Pilit na Inaalagaan ng Isang Matanda ang mga Asong Kaniyang Napupulot; Isa Pala sa mga Ito’y Magdadala sa Kaniya ng Swerte

Pilit na Inaalagaan ng Isang Matanda ang mga Asong Kaniyang Napupulot; Isa Pala sa mga Ito’y Magdadala sa Kaniya ng Swerte

InspiringKarmaStories

Lumalalim na ang gabi ngunit imbis na nagpapahinga na’y patuloy pa rin sa pagkakalkal ng basurahan ng isang restawran ang matandang si Aling Bebang. Isa-isa niyang matiyagang sinasamsam ang mga tirang buto ng manok at ilang pagkaing maaari pa niyang mapakinabangan. Iuuwi niya kasi ang mga ito sa kaniyang mga alagang aso. 

Nag-iisa na lang sa buhay kasi si Aling Bebang. Kasama niyang naninirahan sa kaniyang barung-barong ang sampu niyang mga alagang aso na pinulot lamang niya kung saan-saan. Dahil nga pagbabasura lamang ang tangi niyang pinagkakakitaan ay kailangan niyang abangan pa ang basura ng isang restawran upang mapakain ang lahat ng mga alaga. 

Dahil dito ay araw-araw na laman siya ng tsismisan sa kanilang lugar. Marami kasi ang tutol sa ginagawang pagkupkop ng matanda ng mga ligaw na aso. Para sa kaniyang mga kapitbaha’y banta ito sa kanilang kaligtasan. 

“Aling Bebang, itali niyo naman ang mga aso niyo. Baka mamaya ay makakagat, wala naman kayong kakayahan na ipagamot kami,” sita ng kapitbahay na si Merced na tila tila malalim na tinititigan ng isa sa mga aso ng matanda. 

“Pasensiya ka na,” sambit na lamang ni Aling Bebang habang pilit na pinapapasok sa kaniyang barung-barong ang alagang aso. 

“Saka isa pa, napakaingay sa gabi ng mga alaga niyo. Kung kayo ay nakakatulog ng mahimbing, kami’y hindi! Kaunti na lang po at irereport na talaga namin ang mga iyan sa baranggay!” dagdag pa ng masungit na kapitbahay. 

“Huwag naman, Merced. Pagpasensyahan mo na ang mga alaga ko. Tanging ang mga aso ko na lang ang mga kasama ko sa buhay. Lahat sila ay mahalaga sa akin,” sagot pa ng matanda. 

“Basta, swetuhin mo ang mga alaga mo at wala tayong magiging problema!” sambit pa ni Merced. 

Pagtalikod ng matanda ay siya namang kwento ni Merced sa isa pa nilang kapitbahay sa nangyari sa pagitan nila ni Aling Bebang. 

“Isang beses pa na mamerwisyo talaga ang mga aso niyan, kailangan na nating sabihin ito sa mga kinauukulan. Wala naman siyang kakayahan para mag-alaga ng maraming aso!” dagdag pa ng ginang. 

Ilang araw pa ay muli nilang nakita si Aling Bebang na may bitbit na isa na namang alagang aso. Marami itong galis at maypagka-matapang. 

“Aling Bebang, nag-uwi na naman kayo ng aso. Baka mamaya ay may rabis ‘yan! San aba’y ikaw lang ang makakagat, e!” sita ni Merced sa matanda. 

“Nakita ko lang kasi sa malapit sa estero. Sugatan at walang makain. Kawawa naman kaya inuwi ko na,” paliwanag ng matanda. 

“Talagang nahihibang ka ng matanda ka, no? Sarili mo nga ay hindi mo alam kung saan kukuha ng pagkain, nag-uuwi ka pa ng dagdag responsibilidad. Dagdag perwisyo na naman ‘yang aso na ‘yan para sa amin. Wala na akong magagawa kung hindi ireport talaga ang kabaliwan mo sa baranggay!” saad ng ginang. 

“Parang awa mo na, Merced, baka mamaya ay kung ano ang gawin nila sa mga alaga ko. Nakikiusap naman ako sa’yo. Hayaan mo at hindi ko na sila papalabasin sa aking bakuran. Kailangan ko lang din muna magamot ang asong ito,” muling pakiusap ng matanda. 

Sinigurado ni Aling Bebang na hindi makakapamerwisyo ang kaniyang mga aso. Sa tuwing siya ay aalis upang mangalakal at kumuha ng mga pagakin ng kaniyang mga alaga ay itinatali na niya ang mga ito sa kaniyang bahay. 

Samantala, lubos niyang inalagaan ang asong kaniyang sinagip. Palagi niya itong pinapaliguan. Nagawa pa nga niyang bilhan ito ng gamot para sa mga sugat nito mula sa kakarampot niyang naipon. 

Napapailing na lamang ang mga kapitbahay sa ginagawang ito ng matanda. Kahit hindi na magkandaugaga ay hindi ito ininda ni Aling Bebang. Patuloy siyang naghanapbuhay para mapakain ang kaniyang mga alaga. 

“Talagang nabaliw na ata iyang si Aling Bebang! Tignan mo at parang mga tao kung ituring niya ang mga alagang aso niya. Marahil ay dala na iyan ng depresyon dahil mag-isa na lang siya sa buhay,” wika ni Merced sa kapitbahay. 

Ilang araw ang nakalipas at nagulat ang lahat ng isang sikat na artista ang nagtungo sa barung-barong ng matanda at hinahanap ito. 

Natagpuan niya si Aling Bebang na pinapalibutan ng kaniyang mga aso. Lahat ng alaga ng isang matanda ay malakas na nagsisipagkahulan maliban sa isa. 

“Brownie!” sigaw ng magandang binibini. 

Nagkukuwag naman ang buntot ng asong napulot ni Aling Bebang sa estero at sabik na sabik na nilapitan ang artista. 

“Dito lang pala kita matatagpuan! Kay tagal na kitang hinahanap!” saad pa ng dalaga. 

“Kilala kita, miss. Hindi ba’y artista ka? Ikaw ba si Cheska Diaz? Patawarin mo ako kung ako ma’y nagkamali dahil wala akong telebisyon. Basta nakikita kita sa mga telebisyon sa mga tindahan at karinderya,” saad ng matanda. 

‘Opo, ako nga po si Cheska Diaz. Matagal ko na pong hinahanap itong si brownie. Nakawala po siya sa bahay at mula noon ay hindi na nakita pa. Nagtanung-tanong po ang mga tauhan ko at itinuro nga po itong bahay ninyo. Mahilig daw po kasi kayong mag-ampon ng mga aso. Maraming salamat po at sa inyo siya napunta. Kitang-kita ko pong masaya siya dito,” sambit pa ng dalaga. 

“Napulot ko ang aso mo sa isang estero. Naawa ako dahil parang babawian na siya ng buhay. Mabait naman siya at malambing kaya napalapit na rin ang loob ko sa kaniya,” wika pa ni Aling Bebang. 

“Maraming salamat po sa inyo, Aling Bebang. Gusto ko pa po sanang makipagkwentuhan ngunit marami pa po akong trabaho. Talagang sinadya ko lang po dito ang alaga kong si Brownie,” paalam ni Cheska. 

Tinignan ni Cheska ang bahay ng matanda at ang mga kasangkapan nito. Batid niya ang kahirapan na dinaranas ni Aling Bebang ngunit malaki pa rin ang puso nitong ibahagi ang kahit anong mayroon siya para sa mga aso. 

Samantala, kinakantiyawan naman ng mga kapitbahay itong si Aling Bebang. 

‘“Salamat lang ang natanggap mo mula sa pag-aalaga ng isang aso ng sikat na tao. Mantakin mong ginastusan mo na’t lahat, ay salamat lamang ang natanggap mo!” natatawang sambit ni Merced. 

Ang hindi nila alam ay may inihahandang surpresa si Cheska sa matanda. Ipinagtanong kasi niya ang tunay na kalagayan ng matanda at kung paano nito napapakain ang sampu pa niyang mga aso. 

Ilang araw pa ang lumipas ay muling nagpunta ang sikat na artista sa barung-barong na tinitirhan ng matanda. Dala niya ang isang grupo ng mga karpintero at mga materyales. 

“Nais ko po sanang ipaayos ang inyong bahay. Para naman po sa gayon ay komportable kayo. Sa inyong bahay po’y pagagawan ko din kayo ng isang maliit na tindahan para hindi na po kayo nangangalakal. May binili na rin po akong mga kulungan ng mga aso nang sa gayon ay maayos niyo rin po silang maaalagaan. 

Ako na rin po ang sasagot ng buwan-buwan nilang pagkain para hindi na po kayo mangalakal sa mga basurahan ng restawran. Ito po ang pasasalamat ko sa inyo dahil minahal niyo si Brownie higit pa sa pagmamahal na kaya kong ibigay,” sambit ni Cheska. 

Napaluha na lamang ang matanda sa kabutihang ito ng dalaga. 

“Maraming salamat sa iyo, hija. Sa tanda kong ito’y ngayon lang ako makakalasap ng maginhawang buhay. Tanging ang mga aso ko ang pumapawi ng kalungkutan at pagod ko sa araw-araw. Sila ang dahilan kung bakit ako nagpapatuloy pa,” lumuluhang sambit ng matanda. 

“Hindi man nila ako maintindihan sa kakaibang pagmamahal ko sa mga alaga ko. Kahit nahihirapan ako’y masaya akong kapiling ang mga asong ito,” dagdag pa ng matanda. 

Halos lumuwa naman ang mga mata ng kaniyang kapitbahay dahil sa inggit sa mga natamong biyaya ni Aling Bebang. 

Mula noon ay naging kumportable na ang buhay ni Aling Bebang. Hindi niya akalain na ang simpleng kabutihan niya sa isang ligaw na aso ay gagantihan ng ganitong kalaki. Tunay na pinagpapala talaga ang mga taong gumagawa ng mabuti. 

More Stories