Sabik na Sabik nang Magkaroon ng Sariling Anak ang Dalaga; Masusubukan Siya nang Ipaalaga sa Kaniya ang mga Pamangkin Niya
Agad na sumaya ang puso ng dalagang si Karille nang hingan siya ng kaniyang nakatatandang kapatid ng isang pabor.
“Sigurado ka ba, ate? Ipagkakatiwala mo sa akin ang mga anak mo bukas? Baka nabibigla ka, alam mong hindi ako marunong mag-alaga ng bata!” nag-aalinlangan niyang sabi ngunit puno ng kasabikan ang kaniyang puso habang siya’y aligaga sa pag-aayos ng kaniyang higaan.
“Alam ko nga na hindi ka marunong mag-alaga ng bata, pero alam ko rin kung gaano mo na kagustong magkaanak kaya tiwala ako na kahit anong mangyari, aalagaan mo sa abot ng makakaya mo ang mga anak ko,” paliwanag ng kaniyang kapatid na talagang ikinangiti niya.
“Aba, syempre naman, ate! Maraming salamat. Sa wakas, kahit isang araw, mararanasan kong maging isang ina,” tuwang-tuwa niyang sagot.
“Naku, ang ikinakatakot ko lang, baka kapag naranasan mo ang hirap ng buhay ng isang ina, hindi ka na mag-anak sa hinaharap!” sabi nito na ikinatawa niya lamang.
“Kalokohan ‘yan, ate! Sige na, mag-aayos na ako. Pupunta na ako agad do’n sa bahay niyo,” wika niya dahilan para agad na rin itong umalis sa kaniyang bahay.
Dali-dali na siyang nag-ayos ng sarili pagkaalis ng kaniyang kapatid. Sa sobrang kasiyahang nararamdaman niya, pakiramdam niya, siya’y naglalakad sa langit.
Matagal niya na kasing gustong magkaroon ng anak. Sa katunayan, pagkatapos niyang mag-aral, agad na siyang naghangad na biyayaan siya ng anak katulad ng kapatid niyang kapapanganak lamang noon.
Kaya lang, paano siya biniyayaan ng anak kung wala naman siyang nobyo? Ito ang dahilan upang ganoon na lamang siya maghintay ng isang lalaking magmamahal sa kaniya.
Kahit pa ganoon, inabot na ng sampung taon, wala pa ring siyang nagiging nobyo o kahit manliligaw na labis na nagbigay sa kaniya ng kalungkutan.
Araw-araw, gabi-gabi niyang pinapanalangin na sana maranasan na niya ang buhay ng isang ina. Pakiwari niya kasi, ang pagiging ina ang pinakamadaling gawain sa buong mundo. Sabi niya pa nga noon, kapag siya’y nagsilang na, hinding-hindi na siya magtatrabaho dahil bukod sa gusto niyang masaksihan ang paglaki ng kaniyang anak, ayaw niya ring mapagod sa kakatrabaho.
Kaya naman, ganoon na lamang ang saya ngayong araw sa pabor na hiniling ng kaniyang kapatid. Pagkatapos niyang mag-ayos ng sarili, agad na nga rin siyang nagtungo sa bahay ng kaniyang kapatid.
Bumungad sa kaniya roon ang dalawa niyang pamangkin na edad pito at dalawang taong gulang na pareho pang mahimbing ang tulog.
“Umalis ka na, ate, bago pa magising ang mga ito,” payo niya rito.
“Oo na, ito na. Baka gabihin ako ng uwi, ha? Ikaw nang bahala sa mga anak ko,” bilin pa nito bago tuluyang umalis ng bahay.
Buong akala niya, magiging maayos at masaya lang ang araw niya noon. Ngunit nang magising na ang dalawang bata, roon na siya naloka! Agad na umiyak ang bunso niyang pamangkin habang pilit namang nagpapaluto ng pancake ang panganay. Hindi na siya magkandaugaga sa kung ano ang uunahin.
Habang siya’y nagluluto, pilit niyang pinapatahan ang bunso na todo wasiwas naman ng mga gamit sa kusinang kinakailangan niya sa pagluluto na talagang nagbigay ng matinding inis sa kaniya. Ngunit dahil naalala niyang minsan niya itong pinangarap, hinabaan niya ang pasensya niya hanggang sa mapakain na niya ang dalawa.
Hindi pa roon natatapos ang lahat, pagsapit pa ng hapon, kahit pilit niyang patulugin ang dalawa para siya’y makapagpahinga naman, hindi nakinig ang mga ito sa kaniya. Bagkus, nagyaya pa ang dalawa na maglaro sa labas kahit katirikan ng araw.
“Diyos ko! Sayang ang mga pampaputing ginagamit ko,” sabi niya sa sarili habang pinupunasan niya ng pawis ang bunso.
“Tita! Saluhin mo!” sigaw ng nakatatanda niyang pamangkin saka binato sa kaniya ang binilog nitong lupa na talagang ikinainis na niya.
“Pumasok na kayong dalawa sa loob!” sigaw niya kaya natakot ang dalawa at nag-unahang pumasok sa kanilang bahay.
Nang dumating na ang gabi, agad na niyang tinawagan ang kaniyang kapatid dahil pakiramdam niya, anumang oras ay babagsak na ang kaniyang katawan sa pagod na nararamdaman niya.
“Suko ka na agad? Akala ko ba gusto mo nang maging isang ina?” tanong nito.
Paulit-ulit na tumakbo sa isip niya ang tanong iyon hanggang sa mapagtanto niyang siguro, kaya hindi pa siya binibiyayaan ng asawang magbibigay sa kaniya ng anak ay dahil hindi pa siya talaga handa.
Sabi niya pa sa ate niya, “Siguro, ate, kung magkakaroon ako ng anak tapos maiksi lang ang pasensya ko at mabilis akong mapagod, tiyak na hindi lalaking maayos ang magiging anak ko. Akala ko, ate, madali lang ang ginagawa mo. Nakikita ko kasing masaya ka, eh, na para bang wala kang nararamdamang pagod kapag nag-aalaga ka, iyon pala, sobrang hirap maging isang ina. Partida, wala pang isang araw ko itong nararanasan.”
Matapos ang araw na iyon, patuloy man siyang naghahangad na magkaroon na siya ng anak sa kabila ng kalbaryong naranasan, pinapanalangin niya muna sa ngayon na siya’y ihanda ng Panginoon sa isang mabigat na responsibilidad na naghihintay sa kaniya sa hinaharap bilang isang ina.