Inday TrendingInday Trending
Naiinggit ang Dalaga sa Magkasintahang Panay ang Post ng Litrato sa Social Media; Huwad Naman Pala ang Pagmamahal na Mayroon ang Dalawa

Naiinggit ang Dalaga sa Magkasintahang Panay ang Post ng Litrato sa Social Media; Huwad Naman Pala ang Pagmamahal na Mayroon ang Dalawa

Hangang-hanga ang dalagang si Fei sa relasyon na mayroon ang kaniyang dalawang katrabaho. Bukod sa palagi niyang nakikita ang dalawa na masayang kumakain sa kanilang kantin sa opisina, palagi pang binabahagi ng lalaki sa social media kung gaano ito kasaya sa piling ng dalaga na talagang kaniyang kinaiinggitan. Sa tanang buhay niya kasi, hindi niya pa iyon nararanasan.

“Kailan kaya ako mabibiyayaan ng isang lalaking katulad niya, ano? Sobrang swerte naman ni Heart, pinapangalandakan siya ng nobyo niya! Samantalang iyong huling naging nobyo ko, nagagalit lang kapag hinihiling kong ilagay ang litrato ko sa social media account niya,” sabi niya sa kaibigan habang sila’y naglalakad pauwi galing trabaho, isang hapon nang muli niyang makitang naglagay na naman ng litrato sa social media ang binata.

“Naku, huwag kang mainggit, Fei. Hindi lahat ng nasa social media ay totoo. Malay mo, sa likod ng matatamis na ngiti ni Heart, may mapait pa lang pangyayari,” tugon ng kaibigan niya na talagang ikinakunot ng noo niya.

“Anong klaseng mapait na pangyayari naman iyon? Ikaw talaga! Hindi mo na maiwasan ang pagiging mapanghusga!” inis niyang sigaw dito.

“Hinala ko lang naman iyon dahil kung iisipin, parang ang perpekto ng pag-iibigan nila, hindi ba? Wala namang perpekto sa mundong ito,” katwiran nito kaya siya’y biglang napaisip.

“Ang sabihin mo, naiinggit ka lang din sa kanila katulad ko! Hayaan mo, bespren, mararanasan din nating makaramdam nang wagas na pagmamahal,” wika niya, sasakay na sana sila sa jeep nang biglang may dalagang bumaba sa naturang jeep at ito’y tila tarantang-taranta, “Teka, hindi ba’t si Fei ‘yon?” tanong niya sa kaibigan.

“Halika, sundan natin!” yaya nito kaya agad silang tumakbo patungo sa daang pinuntahan nito.

Habang sinusundan nila ang dalaga, siya’y labis na napapaisip kung bakit ganoon na lamang ang takot sa mukha ng naturang dalaga na unang beses niya lamang nakita dahil ito’y palaging nakangiti, lalo na kapag kasama nito ang naturang nobyo.

“Hindi kaya may gustong magtangka sa buhay niya?” tanong niya sa kaibigan habang patuloy silang tumatakbo.

“Mukhang mayroon nga,” tugon nito saka siya nito hinila sa likod ng isang puno.

Doon na niya nakitang hihinga-hingang dumating ang nobyo ni Heart at ito’y may dalang patalim. Doon niya lang din napansin ang mga pasa nito sa binti at ang hindi nito pantay na buhok na nagbigay na ng takot sa kaniya.

Bago niya pa sabihin sa kaibigan na humingi na ng tulong sa awtoridad, may kausap na itong pulis kaya napagpasiyahan niyang kumuha ng ebidensya sa pangyayaring ito. Agad niyang tinutok sa dalawa ang kaniyang kamera at kitang-kita roon kung paano takutin ng binata si Heart gamit ang patalim at kung paano nito murahin ang dalaga.

Lalapitan na sana nito ang mailap na dalagang takot na takot na, sumirena na ang patrol ng pulis kaya naalarma ang binata. Tinangka nitong tumakas ngunit nakapalibot na pala sa lugar ang mga pulis kaya agad itong nahuli.

Pagkadakip na pagkadakip sa binata, agad niyang niyakap ang dalaga. Iyak ito nang iyak at tila wala na sa tamang pag-iisip. Paulit-ulit nitong sinasabi na, “Matagal na niya akong sinas*ktan. Masamang tao siya, siya ang dapat mawala sa mundong ito!” kaya ganoon na lamang siya nakaramdam ng labis na awa para rito.

Doon niya napagtantong tama nga ang kaniyang kaibigan. Lahat, kayang itago sa matatamis na ngiti at halakhak ngunit ang sakit sa puso ay nananatili sa puso’t isip ng tao.

Tuluyang nakulong ang binata noong araw ding iyon habang agad namang dinala sa ospital ang dalaga.

Hinihiling man niya na sana’y panaginip lang ito, siya’y muling ginising ng kaniyang kaibigan.

“Kaya Fei, huwag ka nang maiinggit sa mga taong masasaya sa social media, ha? Mas maigi nang hindi nilalagay ng binata ang larawan mo sa social media kaysa palagi ka ngang pinagmamalaki sa mundong iyon, sinasaktan ka naman sa likod ng kamera,” payo nito saka na siya niyaya nitong umuwi ng bahay.

Simula noon, hindi na nga siya naghangad ng ganoong klaseng pagmamahal. Bagkus, siya ngayon ay nananalangin na sana, siya’y bigyan ng isang lalaking mamahalin siya nang buong-buo at hindi siya kayang saktan, emosyonal man o pisikal.

Natutuhan niya ring maghintay sa tamang tao, kaysa masaktan ng maling tao na talagang nagligtas sa kaniya sa sakit na dulot ng maling pag-ibig.

Advertisement