Nahuli ng Gurong Ito na Nangongodigo ang Kaniyang Mag-aaral; Nabagbag ang Kalooban Niya Nang Malaman ang Dahilan Nito
Umiikot-ikot si Bb. Legazpi habang kumukuha ng mahabang pagsusulit ang kaniyang mga mag-aaral sa asignaturang Araling Panlipunan. Habang siya ay nag-iikot, hindi nakaligtas sa kaniyang matalas na paningin ang palihim na pagsulyap-sulyap sa kaniya ni Tanya.
“Bakit kaya ako tinitingnan-tingnan nito?” sa loob-loob ni Bb. Legazpi. Hindi siya nagpahalata.
Maya-maya, sa gilid ng kaniyang mga mata, napansin niyang kapag nalilingat siya ay binubuksan-buksan ni Tanya ang kaniyang nakatiklop na panyo. Natunugan niyang may kodigong nakaipit dito.
Hindi nito napansin ang pag-ikot niya sa bandang likuran nito. Nakasilip na pala si Bb. Legazpi na nasa kaniyang likuran. Hindi nahalata ng mga kaklase niya na nahuli ni Bb. Legazpi si Tanya dahil abala silang lahat sa pagsagot.
Nang maramdaman ni Tanya na may tao na sa likuran niya ay mabilis na niyang tiniklop ang panyo.
Kinuha ni Bb. Legazpi ang kaniyang ballpen at maliit na sticky note sa kaniyang bulsa. Sinulatan niya ito.
“Mag-usap tayo mamaya,” inilagay ni Tanya sa papel. Iniabot niya ito kay Tanya. Binasa. Nakita niyang namutla ang mag-aaral.
Tamang-tama na recess time pagkatapos ng klase ni Bb. Legazpi kaya naiwan silang dalawa ni Tanya sa silid-aralan.
“Nakita ko ang ginawa mo kanina, Tanya. Nasa loob ng panyo mo. Huwag kang magkakaila,” sabi ni Bb. Legazpi.
Tungong-tungo naman si Tanya. Hiyang-hiya sa kaniyang ginawa. Mabait pa rin si Bb. Legazpi dahil hindi niya pinahiya sa harap ng klase ang mag-aaral na nahuli niyang nangongodigo.
“Bakit mo ginawa ‘yun? Hindi ba’t masama ang pangongodigo? Isa pa, kapag ipinaalam ko ito sa gurong tagapayo mo, puwede kang masuspinde, hindi ba? Nasa manual naman ‘yan na ibinigay sa inyo bago magsimula ang taong pampanuruan.”
Hindi pa rin kumikibo si Tanya.
“Tanya, sige na… makikinig ako. Bakit mo ginawa ang pangongodigo kanina?”
Maya-maya, binasag na ni Tanya ang kaniyang katahimikan.
“Ma’am Legazpi, patawarin po ninyo ako kung nagawa kong gumawa ng kodigo. Hindi ko na po alam ang gagawin ko. Sadya pong mahina ang ulo ko, at nais ko pong magkaroon ng mataas na marka.”
Batay nga sa anecdotal record kay Tanya at mga marka nito sa nagdaang taon ay hindi nga masyadong matataas. Nasa average lamang ang kakayahan nito.
“Tanya, mali pa rin ang pangongopya o paggamit ng kodigo. Kasi ang dahilan kung bakit kumukuha ng pagsusulit, para malaman natin kung gaano na ba kalawak ang naging kaalaman mo sa pag-aaral natin. Kung dadayain mo ito, hindi lamang ako ang dinaya mo kundi maging ang sarili mo,” paliwanag ng guro.
“Ma’am, pasensya na po kayo,” at hindi na napigilan ni Tanya ang pagbuhos ng kaniyang emosyon. “Kasi po, lagi na lang akong sinasabihan ng Papa ko na mahina raw ang kukote ko. Na hindi ako kasintalino ng mga kapatid ko. Na wala raw akong silbi. Sawang-sawa na po ako, Ma’am, sa panlalait ng mismong Papa ko, kaya sabi ko sa sarili ko, kailangang magkaroon ako ng mataas na marka sa mga pagsusulit para naman makabawi-bawi ako ng marka.”
Nalungkot naman si Bb. Legazpi sa kaniyang mga narinig. Uso pa rin pala hanggang sa kasalukuyan na may mga magulang na masyadong mataas ang pressure na ibinibigay nila sa mga anak nila, kaya ang tendensiya ay gumawa na ito ng mali.
“Sana huwag nang maulit ito, Tanya,” wika ni Bb. Legazpi.
“Ma’am, nakikiusap po ako na huwag na po ninyong sabihin ito kay Sir Nanit, kasi tiyak po na ipapatawag po niya ang mga magulang ko. Lalo lang po silang magagalit sa akin,” matinding pakiusap ni Tanya kay Bb. Legazpi. “Ipinapangako ko po na hindi ko na uulitin ang pangongodigo, at mas mag-aaral na po ako.”
“Sige. Basta’t ipangako mo sa akin na hindi mo na uulitin ito, Tanya. Pero kapag nangyari ulit ito, hindi ko na ito palalagpasin.”
Tumango-tango naman si Tanya.
Simula noon ay hindi na umulit pa si Tanya sa kaniyang pangongodigo at napansin ni Bb. Legazpi na naging aktibo sa klase si Tanya. Madalas na itong nakikiisa sa talakayan, hindi na nahihiyang maging pinuno sa mga pangkatang gawain, at matataas na rin ang mga marka sa pagsusulit.
Hindi kataka-takang tumaas ang mga marka nito sa lahat ng asignatura, at sa pagtatapos ng taong pampanuruan, napabilang pa sa Top 10 ng klase.
Kaya naman, bago maghiwa-hiwalay bilang klase ay lumapit si Tanya kay Bb. Legazpi at nagpasalamat.
“Maraming salamat po, Bb. Legazpi, sa mga pangaral na ibinigay ninyo sa akin. Hindi ko po kayo makakalimutan. Sana po ay muli pong magkrus ang mga landas natin,” ani Tanya.
“Walang anuman, Tanya. Basta’t lagi mong tatandaan na hindi mahina ang kukote mo. Kaya mo.”
Masayang-masaya si Bb. Legazpi dahil pakiramdam niya ay nakapagligtas siya ng isang kaluluwa dahil sa pagiging mabuting guro niya.