa. Ganoon talaga si Ara, mapagbiro,” ani Grace na sumunod sa kaniya.

Inirapan niya ang kaibigan.

“Totoo naman, hindi ba? Cheap naman talaga ang produkto nila!” nakasimangot na katwiran niya.

Ngumiti si Grace.

“Matagal na akong gumagamit ng mga kolorete nila, maganda kahit na mura. Isa pa, Pilipino ang may-ari noon, hindi gaya ng mga mamahalin na sa ibang bansa pa ginagawa,” paliwanag nito.

Tuluyan nang sumabog ang inis niya sa babae.

“Palibhasa cheap ka rin!” sikmat niya bago ito iniwan sa gitna ng mall.

Pauwi na ay nagpupuyos pa rin ang kalooban niya dahil sa nangyari.

Nang sumunod na araw ay agad niyang sinubukan ang mga binili niyang kolorete. Nakuntento naman siya nang makita na talaga namang magaganda ang kalidad ng mga iyon.

Subalit makalipas ang ilang araw ay napansin niya ang pangangati ng kaniyang mukha. Hindi niya iyon pinansin, hanggang sa isang araw ay nagising na lang siya na puno ng pantal ang kaniyang mukha. Maging mata niya ay magang-maga at halos hindi niya na iyon maidilat.

Napasigaw siya sa labis na gulat.

“Anong nangyari sa’yo?” anang asawa niya nang gulat itong mapasugod sa banyo.

Nanlaki ang mata nito nang makita ang mukha niya.

“Bakit nagkaganyan ang mukha mo?”

Isa lang naman ang maaring dahilan kaya siya nagkaganoon—ang kolorete!

Agad silang pumunta sa ospital upang magpakonsulta. Ayon sa doktor ay maaari raw na may mapanganib na kemikal ang ginamit niyang kolorete kaya nagkaganoon ang mukha niya. Mabuti na lang daw at naagapan, kaya hindi tuluyang nasira ang mukha niya.

Kasama ang asawa niya ay galit siyang sumugod sa mall. Doon ay nawindang siya nang makita ng mga galit na kustomer na gaya niya ang nagkaroon din ng problema sa produkto!

“Pasensya na po. Inalis na po namin sa mga tindahan ang produkto dahil sa maraming reklamo… Kami na rin po ang sasagot sa pang-ospital ng mga naapektuhan ng depektibong kolorete…” paliwanag sa kanila.

Habang pauwi silang mag-asawa, sa kamalas-malasan ay isang kakilala ang nasalubong nila—si Grace.

“Emilia, anong nangyari sa mukha mo?” gulat na usisa nito.

Bago pa siya makasagot ay nagsalita na ang asawa niya.

“Ayan, kung ano-ano kasi ang nilalagay sa kolorete sa mukha, kaya nagkaganyan,” kwento nito.

“Bakit kasi hindi mo gayahin si Grace, hayan at walang problema sa mukha niya,” sisi pa ng asawa niya.

Mabuti na lamang at walang sinabi si Grace na ikinapahiya niya. Nakaalis na ito ay hiyang-hiya pa rin si Emilia.

Nilait-lait niya pa at sinabi na cheap ito! Sa huli ay nakarma tuloy siya.

Advertisement