Nag-iwan ng Pera ang Amo sa Kaniyang Pantalon Upang Subukin ang Bagong Labandera; Magugulat Siya sa Gagawin Nito
“Manang, pakilabhan nga ho itong pantalon ko,” utos ni Jimmy sa kanilang bagong labanderang si Manang Wena. Agad namang kinuha ng may katandaan nang babae ang kaniyang pantalon.
“Sige po, ser. Kung gagamitin n’yo na ho, p’wedeng unahin ko na ho itong labhan at nang matuyo agad,” sabi pa nito.
“Naku, hindi pa naman ho. Bukas ko pa ho nang umaga ’yan gagamitin. Isabay n’yo na ho sa iba pang pantalon.”
“Sige po, ser.”
Sinundan ni Jimmy ng tingin ang nasabing labandera. Ilang araw pa lamang itong nag-ii-stay in sa kanila, dahil kaaalis lamang ng dati nilang tagalaba. Paano’y pinaalis niya ito dahil nagawa silang pagnakawan sa kabila ng kabaitang ipinakita nilang pamilya rito, kaya nga ngayon ay naisip ni Jimmy na subukin na hangga’t maaga pa ang loyalty ni Manang Wena.
Nilagyan niya ng isang libo ang bulsa ng pantalong ipinalalaba niya rito ngayon-ngayon lamang. Titingnan niya kung ano ang gagawin nito. Tamang-tama dahil noon lamang isang linggo ay nagpalagay na sila ng CCTV sa bawat sulok ng kanilang bahay, dahil dumarami na ang nababalitaan nilang pinapasok ng mga kawatan.
Nagpunta siya sa kwarto nilang mag-asawa kung saan naroon din ang monitor na kakabit ng kanilang mga CCTV at doon ay pinanuod niya ang ginagawa ni Manang Wena. Nakita ni Jimmy na nagsisimula na itong maglaba ngayon ng mga pantalon na mabusisi muna nitong hinahawhawan, pati ang mga bulsa, upang talagang malinis nito ang mga damit.
Sa wakas ay nakita na ni Manang Wena ang isang libong papel na inilagay ni Jimmy. Kinakabahan siya sa gagawin nito. Nakita niyang nagpalinga-linga muna sa paligid si Aling Wena at tinitingnan kung naroon pa ba siya, bago nito ibinulsa ang kaniyang pera.
Napailing na lamang si Jimmy. Mukhang kailangan na naman niyang maghanap ng panibagong labandera dahil sa pakiwari niya ay hindi rin mapagkakatiwalaan si Manang Wena.
Lumabas siya ng kuwarto. Nagtungo si Jimmy sa salas upang doon na lamang hintayin si Manang Wena, para masabi niyang maaari na itong umalis. Inihanda na rin niya ang sahod nito para sa tatlong araw na ipinagtrabaho nito sa kanila at dinagdagan na rin niya iyon ng pamasahe pauwi. Nanghihinayang si Jimmy dahil akala niya ay magtatagal na sa kanila ang matanda. Napakahirap pa namang humanap ngayon ng kasambahay, ngunit mas gusto niyang makahanap ng tapat, kaysa pagsisihan niya iyon sa huli.
Nang makarating siya sa kanilang salas ay naupo siya sa sofa. Kaya lang ay napatayo ulit siya nang maramdamang may matigas na bagay siyang naupuan. Cellphone pala iyon ni Manang Wena. Eksaktong biglang tumunog iyon nang akmang pupulutin na iyon ni Jimmy, kaya naman hindi sinasadyang nakita niyang napakarami nang missed calls ng anak nito. Sa pagtataka ay binuksan pa niya ang text message nito at binasa…doon niya nalamang nasa ospital pala ang apo ni Manang Wena ngayon.
“Kaya siguro niya nagawang kunin iyong isang libo,” sambit ni Jimmy sa sarili. Ngunit sa kabila no’n ay hindi pa rin nagbago ang isip niyang tanggalin ito at maghanap ng bagong labandera.
Sa wakas ay natapos na si Aling Wena sa paglalaba. Mula sa likod bahay na kanilang nagsisilbing laundry area ay nakita niyang pumasok si Manang Wena. Binati pa siya nito nang makita siya.
“Naku, ser, akala ko’y umalis ho kayo. May nakita ho akong isang libo sa pantalon n’yo, e. Ibibigay ko na lamang ho sana kay ma’am,” biglang saad ni Manang Wena gayong akmang kukunin na ni Jimmy ang sobreng ibibigay niya sana rito bilang bayad.
Nagulat siya. Ang buong akala pa naman niya ay malikot din ang kamay ng matanda, pero mukhang nagkamali pala siya ng panghuhusga rito.
“Salamat ho, manang,” tanging nasabi ni Jimmy bago kinuha ang iniaabot na isang libo nito.
“Manang, pasensiya na ho. Tunog ho kasi nang tunog ang cellphone n’yo kaya binuksan ko ’yong message. Baka kasi emergency, e,” ani Jimmy. “Nasa ospital ho pala ang apo n’yo?” tanong niyang puno ng awa sa matanda.
“Naku, oho, ser. E, nadali ho ng dengue kaya nga po kumakayod ako ngayon. Ayos naman na po ang apo ko. Nagpapagaling na, kaya lang ay hindi pa mailabas ng ospital dahil wala po kaming pambayad sa bill,” sagot pa ni Manang Wena.
Napatango naman si Jimmy. Kinuha niya ang sobreng inihanda niya kanina at isinama roon ang isang libong pisong isinauli sa kaniya niyo bago iyon iniabot sa matanda. “Ito ho, Manang Wena, paunang bonus n’yo dahil honest ho kayo. Sana po ay makatulong sa apo ninyo,” nakangiting sabi pa ni Jimmy at dahil doon ay tuwang-tuwa naman si Manang Wena.
Sa wakas at mukhang nakahanap na sila ng labanderang mapagkakatiwalaan at tatagal sa kanila.