Ilang Araw Nang Dis-Oras ng Gabi Kung Umuwi ang Mister at Mukhang Balisa Ito; Kutob Niya ay May Itinatago Itong Kalokohan
Hindi mapakali si Veronica. Kanina pa siya nakatingin sa nakasabit na wall clock. 11:00 ng gabi. Wala pa si Joemel, ang kaniyang mister.
5:00 ng hapon ang out nito sa trabaho kaya nagtataka siya kung bakit sa sunod-sunod na tatlong araw, lagi itong umuuwi nang gabing-gabi na. Ayaw naman niyang magtanong o mag-usisa dahil baka mainis naman ito at sabihin naman nito na tamang hinala siya.
Ngunit hindi maganda ang pakiramdam niya. Sa palagay niya ay may itinatago sa kaniya ang mister na hindi nito sinasabi sa kaniya. Napapansin din niya na tila may malalim na iniisip ito, tila may bumabagabag.
Hangad niya na sana naman ay magbukas sa kaniya ang mister. Matagal na rin silang hindi nagkakausap. Sa tuwing dumarating ito mula sa trabaho, tulog na siya. Pagkagising naman niya, nakaalis na ito para sa trabaho.
Wala na silang oras para sa isa’t isa.
At ngayon, kakanood niya sa mga teleserye at kung ano-anong drama, kung ano-ano nang isipin ang kumakain sa kaniyang isipan.
Paano kung may ibang babae na si Joemel?
Maya-maya, naramdaman ni Veronica ang pagdating ng isang kotse. Kotse ito ni Joemel.
Bumukas ang pinto. Pumasok si Joemel. Nagulat ito na naroon siya sa sala at gising pa siya.
“Mahal… gising ka pa pala?” tila nagulantang na tanong ni Joemel sa mister.
“Oo… bakit? Kasi nag-aalala lang ako sa iyo na medyo ginagabi ka ng uwi nitong mga nagdaang araw. Overtime?” tanong ni Veronica. Ayaw niyang magmukhang naghihinala. Sana hindi ganoon ang isipin ng mister.
“Ahhh… nagulat lang ako kasi nasanay lang ako na lagi kang tulog na sa tuwing umuuwi ako,” sagot naman ni Joemel. “Saka may inasikaso lang ako.”
“Anong inaasikaso mo?” tanong ni Veronica.
Hindi kaagad nakasagot si Joemel. Halatang nag-iisip ng alibi.
“Wala, kuwan, dagdag na proyekto ng kompanya. Bilang branch manager, ako ang binigyan ng trabaho na ayusin iyon. Huwag kang mag-alala…”
Nag-ring ang cellphone nito. Nagmamadaling sinilip kung sino. Bago sagutin, sinulyapan muna siya.
“K-Kailangan kong sagutin ito, Mahal, saglit lang…” wika ni Joemel. Saka niya kinuha ang kaniyang cellphone at sinagot ang tawag niya. Lumayo pa ito upang hindi niya marinig.
Sino naman ang taong tatawag ng ganitong dis-oras ng gabi? At bakit pakiramdam niya, may inililihim si Joemel sa kaniya? Bakit kinailangan pa nitong lumayo para hindi niya marinig ang pag-uusapan nila ng taong tumawag sa kaniya?
Maya-maya, tapos na ang tawag. Tila natataranta si Joemel.
“Mahal, may kailangan lang akong puntahan…”
“Ha? Bakit? Anong nangyayari? Gusto mo samahan kita?”
“Hindi, hindi na kailangan… sa trabaho ito…”
“I insist, Mahal. Bakit, may tinatago ka ba sa akin?”
“Tinatago? Anong ibig mong sabihin?” tanong ni Joemel.
“Napapansin ko na lagi ka nang umuuwi ng gabi. Parang… parang may mga bumabagabag sa iyo. Gusto sana kitang tanungin tungkol diyan, pero wala tayong oras sa isa’t isa. Asawa mo ako, Joemel, baka nakakalimutan mo. Kailangan mong sabihin sa akin kung may pinagdaraanan ka, para matulungan kita kung may kailangan ka,” sa wakas ay naglakas-loob na si Veronica na sabihin ang tunay niyang agam-agam at nararamdaman.
“Teka, iniisip mo ba na niloloko kita?” tanong ni Joemel.
“Iyan ang naiisip ko eh. Tama ba ang naiisip ko?”
Napailing na lamang si Joemel.
“Sige, halika’t sumama ka sa akin para malaman mo kung ano ang pinagdaraanan ko ngayon,” sabi ni Joemel. Hinila niya ang isang kamay ng misis at iginiya ito sa kotse.
Ilang sandali pa, nakarating sila sa isang ospital.
“Bakit nandito tayo? Akala ko ba sa trabaho?” tanong ni Veronica sa mister.
“Halika’t pumasok tayo sa loob. Malalaman mo,” sabi ni Joemel.
Maya-maya, nasa harapan na sila ng isang matandang babae na may pasak na dextrose sa katawan at iba pang mga kurdon.
“S-Sino siya, Joemel?”
“Siya ang aking tunay na ina, Mahal,” malungkot na sabi ni Joemel.
“Nanay mo? Paanong nanay mo? Hindi ba’t sinabi mo sa akin na ulilang-lubos ka na?” nagtatakang tanong ni Veronica.
At ikinuwento na nga ni Joemel na ang kinilala pala niyang mga magulang ay napag-alaman niyang hindi pala tunay na mga magulang, at sa pananaliksik ay natuklasan niya kung saan sila matatagpuan.
“Patawarin mo ako, Mahal, kung napag-isipan kita nang masama. Ang akala ko, may iba kang babae,” paghingi ng tawad ni Veronica kay Joemel.
“Patawarin mo rin ako, Mahal, kung hindi ko kaagad nasabi sa iyo ang mga bagay na ito. Tama ka naman. Asawa kita, kaya dapat lahat ng mga nangyayari sa akin, nasasabi ko sa iyo. Saka lahat ng mga pinagdaraanan ko dapat nasasabi ko sa iyo. Magkabiyak tayo.”
Simula noon ay naging maayos na ang relasyon ng mag-asawa, at nagtulungan silang mag-asawa sa pag-aalaga sa tunay na ina ni Joemel.