Paganda pa raw nang Paganda ang Babaeng Ito Gayong may Anak na Siya; Supalpal ang Tsismosa nang Malaman kung Bakit
“Tingnan mo ’yang si Eloisa, nakapostura na naman at puno ng kolorete ang mukha, e, mamamalengke lang naman!” bulong ni Aling Peryang sa katsismisang si Aling Belen, habang nanghihinguto siya sa kaniyang anak.
“Naku, sinabi mo pa. Simula noong binayaran ng dating kompaniyang pinapasukan niya’y akala mo kung sino na! Aba’y hindi naman ganiyan dati ’yan, e. Ngayon pa naisip kumerengkeng kung kailan may anak na,” umiismid namang komento ni Aling Belen na para bang apektadong-apektado siya sa naging pagbabago ng kapitbahay na si Eloisa.
“Siguro ko’y may lalaki ’yan,” panghuhula naman ni Aling Peryang. “Hindi naman ’yan gaganiyan kung walang pinagpapagandahan, e!” dagdag pa niya bago humalakhak ng tawa.
“Ay, iyan nga rin ang iniisip ko. Palagi rin kasing umaalis ang asawa n’yan kaya siguro naghahanap ng ibang makakalambingan,” hagikhik pa ni Aling Belen. “Naku, nakakaawa ang lalaki!”
“Nakakaawa kamo ang anak! Aba’y wala pang dalawang taon, e, mukhang masusundan na agad at iba pa ang magiging ama kung sakali!” Iiling-iling pang pagpapatuloy pa rin ni Aling Peryang sabay tiris nang mariin sa nakitang ‘alaga’ ng kaniyang anak sa ulo.
Samantala, nagpapantig naman ang tainga ni Eloisa dahil kanina niya pa naririnig ang mapang-insultong tsismisan ng dalawang ‘marites’ ng kanilang barangay. Hindi man lamang pinagkaabalahan ng mga ito na hinaan ang kanilang boses para hindi niya sila marinig!
Talagang kilalang tsismosa ang dalawang ito. Kahit nga iyong mga pinagkakautangan nila ay madalas nilang pag-usapan kapag nakatalikod ang mga ito na para bang hindi sila nanghingi ng tulong sa tao. Ganito sila kahayok sa buhay ng iba, gayong ang sarili nga nilang mga buhay ay hindi nila maayos-ayos. Pareho silang walang mga trabaho at umaasa lamang sa kita ng mga asa-asawa nilang mas madalas pang mag-inom kaysa kumayod. Nanlilimahid pa lagi sa dumi ang mga anak dahil mas inuuna pa ng mga ito ang makipag-tsismisan sa labas kaysa asikasuhin ang kanilang mga supling.
Gusto na sanang palampasin na lamang ni Eloisa ang mga narinig, dahil may mahalaga pa siyang pupuntahan ngayong araw. Kaya lang ay nagulat siya dahil bigla na namang may sabihin si Aling Peryang…
Advertisement“Hula ko, paglaki ng anak n’yan ni Eloisa ay magiging katulad niya ’yon…maharot!” tumatawa pang ani Aling Peryang na labis namang ikinapikon ni Eloisa!
Pakiramdam niya ay umakyat sa ulo niya ang kaniyang dugo. Halos umusok tuloy ang ilong niya sa galit kaya hindi na niya napigilan pa ang sariling hindi ito patulan!
“Aba, napakahusay n’yo naman na po palang manghula ngayon sa buhay ng iba, Aling Peryang, ano?” singhal ni Eloisa sa tsismosang kapitbahay na agad namang nanlaki ang mga mata nang bigla siyang sumulpot sa kanilang harapan.
“E-Eloisa…kanina ka pa r’yan?” nangingiming tanong naman ni Aling Belen na bigla ring namutla nang makita siya.
“Kaninang-kanina pa, Aling Belen. Simula nang makita n’yo akong lumabas ng bahay au dinig na dinig ko na kung paano n’yo ako pagtsismisan at kung papaano ninyong idinamay ang anak ko! Palibhasa’y mga wala kayong magawa sa buhay kaya buhay ng iba ang pinagkakaabalahan ninyo, e!” galit namang sagot ni Eloisa. “Gusto ba talaga ninyong malaman kung saan ako pumupunta at kung bakit palagi akong nakaayos sa tuwing aalis ako?”
Hindi sumagot ang dalawa sa tanong niya. Tulala lang na nakatingin sa kaniya ang mga ito at naghihintay sa susunod niyang sasabihin.
“Simula nang binayaran ako ng dating kompaniyang pinagtatrabahuhan ko ay inilaan ko ang lahat ng pera ko sa isang negosyo. Alam n’yo kung ano? Mga pampaganda! Siyempre, bago ko iyon ibenta sa iba, kailangan ko munang subukan sa sarili ko. Tine-testing ko kung hanggang saan ang aabutin kung sakaling aalis ako ng bahay. Kung ano ang epekto nito kapag nainitan at napawisan na ang gumagamit at gaano katagal ang aabutin bago ako muling maglagay. Kaya nakaayos ako palagi, hindi dahil may lalaki ako!” inis na paliwanag niya sa dalawang tsismosang agad namang napayuko. Supalpal sila at napahiya sa sarili nilang katsismosahan.
Lalo tuloy silang nanigas sa inggit nang makitang lumago nang lumago ang negosyo ni Eloisa, habang sila ay nananatili pa ring mga tsismosa. Umangat na nang umangat sa buhay ang mga taong inaapi ng mga salita nila, samantalang sila ay nanatili pa rin sa kalugmukan at walang pag-unlad hanggang ngayon.