Pinag-iinitan ng Boss ang Empleyadong Babae; May Malalim Pala Itong Dahilan Kung Bakit Ganoon ang Trato sa Kaniya

Pinag-iinitan ng Boss ang Empleyadong Babae; May Malalim Pala Itong Dahilan Kung Bakit Ganoon ang Trato sa Kaniya

InspiringStoriesSuccess

“Good morning, sir!” nahihiyang bati ni Zandra sa kaniyang boss nang dumating ito sa opisina.

Tinitigan siya nito mula ulo hanggang paa bago nagsalita.

“Anong maganda sa umaga? Tingnan mo nga at hindi ka naman nakangiti sa iyong pagbati. Paano ako maniniwala na sinsero ang pagkakasabi mo ng ‘good morning’?” nakasimangot na sagot ng kanilang boss na si Mr. Arguelles sabay turo sa kaniya.

Nakaramdam ng matinding pagkapahiya si Zandra sa sinabi ng matandang lalaki.

“S-sorry po, sir,” tugon niya sa nauutal na tono.

“At tingnan mo ang sarili mo, hindi mo pa suot ang company ID mo! ‘Dito ka ba talaga nagtatrabaho, hija?” puna pa nito.

Napansin niya na hindi nga niya naisuot ang kaniyang company ID. Naalala niya na nakalimutan niya itong isuot at naiwan sa bag.

“P-pasensya na po, sir. Nakalimutan ko pong isuot. Hindi na po mauulit,” paghingi niya ng paumanhin.

Hindi na kumibo pa ang matanda at nagmamadali na itong nagtungo sa pribado nitong kuwarto.

Napansin din niya na pinagtitinginan lang  siya ng mga kasama niya sa trabaho. Hiyang-hiya talaga siya ng mga oras na iyon. Gusto niyang matunaw sa kahihiyan dahil sa ginawang paninita sa kaniya ng kanilang boss.

Pati sa paggamit niya ng mga gamit sa opisina ay pinupuna siya ng matanda.

“Hindi ganyan ang tamang paggamit ng xerox at fax machine, hija,” saway nito.

“S-sorry po, sir. H-hindi po kasi ako s-sanay na gumamit ng mga iyan,” aniya sa nanginginig na boses.

“Ganito ang tamang paggamit ng mga ito. ‘Di ba, ang dali lang? Ngayon pa lang ay masanay ka na dahil araw-araw mong gagamitin ang mga ito sa trabaho mo rito sa opisina.  Kung nahihirapan ka ay matuto kang pag-aralan ang paggamit ng mga ito, ang lahat naman ng bagay ay napag-aaralan,” tugon ni Mr. Arguelles habang minumuwestra sa kaniya ang tamang paggamit ng xerox at fax machine.

Napayuko na lang siya at hindi na nakasagot pa.

Isang linggo pa lang siya sa kumpanyang pinagtatrabahuhan ngunit napag-iinitan na agad siya ng boss nila.

“Ikaw kasi, Zandra, ayusin mo nga ang sarili mo!” gigil niyang sabi sa isip.

Kilala pa namang istrikto ang kanilang boss at may-ari ng kumpanya na si Mr. Arguelles. Kailangan na iwasang magkamali upang hindi mapuna at mapagalitan lalo na siya na bago pa lang na empleyado roon.

Nang sumunod na araw ay hindi na niya nakalimutang isuot ang company ID niya at pinapraktis na niya ang sarili sa pagngiti para sa pagdating ng kanilang boss ay hindi na siya mapuna nito. Hindi naman kasi siya sanay na palaging nakangiti kaya hirap siyang gawin iyon. Natural sa mukha niya ang pagiging seryoso lalo na kapag nagtratrabaho.

Maya maya ay dumating na si Mr. Arguelles. Hindi pa man niya ito binabati ay nakatingin na agad ito sa kaniya. Nang makita niya na titig na titig ito ay agad niya itong binati.

“Good morning po, sir!” nakangiti niyang sabi.

“Masyado namang OA ang pagkakangiti mo, hija. Halatang hindi totoo. Gawin mo lang na natural para mas magandang tingnan,” sagot ng matanda.

Napakagat-labi si Zandra sa isinagot sa kaniya nito. Hindi pa rin pala nito nagustuhan ang ipinakita niya. Palagi na lang itong may puna sa kaniya.

Nang makapasok sa pribadong kuwarto ang kanilang boss ay pinagtinginan na naman siya ng mga kasama niya sa trabaho. Ang iba ay nahuli pa niyang pinagbubulungan siya. Pakiramdam niya ay pinag-iinitan talaga siya ni Mr. Arguelles at wala rin siyang kakampi sa opisinang iyon.

Sa sobrang sama ng loob ay ipinikit na lang ni Zandra ang mga mata at pilit na pinakalma ang sarili.

“Kaya mo ‘to, Zandra. Ikaw pa ba, lahat kakayanin mo ‘di ba?” bulong niya sa sarili.

Kinahapunan ay ipinatawag siya ni Mr. Arguelles para ibigay rito ang report na pinapagawa nito sa kaniya. Nagmamadali siyang pumasok sa loob ng opisina nito para ipasa ang hinihinging report ngunit pagpasok niya ay agad siyang sinita nito.

“Hindi ka ba marunong kumatok, hija? Hindi mo ba alam na tanda ng pagrespeto ang pagkatok sa pinto bago pumasok?” sabi nito sa kaniya.

Sa sobrang pagmamadali ay nakalimutan niyang kumatok at bigla na lang siyang pumasok sa kuwarto.

“Naku, sorry, sir. Nakalimutan ko po, sorry po talaga!” buong kababaan niyang sagot.

“Okay, apology accepted. Pero sa susunod ay matuto kang kumatok muna bago pumasok,” tugon ng matanda.

Paglabas niya sa kuwarto ni Mr. Arguelles ay halos sampalin niya ang sarili dahil nagkamali na naman siya. Napagalitan na naman siya ng kanilang boss dahil sa katangahan niya.

Mabilis na lumipas ang oras at ilang minuto na lang bago mag-uwian kaya inihanda na ni Zandra ang mga gamit niya. Kinuha niya sa bag ang kaniyang make up at inayos muna ang sarili. Nang biglang lumabas na sa pribadong opisina si Mr. Arguelles at lumapit sa kaniya.

“Hindi pa oras nang uwian pero nagpapaganda ka na, hija?” seryosong nitong tanong.

Dali-daling itinigil ni Zandra ang ginagawa at humingi ng paumanhin.

“S-sorry po , sir.”

“Narito ang report na ginawa mo, ulitin mo ulit ito. May mga maling detalye. Paki-ayos muna bago mo ulit ibigay sa akin. Halatang minadali mo ang pagkakagawa. Gawin mo nang maayos ang trabaho at huwag kang nagmamadali, naiintindihan mo ba, hija?” wika pa ni Mr. Arguelles.

Nakaramdam na naman ng pagkapahiya ang dalaga sa pagkompronta sa kaniya ng matanda.

“O-opo, sir. Hindi na po mauulit at aayusin ko na po,” tugon niya.

“Good,” tangi nitong sagot saka tumalikod at umalis na.

Saglit siyang napanatag sa sinabi nito. Kahit na nagkamali siya ay sinabihan pa rin siya nito ng ‘good’. Para sa kaniya ay nabawasan ang kaba at pag-aalala niya.

Alas singko na ng hapon at oras na para umuwi ang mga simpleng empleyadong kagaya niya. Sa wakas ay makakapagpahinga na rin siya sa maghapong pagtatrabaho. Ilang minuto lang ay nakarating na siya sa kanilang bahay. Agad siyang pumunta sa kuwarto niya para magpalit ng damit at pagkatapos niyon ay pinuntahan niya ang kaniyang ama sa kuwarto nito.

“P-papa, narito na po ako,” aniya.

Nadatnan niya ang kaniyang ama na nakaupo sa sofa at nagbabasa ng diyaryo. Napatingin ito sa kaniya.

“O, hija. Kumusta ang trabaho mo?” seryoso nitong tanong.

“Sorry, papa kung palagi na lang akong may mali at kapalpakang nagagawa sa opisina,” wika niya kasabay nang pagtulo ng luha sa mga mata.

Tumayo sa pagkakaupo ang papa niya at niyakap siya.

“Huwag kang umiyak, anak. Parte ‘yan ng iyong pagsasanay para maging maayos at mahusay kang empleyado upang balang araw, kapag handa ka na ay kaya mo nang mag-isa na pamahalaan ang ating kumpanya. Kailangan mong maging matatag at magkaroon ng tiwala sa iyong sarili,” hayag ng ama.

Si Mr. Arguelles at ang kaniyang ama pala ay iisa. Ipinasok siya nito sa kumpanya nila para sanayin. Darating ang panahon na sa kaniya ipapamana ng kaniyang ama ang kumpanya at siya ang papalit sa posisyon nito. Tinuturuan lang siya nito ng tamang kilos at gawi ng isang maayos na empleyado. Inilagay siya nito sa mababang posisyon para matutunan na ang pagiging Presidente ng isang malaking kumpanya ay pinagpapaguran at pinaghihirapan. Kinausap din nito ang mga tauhan nila sa opisina na huwag siyang pakikialaman, huwag siyang papansinin at tutulungan para matuto siya na hindi dumedepende sa ibang tao.

“Kaya huwag kang magagalit kay papa kapag napagsasabihan kita sa opisina ha?” paglalambing pa ng papa niya habang pinapahid ang luha niya.

“Naiintindihan ko po, papa. Sorry po ulit. Ipinapangako ko po na pagbubutihan ko ang aking trabaho para maipagmalaki niyo ako,” sambit ni Zandra.

“Ngayon pa lang ay ipinagmamalaki na kita, anak. Alam kong kaya mo at kakayanin mo,” sagot pa ni Mr. Arguelles.

Kinaumagahan ay maagang pumasok sa opisina si Zandra. Bitbit ang lahat ng paalala at pangaral ng kaniyang ama. ‘Di nagtagal ay dumating na ito at napatingin sa kaniya.

“Good morning, sir!” masigla at masaya niyang bati.

Nakita ng papa niya ang sinsero niyang pagngiti.

“Good morning!” nakangiting sabi ni Mr. Arguelles bago ito pumasok sa pribado nitong opisina.

Nang matapos niya ang ipinapagawang report ng ama ay agad niya itong ipinasa rito. Maya maya ay ipinatawag siya nito. Hindi na niya nakalimutang kumatok sa pinto bago siya pumasok sa loob ng opisina.

“Pinapatawag niyo raw po ako,” aniya.

“Good job, hija! Maayos ang ginawa mong report, I’am proud of you…anak,” masayang tugon ni Mr. Arguelles.

Walang pagsidlan ang kasiyahan ni Zandra. Umpisa pa lang iyon ng pagpuri sa kaniya ng pinakamamahal niyang ama.

More Stories