Inday TrendingInday Trending
Hindi Nawalan ng Pag-Asa ang Mag-Ama na Magkaroon ng Magandang Buhay; Isang Araw ay Bigla na Lamang Itong Matutupad

Hindi Nawalan ng Pag-Asa ang Mag-Ama na Magkaroon ng Magandang Buhay; Isang Araw ay Bigla na Lamang Itong Matutupad

“Anak, bakit hanggang ngayon ay hindi ka pa rin natutulog? Dahil ba ito sa pagluwas natin sa Maynila bukas?” tanong ni Mang Dario sa kaniyang anak na si Editha.

“Opo, ‘tay. Saka nalulungkot lang din po kasi ako dahil lilisanin na natin ang bahay na ito. Ang dami kasi nating ala-ala dito. Kanina ko pa nga po tinitignan ang mga laruang gawa niyo sa akin. Naaalala ko ang mga sandaling kalaro ko kayo ni nanay noon,” paglalahad ng dalaga.

“Maging ako ay kinakabahan din, anak. Hindi natin alam kung ano ang dadatnan natin sa Maynila. Kung siguro’y kasama natin ngayon ang nanay mo’y magiging madali lamang ito para sa atin. Palagi niya kasing pinapalakas ang loob natin at alam mo naman ‘yun, sobrang maabilidad,” sambit pa ng ama.

“Natatakot lang ako, ‘tay. Naalala ko rin kasi ang mga kwento niyo noon. Maganda nga sa Maynila ngunit baka mamaya ay hirap lang din ang danasin natin do’n. Wala na tayong babalikan pa dito sa probinsya,” saad pa ni Editha.

Mula kasi nang magkasakit ang kaniyang ina ay unti-unti na nilang naibenta ang kanilang ari-arian. Pati ang munting lupa at bahay na kanilang tinitirhan ay nagawa na nilang maging kolateral sa kanilang utang. Kaya ngayong sinisingil na sila at wala pa rin silang maibayad ay kinakailangan na nilang lisanin ang bahay na naging tahanan nila sa maraming taon.

Paggawa ng mga laruang kahoy ang ipinambubuhay ni Mang Dario sa kaniyang nag-iisang anak. Mahirap at hindi naman sapat din ang kaniyang kinikita. Sa pagluwas nila sa Maynila ay baon nila ang pag-asang sana’y makita nila dito ang pag-asensong kanilang hinahanap.

Ngunit tulad ng maraming kwento ay hindi naging madali para sa mag-ama ang buhay sa Maynila. Napilitan silang manirahan sa isang iskwater malapit sa ilog. Pumasok bilang construction worker itong si Dario nang sa gayon ay mabuhay niya ang anak. Mabigat ang trabaho ay kulang pa rin ang arawan niyang kita mula sa hanapbuhay.

Hanggang isang araw ay iniaayos ni Editha ang kaniyang mga lumang laruan.

“‘Tay, bakit hindi na lang po kayo gumawa ulit ng mga laruan. Tapos ay ibenta natin sa mga taga rito. Kapag nakaipon tayo’y saka tayo kumuha ng maliit na pwesto malapit sa palengke,” saad ng dalaga.

Nagustuahan ni Mang Dario ang ideya ng anak at ito ang kaniyang ginawa sa tuwing wala siyang pasok sa construction. Naging mabenta sa kaniyang mga kapitbahay ang gawa niyang laruan. Maging si Editha ay nagtitinda rin bago at pagkatapos ng kaniyang klase.

Nang malaman din ng ibang katrabaho ni Mang Dario ang kaniyang munting negosyo’y isa-isa silang umorder sa ginoo.

Dahil doon ay mabilis na nakaipon ang mag-ama.

Nagrenta sila ng isang maliit na tindahan malapit sa kalsada upang magbenta ng laruang gawa ni Mang Dario. Upang makatipid ay doon na rin nanirahan ang mag-ama.

Upang mapunan ang renta sa naturang tindahan ay kinailangan ng mag-ama na taasan ang presyo ng laruang kanilang itinitinda. Mula noon ay naging matumal na ang kanilang benta.

Isang araw ay kinausap sila ng may-ari ng pwesto. May iba kasing nais na umupa sa pwesto ng mag-ama kaya pinapaalis na sila.

“Bigyan niyo pa po kami ng kaunting panahon. Makakabayad din kami. Wala na kaming ibang mapupuntahan,” pakiusap ni Mang Dario.

“Wala akong pakialam sa inyong mag-ama. Negosyo ko ang magpaupa at hindi na ako kumikita sa inyo! Kailangang umalis na kayo dito sa pwestong ito!” saad pa ng ginang.

“Tatlong araw lamang ang palugit na maibibigay ko! Kapag sa loob ng tatlong araw na iyon ay wala pa rin kayong pambayad ay magbalot-balot na kayo ng gamit at paninda niyo! Kay papanget kasi ng mga laruang ito! Wala talagang bibili ng mga ‘yan!” dagdag pa ng galitna kasera.

Labis ang pag-aalala ng mag-ama kung saan sila hahanap ng perang pambayad sa ginang.

“Huwag po kayong mag-alala, ‘tay, may awa ang Diyos at hindi Niya tayo pababayaan,” saad ni Editha sa ama.

Maya-maya ay mayroong isang batang iyak ng iyak at tila nawawala. Takot na takot ito at hindi alam kung saan siya pupunta. Agad itong nilapitan ni Editha.

“Neng, nawawala ka ba? Asan ang mga magulang mo?” tanong nito sa bata.

Ngunit walang patid pa rin ang pagngawa ng bata.

Upang mapatigil ni Editha sa pag-iyak ang bata ay binigyan niya ito ng laruan.

“Marami pa kaming laruan sa loob ng tindahan. Tara at tignan mo. Dito ka na muna sa amin. Irereport natin ito sa mga pulis para sunduin ka na dito ng mga magulang mo,” saad pa ng dalaga.

Aliw na aliw ang bata habang naglalaro ng mga laruang gawa ni Mang Dario.

Ilang sandali pa ay nariyan na ang mga pulis kasama ang magulang ng bata.

Mabilis na tumakbo patungo sa kaniyang mga magulang ang bata.

“Maraming salamat sa inyo. Mabuti na lamang at kayo ang nakakuha sa aming anak. Baka mamaya ay napano na siya at kung saan pa siya napadpad,” saad ng ginoo sa mag-ama.

“Wala pong anuman iyon. Karangalan po namin ang makatulong sa kapwa,” saad ni Mang Dario.

Napansin ng ama ng bata na may bitbit itong laruan.

“Magkano po ang laruang ito at babayaran ko,” saad ng ginoo.

“Naku, h’wag mo nang bayaran, ginoo, at regalo na namin iyan sa anak mo.

Basta ipangako mo, neng, na hindi ka na muling aalis pa sa piling ng mga magulang mo ah. Hindi iyon tama,” saad ni Mang Dario sa bata.

Napansin ng ginoo ang kaledad ng mga laruang binebenta ni Mang Dario.

“Saan niyo hinahango ang paninda niyong laruan?” tanong ng ginoo.

“Gawa po ng tatay ko ang lahat ng iyan. Noon pa ho’y gumagawa na siya ng mga laruan. Kahit po ang mga laruan ko’y gawa lang din niya,” makangiting sagot ni Editha.

Ang hindi alam ng mag-ama ay ang kausap nila’y isang mayamang may-ari ng isang mall na si Ginoong Sarmiento.

“May sarili akong pagawaan ng mga laruan. Mas madami ang magagawa at mas mura itong maibebenta kung gagamitin mo ang aking mga makinarya. Gusto ko ang mga disenyong ito. Kung papayag ka ay nais ko sanang kunin ka bilng kasosyo. Natitiyak kong papatok ang mga laruang ito kapag binenta natin sa mall,” alok ng mayamang ginoo.

Gulat na gulat at hindi malaman ng mag-ama ang kanilang sasabihin dahil sa alok ng ginoo.

“Hindi ko po matatanggihan ang inyong alok. Sa katunayan ay kailangan na naming umalis dito sa pwesto namin dahil hindi na kmi nakakabayad pa ng upa. Matagal ko na pong pangarap na makapagbenta ng laruang mura at maganda ang kalidad. Sa tulong ninyo ay maisasakatuparan ko na ito,” naluluhang sambit ni Mang Dario.

Agad na na sinimulan ang produksyon ng mga laruang kahoy ni Mang Dario. Labis ang kaniyang pagkamangha dahil sa tulong ng mga makinarya at magagandang kalidad ng materyales ay mas napaganda pa ang kaniyang mga disenyo.

Tunay na pumatok nga ito sa maraming bata at maging sa mga magulang na nais bigyan ng laruan ang kanilang mga anak.

Hindi naglaon ay naging kilala ang kanilang mga laruan. Dito na nagsimula ang pag-asenso ng buhay ng mag-ama.

Habang tinitignan ng mag-ama ang buhay na kanilang naranasan ay hindi na lamang nila naiwasan ang lumuha.

“Hindi ko inaakala na isang araw ay mararating din natin ang lahat ng tagumpay na ito. Marahil ay masaya ang iyong ina sa langit habang pinagmamasdan niya tayo,” saad ni Mang Dario sa kaniyang anak.

“Lahat ng ito ay dahil sa abilidad ninyo, ‘tay. Maraming salamat din kay Ginoong Sarmiento dahil tinulungan niya tayo. Lahat ng hirap at pagsasakripisyo ninyo ay nagkaroon na rin ng magandang bunga,” wika pa ni Editha.

Dahil sa tagumpay ng mag-ama, ngayon ay may sarili na silang malaking tindahan ng laruan. Hindi naman nakalimutan ng mag-ama na ibalik ang lahat ng kasaganahan na kanilang tinatamasa. Hanggang kaya nila’y tumutulong sila sa mga kabataan at pamilya na nangangailangan at salat sa buhay.

Naghatid ng matinding inspirasyon ang mag-ama sa mga kagaya rin nilang nais na magtagumpay sa buhay.

Advertisement