Dalawang Aplikante na Lamang ang Pamimilian ng Boss na Ito; Paano Kaya Niya Pipiliin ang Magiging Personal Assistant Niya?
“Binabati ko kayong dalawa, Chloe at Bria. Kayong dalawa ang nakapasa para sa pinal na pagpili ko ng magiging personal assistant ko.”
Ngumiti naman sina Chloe at Bria sa may-ari ng kompanya na naghahanap ng personal assistant. Naipasa na nila ang pinal na panayam ng HRD director. Ang pinal na desisyon ay magmumula sa mismong may-ari ng kompanya na si Mr. Tan.
“Isa lamang sa inyo ang pipiliin ko kaya galingan ninyo. May the better woman win,” dagdag pa ni Mr. Tan.
Sa isip-isip ni Chloe, tiyak namang siya ang pipiliin ni Mr. Tan dahil sa credentials pa lamang ay tiyak niyang ilalampaso niya si Bria, na mukhang matandang dalaga dahil sa makapal nitong salamin sa mata.
“Handa na ba kayo sa ipapagawa ko sa inyo?”
Tumango naman ang dalawang aplikante. Palihim na tiningnan nang masama ni Chloe si Bria. Kabadong-kabado naman si Bria.
“Gusto kong umorder kayo ng meryenda ko at ipadala rito sa eksaktong 3:00 ng hapon. Gusto ko, 3:00 ng hapon, nasa mesa ko na ang pagkain,” utos ni Mr. Tan. “Utusan ninyo si Mang Delfin. Bahala na kayong mag-usap kung sino ang para sa mocha latte at kung sino ang para sa paborito kong banana bread.”
Si Mang Delfin ang isa sa mga pinagkakatiwalaang janitor ng kanilang kompanya.
Napagkasunduan na si Chloe ang oorder ng mocha latte at si Bria naman ang sagot sa banana bread.
“Sana po ay makarating na rito bago mag-3:00 ng hapon ang order namin kasi iyon po ang sabi sa amin ni Boss,” seryoso at medyo mataray na bilin ni Chloe kay Mang Delfin.
“Ingat po kayo, Mang Delfin,” magiliw naman na sabi ni Bria kay Mang Delfin. Ngumiti pa siya sa janitor.
Pagkatapos ay naghintay na nga sina Chloe at Bria. Kapwa sila tahimik. Kinuha ni Chloe ang kaniyang make-up kit. Nag-retouch.
“Uy, congrats pala sa ating dalawa. Akalain mo yun, sa sampung aplikante, tayong dalawa ang nakapasa at umabot dito,” magiliw na sabi ni Bria.
Umismid naman si Chloe at umikot ang mga mata. Hindi siya kumibo sa sinabi ni Bria. Ipinakita niya rito na hindi siya interesadong kausapin ito.
Naramdaman naman ni Bria na ayaw siyang kausap ni Chloe kaya hindi na lamang niya ipinilit ang kaniyang sarili.
Maya-maya, malapit nang mag-3:00 ng hapon.
“Lintik naman na janitor ‘yun, kay bagal kumilos! Anong oras na!” Naiirita nang sabi ni Chloe. Tumayo na ito at hindi na mapakali. Panay tingin na sa kaniyang orasan na nasa kanang bisig.
Hindi naman kumibo si Bria. Wala rin naman kasing mangyayari kahit na ngumawngaw pa siya. Minabuti niyang mag-relax at maghintay. Wala naman siyang magagawa kung wala pa ang janitor.
Maya-maya, lagpas 10 minuto na ay wala pa si Mang Delfin. Banas na banas na si Chloe.
“Makakatikim sa akin ang matandang huklubang janitor na ‘yan,” sambit ni Chloe.
Napapailing na lamang si Bria sa talas ng dila ni Chloe. Hindi siya makapaniwala sa inaasal nito. Kanina lamang ay para itong maamong tupa at hindi makabasag-pinggan sa harapan ng kanilang boss. Hindi siya makapaniwala sa kagaspangan ng ugali nito.
Maya-maya ay humahangos na dumating si Mang Delfin. Hindi ito magkandaugaga sa mga bitbit. Hingal na hingal din ito. Tagaktak ang pawis sa mukha. Halatang pagod na pagod.
“P-Pasensya na kayo, ang dami kasing tao sa coffee shop na pinagbilhan ko,” paghingi ng tawad ni Mang Delfin.
“Okay lang po, Mang Delfin. Walang problema. Akin na po ang mga pinabili ko,” nauunawaang sabi ni Bria. Naawa naman siya sa matanda na napag-utusan lamang. Hindi na niya kinuha ang sukli para tip na niya ito.
Ngunit si Chloe, hindi itinago ang pagkairita kay Mang Delfin.
“Hay naku ang bagal mo, wala na, baka hindi na ako matanggap sa trabaho niyan. 3:00 impunto ang sinabi sa amin ni Boss,” at pabalagbag na itong umakyat sa itaas.
Nagpasalamat muna si Bria ay Mang Delfin at saka sumunod na rin kay Chloe.
Pareho nilang iniabot ang meryenda para kay Mr. Tan.
“Pareho kayong huli,” wika ni Mr. Tan.
“Nahuli po kasi yung matandang janitor,” sabi ni Chloe. “Pero ayos lang naman po. Nauunawaan ko naman po siya.”
Palihim na napatingin si Bria kay Chloe. Parang hindi naman ganoon ang sinabi nito kanina?
“Sige, lumabas lang muna kayo saglit at ipapatawag ko kayo.”
Naghintay sa lobby ng opisina sina Chloe at Bria. Matindi ang dasal ng bawat isa, na sana, isa sa kanila ang piliin ni Mr. Tan.
Maya-maya, pinatawag na ni Mr. Tan sina Chloe at Bria.
“Maraming salamat sa inyong dalawa. Batay sa aking ebalwasyon, nakapili na ako ng aking personal assistant. At ikaw ‘yun… Bria.”
Nagulat naman si Chloe dahil asang-asa ang dalaga na siya ang kukunin at pipiliin ni Mr. Tan.
“Pareho kayong huli at talagang sinadya ni Mang Delfin na mahuli nang dating para makita niya kung paano kayo makikitungo sa kaniya. Batay sa ulat ni Mang Delfin sa akin, simula raw kanina ay mas magiliw si Bria kaysa sa iyo, Chloe. Sa pagiging personal assistant, mahalaga ang pagiging pasensyoso at maayos na pakikitungo sa mga katrabaho. Walang lugar ang kagaaspangan ng ugali sa kompanya ko,” paliwanag ni Mr. Tan. “Hindi ko kailangan ng masyadong magandang credentials dahil napepeke ito, pero ang kagandahang-asal ay hindi naikukubli.”
Malungkot na umuwi si Chloe. Sising-sisi siya kung bakit sinungitan niya si Mang Delfin.
Masayang-masaya naman si Bria dahil sa wakas, may trabaho na siya at makakatulong na siya sa kaniyang pamilya!