Inday TrendingInday Trending
Nagulat ang Babaeng Ito Nang Dalawin Siya ng Dating Biyenan sa Kaniyang Condo Unit; Ano Kaya ang Pakay Nito?

Nagulat ang Babaeng Ito Nang Dalawin Siya ng Dating Biyenan sa Kaniyang Condo Unit; Ano Kaya ang Pakay Nito?

Maliliit na katok ang pinakawalan ni Aling Alora sa pinto ng condo unit na kaniyang pinuntahan. Bumukas ang pinto. Sumungaw ang isang magandang mukha ng kaniyang manugang na si Kendra.

“N-Nay? Ano hong… ano hong ginagawa ninyo rito?”

“G-Gusto sana kitang makausap, anak. Tungkol kay Charlie.”

May limang segundong napatitig lamang si Kendra sa kaniyang biyenan, bago ito tuluyang papasukin sa loob. Pinaupo niya ito sa sofa.

“M-Maganda ang bago mong tinutuluyan, anak,” puri ni Aling Alora sa manugang. Pambasag sa namumuong pagkailang sa kanilang pagitan.

“Salamat po. Teka muna ho, ikukuha ko ho kayo ng meryenda.”

Saglit na umalis si Kendra at nagtungo sa kusina. Iginala naman ni Aling Alora ang kaniyang mga mata sa kabuuan ng condo unit ng manugang.

Maya-maya, bumalik na si Kendra dala-dala ang isang tray na naglalaman ng isang tasa ng kape at ensaymada.

“Mabuti naman ho at may ensaymada pa ako, alam kong paborito ninyo ito. Kumusta na po?” tanong ni Kendra.

“Mabuti naman ako, anak. Anak, hindi na ako magpapatumpik-tumpik pa. Gusto ko lang sanang tanungin ka kung wala na bang pag-asang magkabalikan kayo ni Charlie? Sana naman patawarin mo na ang anak ko…”

“Nay… pasensya na po…” biglang singit ni Kendra. “Malaki po ang pagkakasala sa akin ng anak ninyo. Sa palagay ko, wala ho kayo sa posisyon para ipakiusap ninyo sa akin ‘yan,” matigas na sagot ni Kendra.

“Anak, nagsisisi na si Charlie. Hindi ko na kayang makita ang anak ko na araw-araw, malungkot siya, hindi makakain, dahil iniwan mo siya.”

“Iyon ho ang pinili ng anak ninyo. Sana ho, naisip niya ‘yan bago niya ako lokohin,” gigil na sabi ni Kendra.

“Kasalanan mo rin. Hindi magloloko ang isang asawang lalaki kung naibibigay ng asawang babae ang mga pangangailangan nito,” bigla’y sabi ni Aling Alora. Huli na para bawiin ang kaniyang mga nasabi.

Napamulagat naman si Kendra sa mga sinabi ng biyenan.

“Mawalang galang na po, ‘Nay. Hindi po yata tamang sisihin ang naging biktima rito. Ako po ang niloko ng anak ninyo. Ginawa ko po ang lahat ng makakaya ko para maibigay ang mga pangangailangan niya, pero hindi po iyon pinahalagahan ni Charlie. At wala na po akong magagawa sa bagay na ‘yan. At isa pa ho, hindi ho ako makapaniwala na kayong kapwa ko babae ang nagsasabi niyan sa akin. Kayo ho na iniwan din ng mister ninyo na tatay ni Charlie.”

“Huwag mong idamay rito ang kuwento ko dahil iba ang nangyari sa amin ni Rogelio,” naiiyak na sabi ni Aling Alora.

“P-Pasensya na ho kayo, Nay, pero kung pakikipagbalikan ho ang hinihiling ninyo para sa anak ninyo, hindi ko po maibibigay. Saka, bakit ho kayo ang nagpunta rito? Kung talagang sinsero ho siya sa pakikipagbalikan, dapat siya ang narito. Hanggang ngayon, hindi pa rin siya nagbabago. Mama’s boy pa rin siya.”

Nanlaki naman ang mga mata ni Aling Alora sa mga patutsada ni Kendra, pero hindi na siya nagtangka pang magsalita.

“Nalulungkot ako na hindi na maaayos ang mga bagay na ito sa inyo ng anak ko. Sige Kendra, anak, mauuna na ako…” sabi ni Aling Alora sabay tayo na. Umalis na siya sa condo unit ng manugang.

Ipinasya niyang umalis na at umuwi. Hindi siya nagtagumpay sa kaniyang panghihikayat sa manugang na makipagbalikan sa kaniyang anak. Sa totoo lamang, si Kendra ang tanging babae na gusto niya para sa kaniyang anak. Kaya ginagawa niya ang lahat upang mapag-ayos sana ang dalawa.

Pag-uwi sa bahay, nagulantang siya nang makitang may nakakandong na babae sa kaniyang anak na si Charlie.

Parang nakakita ng multo na napalundag paalis sa kandungan ng anak ang naturang babae at nagpaalam na sa kanila para umalis.

“ N-Nay… saan ho kayo galing?” inayos-ayos ni Charlie ang kaniyang damit.

“Sino na naman ang babaeng iyon? Ano ka ba naman, Charlie? Galing ako kay Kendra. Sinubukan kong kumbinsihin si Kendra na makipagbalikan sa iyo, pero tumanggi siya. Malungkot ako na hindi siya pumayag. Pero sa nakikita ko ngayon, mukhang tama ang desisyon ni Kendra na huwag nang makipagbalikan sa iyo,” sabi ni Aling Alora.

At napagtanto ni Aling Alora na tama ang mga sinabi ni Kendra. Kahit anak niya si Charlie, sa palagay niya ay hindi deserve ni Kendra ang kagaya nitong babaero at walang pagpapahalaga sa pagmamahal na ibinibigay sa kaniya.

Advertisement