Sa Unang Araw ng Trabaho ay Nilait Na Siya at Pinagsalitaan ng Kaniyang Team Leader Dahil sa Matigas na Pagsasalita ng Ingles; Magbitiw Kaya Siya sa Trabaho Dahil Dito?
Masayang-masaya si Shiela dahil matapos ang kaniyang pakikipagsapalaran sa Maynila, sa wakas ay natanggap na rin siya sa trabaho bilang isang call center agent.
Matapos makapasa sa training ay ipinasa na silang mga bago sa kani-kanilang mga magiging team leader. Nagkataon na ang team leader niya ay isang masungit at perfectionist na si Loida.
“Ayoko nang tatanga-tanga sa trabaho ha? Gusto ko perpekto ang lahat ng aspeto. Dumaan ka na sa training kaya inaasahan kong alam mo na ang gagawin mo. Wala akong panahon para magsanay o magturo pa, marami rin akong ginagawa. Naiintindihan mo?”
“Opo, nauunawaan ko po,” nauumid na sabi ni Loida.
“Sige na, tumatakbo ang oras. Magsimula ka na.”
At nagsimula na nga sa kaniyang gawain si Shiela. Matapos ang pag-asikaso sa kaniyang unang kliyente, agad siyang nakatikim ng panlalait mula kay Loida.
“Bakit ganoon ang tono ng pananalita mo? Ang tigas-tigas. Saang probinsya ka ba galing?” sarkastikong tanong nito.
“G-Galing po ako sa Iloilo, M-Ma’am. P-Palagay ko naman po walang mali sa paggamit ko ng grammar…”
Advertisement“Yes, you’re right, your grammar is okay naman, pero my God, you’re accent… ang tigas-tigas! Parang Filipino pa rin. Hindi ba sinabi ko na sa iyo na gusto kong perpekto ang pagtatrabaho mo sa lahat ng aspeto?! Sa pagsasalita, hindi sapat na tama ang grammar. Dapat, tama rin ang accent, ang intonasyon. Paano ka nakapasa rito? You’re a cr*p!” paninigaw ni Loida kay Shiela.
Tila nais lumubog sa kaniyang kinatatayuan si Shiela, lalo’t napansin niyang palihim na siyang tinitingnan ng mga kasamahan niya sa team.
“P-Pasensya na po Ma’am. Don’t worry po, I will do better next time.”
“You should. Or else, ipapalipat kita ng ibang team, or worse, I’m gonna recommend you for termination.”
Bumuhos ang emosyon ni Shiela nang siya ay magtungo sa palikuran. Hindi niya akalaing magiging ganoon ang unang araw ng pagsabak niya sa trabaho. Matalino naman siya, sa katunayan ay iskolar siya sa kanilang pamantasan. Hindi siya sanay na nilalait. Sanay siya sa mga papuri dahil sa kaniyang kakayahan at pakikipagkapwa-tao.
Isang kasamahan niya sa team na si Nolan, isang beki, ang kumausap sa kaniya.
“Huwag mong intindihin si Ma’am. Alam mo, lahat tayo ay nagdaan na sa ganyan. Labas mo lang sa kabilang tenga mo kapag may mga panlalait kang naririnig. Masasanay ka rin. Titigil din naman ‘yan. Patibayan ng sikmura dito kaya kailangang maging handa ka sa ganyan.”
Tinandaan ni Shiela ang lahat ng mga sinabi ni Nolan. Ipinangako niya sa kaniyang sarili na kahit hindi maganda ang accent ng pagsasalita niya ng wikang English, babawiin naman niya sa mahusay na customer service, iyon naman talaga ang layunin ng trabahong iyon.
AdvertisementMakalipas ang tatlong buwan, sa general assembly ng kanilang kompanya, nagkaroon ng parangal sa mga empleyado na nakakuha ng matataas na quota. Isa roon si Loida, ang kanilang team leader.
Pagkaluwag-luwag ng ngiti nito ngunit nagtataasan naman ang kilay ng mga kasamahan niya sa team.
Maya-maya, isang espesyal na parangal daw ang igagawad sa isang bagong empleyado na magaganda ang nakukuhang feedback mula sa mga kustomer, dahil sa mahusay raw na customer relations nito, kapag nakikipag-usap sa kanila.
“Ito ay walang iba kundi si Shiela Fuentes sa ilalim ng Team Loida!” anunsyo ng host ng programa.
Hindi makapaniwala si Shiela nang tanggapin niya ang sertipiko ng pagkilala at ang cash incentive na natanggap niya dahil dito. Nakita niya ang mukha ni Loida. Seryoso itong nakatingin sa kaniya.
Pagkatapos ng programa, nilapitan siya ni Loida.
“Congratulations sa iyo. Ikaw ang kauna-unahang bagong agent na napunta sa team ko na naparangalan kaagad. Paumanhin sa mga nasabi ko sa iyo noon tungkol sa accent mo, kung sumama ang loob mo. Pero sa palagay ko ay nakatulong naman sa iyo. Ipagpatuloy mo lamang ang kasipagan at dedikasyon mo sa ginagawa mo,” sabi ni Loida.
“Opo Ma’am Loida. Aaminin ko po, nasaktan po ako sa mga sinabi ninyo sa akin. Pero naisip ko, totoo naman po. Kung hindi po ako magiging bukas sa kritisismo, wala pong mangyayaring pag-unlad sa akin. Maraming salamat po!” naluluhang pasasalamat ni Shiela.
AdvertisementMatapos ang dalawang taon, nataas na sa kaniyang tungkulin si Loida. At ang pumalit sa kaniyang posisyon bilang team leader, walang iba kundi si Shiela.
Masayang-masaya si Shiela sa tagumpay na kaniyang natamo, na alay niya sa kaniyang mga magulang. Ipinangako niya sa kaniyang sarili na patuloy siyang tatanggap ng mga kritisismo upang mas mapaunlad pa ang kaniyang sarili.