Ipinagpalit ng Babaeng Ito ang Kaniyang Nobyo sa Mismong Kaibigan Nito; Ito pa pala ang Tutulong sa Kanila sa Oras ng Kagipitan
Iyak nang iyak si Danica, habang iniempake ang kaniyang mga gamit. Ni hindi niya matingnan ang ngayon ay nakayukong si Kenny, na bagama’t hindi nagsasalita’y alam niyang malaki at labis ang nararamdamang poot para sa kaniya. Malaki ang kasalanan niya sa binata at aminado siya roon, ngunit hindi niya kayang lokohin ang kaniyang puso para lamang hindi ito masaktan.
Limang buwan na ang nakalilipas buhat nang umuwi mula sa abroad ang matalik nitong kaibigang si Max. Minalas kasi ang nasabing lalaki roon, dahil napunta ito sa isang malupit na amo, kaya naman kahit walang-wala rin sila’y hindi nagdalawang isip si Kenny na tulungan ito.
Dahil walang matutuluyan si Max ay naisip ng kaniyang nobyo noong si Kenny na patirahin sa apartment kung saan sila nagsasama ang kaibigan. Kinupkop nito si Max. Pinakain, binihisan, at ibinalik ni Kenny ang dignidad, bilang pagpapakita ng pagiging mabuti nitong kaibigan.
Palaging nasa trabaho si Kenny. Simula kasi nang tumira sa kanila si Max ay nagdoble kayod na ito upang punan ang pangangailangan nilang tatlo. Sa tuwing uuwi naman ito sa gabi ay wala na itong lakas upang gampanan ang ‘pangangailangan’ ni Danica. Dahil doon ay hindi naiwasan ng babae na magkaroon ng tampo sa kaniyang kinakasama at dahil si Max ang palaging nasa tabi niya ay hindi naiwasang mahulog ang loob nila sa isa’t isa.
Nagkaroon ng lihim na relasyon sina Max at Danica sa loob mismo ng pamamahay ni Kenny. Niloko nila ang lalaking siyang bumubuhay at nagpapakain sa kanila! Tumagal ng ilang buwan ang lihim na relasyong iyon ng dalawa, hanggang sa bigla na itong magkaroon ng ideya sa kanilang katraydoran nang mapansin ng kanilang mga kapitbahay na may ‘iba’ na sa kilos ng dalawa. Ipinarating nila iyon sa lalaki at dahil doon ay hinuli sila nito.
Kanina lang ay naabutan ni Kenny ang kaniyang matalik na kaibigan at ang kaniyang pinakamamahal na babae, habang magkahugpong ang kanilang mga labi at puno ng init na nagyayakapan sa loob mismo ng kaniyang tahanan. Pakiramdam niya ay tinusok ng ilang milyong karayom ang kaniyang puso sa sakit na kaniyang naramdaman at agad na nandilim ang kaniyang paningin.
Nasuntok ni Kenny si Max na ikinaputok naman ng labi ng kaibigan. Mabuti na nga lamang at iyon lang ang tanging nagawa niya, dahil nagawa pa niyang kontrolin ang bugso ng kaniyang damdamin. Nagpasiya na lamang siyang palayasin ang dalawang ahas na kinupkop niya, minahal, inalagaan at pinakain, na hindi niya akalaing sa huli ay tutuklawin lang pala siya.
Nagsama sina Max at Danica. Noong una, akala nila ay magiging maayos na ang lahat, lalo pa at hindi naman na nanggulo pa si Kenny sa kanila. Ang huling balita nila rito ay nangibang-bansa ito upang makalimot. Ngunit napakahirap pala. Nasanay silang si Kenny ang bumubuhay sa kanila, kaya naman ngayon ay hindi alam ng dalawa kung paano sila makakaraos sa araw-araw lalo pa at tila minalas silang dalawa! Hindi sila matanggap-tanggap sa kahit anong trabaho at maging ang maliliit lamang na negosyong inuumpisahan nila ay mabilis na nalulugi. Baon na baon sila sa utang ngayon. Tila ba, tadhana na ang gumawa upang sila ay makarma.
Nagkasya na lamang ang dalawa sa pamumulot ng kalakal. Umi-extra din minsan si Max sa pagko-construction at halos magdildil na sila ng asin para lamang mabuhay sila. Mabuti na lamang at isang araw ay natanggap si Max bilang crew sa isang bagong bukas na coffee shop na malapit sa kanilang tinitirahan, habang si Danica naman ay natanggap din bilang cashier sa isang mini-grocery store katabi nito. Iisa lang kasi ang ang may-ari ng dalawang establisyimento na parehong bubuksan simula ngayong araw.
“Halika na, mahal. Umalis na tayo habang maaga pa. Mahirap na kung magpapa-late tayo sa first day natin sa trabaho,” ani Danica sa kaniyang kinakasamang si Max na agad namang sumang-ayon sa kaniyang gusto.
Ngunit halos manigas ang dalawa nang makarating na sila sa trabaho. Sa labas kasi ng dalawang establisyimentong kanilang papasukan ay kausap doon ng kanilang mga magiging kasamahan sa trabaho ang kanilang boss—ang may-ari ng parehong establisyimento, dahil iyon ay walang iba kundi si Kenny!
Nang makita sila ng lalaki ay hindi na ito kababakasan ng anumang galit sa kaniyang mga mata, ngunit halos lumubog pa rin sa kahihiyan sina Max at Danica. Nilapitan sila nito.
“Hindi na mahalaga sa akin ang nakaraan natin. Tinanggap ko kayo rito, dahil alam kong kailangan ninyo ng trabaho. Max, Danica, sana’y maging maayos na ang lagay n’yo, simula ngayon. Gusto kong iparating sa inyo na pinapatawad ko na kayo.”
Sa sinabing iyon ni Kenny ay nagkatinginan sina Max at Danica. Wala silang ibang nasambit kundi labis na pasasalamat sa taong noon ay trinaydor nila. Bilang kapalit ay aayusin nila ang kanilang mga trabaho – iyon na lang ang tanging magagawa nila upang makabayad sa taong kahit sinaktan nila ay pinagmalasakitan pa rin sila.