Inday TrendingInday Trending
Mahilig Manloko ng mga Online Seller ang Lalaki na Ito; Ito na ba ang Ikakayaman Niya?

Mahilig Manloko ng mga Online Seller ang Lalaki na Ito; Ito na ba ang Ikakayaman Niya?

Napangisi si Coco. Katatapos lamang niyang manuod ng live selling ng isang online seller at sigurado na namang may kikitain siya pagkatapos ng kanilang meet up. Balak niya kasing tambangan ito pagkatapos nilang magpalitan ng item at pera, tulad ng madalas niya dating gawin.

Ito na ang pangunahing pinagkakakitaan ng tamad na binatang ito. Palagi na lamang siyang nanloloko ng sellers na nagpapakahirap magsalita nang magsalita sa harap ng camera para lamang kumita. Ilang beses na niya itong ginagawa at hindi pa siya kailan man nahuli. Masiyado siyang mailap at madulas sa mga pulis, dahil may kapit din naman siya sa mga ito.

“Anak, aalis ka na naman?” nag-aalalang tanong ng kaniyang inang si Aling Sonia nang makitang gumagayak na naman siya.

“Didilihensiya ho ako, ’nay,” sagot naman ni Coco sa ina, ngunit imbes ay lalong sumimangot ang mukha nito.

“Hindi mo ba talaga kayang maghanap ng matinong trabaho, anak? Nanloloko ka ng tao para may maitustos ka sa mga b*syo mo! Hindi ka ba nakokonsensiya?!” naiiyak namang tanong nito na halatang hindi gusto ang ginagawa niya.

“Huwag na ho kayong makialam. Magpasalamat na lang ho kayo at hindi na ako nakikihati sa pensyon ni tatay,” nakangiwing sagot naman niyang muli na ikinailing na lang ni Aling Sonia.

Palagi namang pinagsasabihan ng kaniyang ina si Coco. Sadyang ayaw lamang talaga niyang makinig sa mga payo nito. Buhat nang mapasama sa mga kabarkada ang binata ay naging ganito na katigas ang ulo nito, lalo na nang matuto itong magb*syo.

“Hindi ka ba natatakot sa ginagawa mo, Coco? Baka isang araw, sunduin na lang kita sa presinto dahil d’yan sa kalokohan mo! Matanda na ako, huwag mo na sana akong bigyan pa ng problema,” pakikiusap na ng kaniyang ina. Bakas sa boses nito ang labis na kalungkutan, pagod at pag-aalala para sa kaniya, ngunit hindi iyon nakikita ni Coco. Imbes ay nagagalit pa siya at natutuliling sa paulit-ulit na paalala nito.

“Tumahimik ka na nga, ’nay! Huwag ninyo akong pakialaman dahil kayang-kaya ko ang sarili ko! Ang tagal ko nang ginagawa ’to, may nangyari ba sa akin? Kung sakali mang magkakatotoo ’yang sinasabi ninyo, sisiguraduhin kong hindi ko kayo tatawagin para iligtas ako, huwag kayong mag-alala!” galit pang singhal niya bago tumayo at dire-diretsong umalis ng bahay nila.

Itinuloy ni Coco ang pakikipagkita sa ka-meet up niya. Gaya ng nakasanayan ay kinuha niya ang item na ibinibenta nito at binayaran niya ’yon. Ngunit pagtalikod na pagtalikod ng nasabing seller ay agad na tinawagan ni Coco ang mga tropa niyang nakaabang na sa kabilang kanto. Maya-maya pa ay isang motorsiklo na ang sumundo sa kaniya upang mabilis nilang maabangan ang seller para ma-holdap o ’di kaya’y maisnats nila ang perang ibinayad niya rito!

“May buyer na rin naman tayo n’yang item na nakuha mo, e. Kapag nakuha natin ’tong pera, edi tiba-tiba na naman!” nagagalak na sabi ng kaibigan ni Coco na nagmamaneho ng motorsiklong sumundo sa kaniya.

“Aba’y oo! Inuman na naman tayo nito hanggang umaga! Sayang naman ang sermon sa akin ng nanay ko kung hindi natin pakikinabangan ’yan,” humahalakhak namang sagot ng binata bago pinaharurot na ng kasama niya ang sinasakyan nila.

Nakahanda na sila. Apat silang tatambang sa seller upang mabawi nila ang perang ibinayad nila rito, ngunit akmang kikilos na sila nang biglang maglabasan ang mga nakasibilyang pulis sa kanilang paligid! Na-korner ang apat na kawatan, kasama na si Coco na wala nang nagawa kundi ang sumama na lang sa mga awtoridad, sa takot na tuluyan sila ng mga ito.

Ganoon na lang ang lugmok niya nang ipasok na sila sa likod ng mga bakal na rehas. Ito na nga ba ang sinasabi sa kaniya ng kaniyang ina kanina. Bigla tuloy naalala ni Coco kung papaano niyang sininghalan ito na hindi siya hihingi ng tulong dito kapag nagkagipitan na, pero ngayon ay wala naman pala siyang ibang malapitan.

Lalo pang nanlumo si Coco dahil kinabukasan lamang ay isa-isa nang sinundo at pinyansahan ng kani-kaniya nilang mga kapamilya ang mga kabarkada niya at siya na lamang ang natira sa selda. Nakiusap pa siya sa mga ito na idamay na lamang siya sa pagpapiyansa nila ngunit hindi siya inintindi ng kahit na sino sa kanila. Pinabayaan siya ng mga kabarkadang mas inintindi at mas sinunod niya kaysa sa kaniyang ina. Sisi tuloy si Coco, at lalo pa siyang napahiya nang dumating din ang kaniyang ina upang piyansahan siya, kahit pa hindi niya ito tinawagan. Umiiyak na lamang siyang humingi ng tawad dito at nangakong hindi na uulitin ang kaniyang kalokohan.

Advertisement