Galit ang Mister sa Kaniyang Misis sa Pagkakaudlot ng Plano dahil Lamang sa Panaginip; Magugulat na Lamang ang Dalawa sa Kanilang Mababalitaan

Eksaktong alas tres ng madaling araw ay biglang nagising mula  sa isang bangungot itong si Carla. Napasigaw siya sa tindi ng kaniyang panaginip. Kumakabog ang kaniyang dibdib at tila uhaw na uhaw. Nagising naman ang asawang mahimbing na natutulog sa kaniyang tabi. 

“Anong nangyari sa iyo, love?” tanong ni Christian sa kaniyang misis.

“Nanaginip ako ng masama! Parang totoong totoo ito!” sambit ng natatakot pa ring ginang.

“Bumalik ka na sa pagkakatulog at panaginip lang ang lahat ng iyan. Marami tayong aasikasuhin sa opisina bukas,” sambit ng mister habang inaalo ang kaniyang asawa.

“Sige, mauna ka nang matulog. Sobrang sama talaga ng panaginip ko. Bababa muna ako sa kusina upang kumuha ng tubig,” saad pa ni Carla.

Mula sa oras na iyon ay hindi na nagawa pang matulog ni Carla. Labis niyang iniisip ang kaniyang panaginip.

Sa kanilang opisina ay lagi na rin siyang natutulala. Napansin ito ni Christian.

“Iniisip mo pa rin ba ang masamang panaginip mo?” tanong ng ginoo.

Advertisement

“Oo, sa tingin ko ay may nais ipahiwatig sa akin ang panaginip kong iyon,” tugon naman ni Carla.

“Ano ba talaga ang napanaginipan mo at tila takot na takot ka?” tanong muli ng mister.

“Nasa ospital daw ako at mahimbing na natutulog. Paggising ko ay uhaw na uhaw ako ngunit ang lahat ng aking hawakan ay nababasag. Lumabas ako ng silid upang maghanap ng nars o kung sino mang makapagbibigay sa akin ng inumin. Sa aking paglalakad ay napahinto ako sa isang kwarto. Sa pagkakatanda ko ay Room 204 iyon.

Nang basahin ko’y morge ito. Bigla itong bumukas at may isang nars na kumausap sa akin. Ako na raw ang susunod. Takot na takot ako, love. Mabuti na lamang talaga’t nagising ako!” paglalahad ni Carla. 

“Sa tingin mo, love, anong ibig sabihin ng panaginip ko? Isa kaya itong pangitain?” tanong pa ng ginang.

“Hindi ba, may kasabihan ang mga matatanda na kabaligtaran daw ang ating panaginip? Baka senyales iyan ng mas mahabang buhay. O kaya ng panibagong buhay. Baka magkaka-anak na tayo,” masayang sambit pa ni Christian.

“Sana nga ganun lang, love. Kasi hanggang ngayon ay takot na takot pa rin ako,” saad muli ni Carla.

“Baka na iistres ka na masyado dito sa opisina. Hayaan mo pagkatapos talaga ng presentation natin kay Mr. Ang sa China ay magbabakasyon tayo. Sa ngayon ay kailangan muna nating mag-focus sa ipapakita natin sa kaniyang proposal para sa expansion ng ating kompanya,” wika pa ng ginoo.

Advertisement

Pilit na iwinaksi ni Carla sa kaniyang isipan ang kaniyang panaginip. Nagpaka-abala na lamang siya sa kaniyang trabaho upang hindi na niya ito muli pang maisip. 

Ngunit kinagabihan ay ganito na naman ang kaniyang panaginip. Gumising na naman siya ng mag-aalas tres ng madaling araw at takot na takot.

“Bumalik ka na sa pagtulog. Inisip mo kasi iyan ng matindi kaya ayan na naman ang napanaginipan mo,” saad ni Christian sa asawa.

Ngunit makalipas ang limang mga gabi pa’y parehong senaryo ang kaniyang napapanaginipan. Muli’y bumalikwas na naman siya mula sa mahimbing na pagkakatulog.

“Sa tingin ko ay may nais ipahiwatig sa akin ang aking panaginip, love,” kakaba-kabang sambit ni Carla.

“Ano naman sa tingin mo?” tanong ni Christian.

“HIndi ko alam pero ramdam kong mayroon talaga!” giit ng ginang.

“Matulog ka na ulit, love. Baka sa kaba mo lang iyan. Matulog ka na at marami pa tayong tatapusin para sa presentation natin. Tapos bukas ay hating gabi ang flight natin. Kailangan mo ng sapat na pahinga,” naiinis na sambit ni Christian.

Advertisement

Ngunit pilitin man ni Carla’y hindi na siya makabalik sa pagtulog.

Dumating ang araw ng kanilang flight. Hating gabi at patungo na sila sa airport. Hindi maintindihan ni Carla ang kaniyang nararamdaman. Tila takot na takot siya na may masamang mangyari.

“Kakaisip mo lang iyan ng panaginip mo, love. Matagal na nating hinihintay ang araw na ito. Alam mo paano natin ito pinaghandaan! Ayusin mo ang sarili mo at baka nga malasin tayo!” saad pa ng ginoo.

“Basta, masama ang pakiramdam ko sa pag-alis nating ito, love. Sabihin mo kaya kay Mr. Ang na sa mahuhuli tayo ng isang araw,” saad pa ng ginang.

“Tigilan mo iyan! Baka mamaya ay umatras pa sila. Ilang buwan nating pinaghandaan ito tapos ay ganiyan lang ang sasabihin mo!” naiinis na sambit ng asawa.

“Hindi talaga ako mapakali, love. Alam kong may nais ipahiwatig sa atin ang panaginip ko!’ muling giit ni Carla.

Sa paliparan ay hindi na nagpapansinan ang dalawa. Habang naglalakad si Carla ay bigla na lamang siyang nagulat nang may biglang mabasag sa kaniyang harapan.

Naalala niya ang kaniyang panaginip. Sinabi niya ito sa kaniyang asawa ngunit hindi siya pinakinggan nito.

Advertisement

Naghihintay na sila upang tawagin sa pagpasok ng kanilang sasakyang eroplano nang biglang mapansin ni Carla ang pangalan nito.

“China Air 204?” pabulong na sambit ni Carla.

“Love! 204 ang kwarto ng morge na nasa panaginip ko! Baka ito na nga ang nais ipahiwatig ng panaginip ko!” sambit ng ginang sa kaniyang asawa.

“Itigil mo na ang kahibangan mong iyan, Carla. Panaginip lang ang lahat ng iyon! Wala iyong kahulugan, pwede ba? Manahimik ka na riyan at antayin mong makapasok tayo sa eroplano. Huwag mong sirain ang araw natin!” galit na tugon ni Christian. 

Nang sila’y tawagin na upang pumasok na sa erolplano’y patuloy pa rin ang pagtatalo ng mag-asawa.

“Halika na, Carla! Huwag ka nang gumawa pa ng iskandalo dito!” sambit ni Christian.

“Hindi ako sasakay sa eroplanong iyan, Christian! Ikaw na lang kung gusto mo! Pero naniniwala ako sa panaginip ko. Hindi ko iyon mapapanaginipan ng paulit-ulit kung wala itong nais ipahiwatig!” sigaw ni Carla.

Lahat ay nakatingin na dahil sa pagtatalong ito ng mag-asawa.

Advertisement

Hanggang sa tuluyan na silang naiwan ng kanilang eroplano.

“Ang laki nang sinayang mong oportunidad, Carla, nang dahil lamang sa isang panaginip! Hindi ako makapaniwala sa ginawa mong ito! Kasalanan mo kapag umatras ang investors natin! Pera na naging bato pa!” galit na galit na sambit ng ginoo.

Walang nagawa si Christian kung hindi iuwi na lamang ang mag-asawa. Habang mauwi sila ng bahay ay nakatanggap sila ng tawag mula sa ina ni Carla.

“Ma, bakit parang takot na takot kayo? Ano po bang nangyari?” sunud-sunod na tanong ni Carla sa ina.

“Mabuti na lang at sinagot mo ang telepono. Narito ngayon sa telebisyon na may sumabog daw na eroplano at walang nakaligtas. Nang malaman kong byahe ito papuntang China ay kinabahan ako dahil alam kong ngayon ang flight ninyong mag-asawa” saad pa ng ina.

“May nangyari po kaya hindi kami natuloy. A-ano pong pangalan daw ng eroplano, ma?” kinakabahang tanong din ni Carla.

“China Air 204 daw. Kaninang madaling araw lang umalis,” tugon naman ng ina.

Nabitawan na lamang ni Carla ang kaniyang telepono. Nang malaman ito ni Christian ay napahinto siya sa pagmamaneho ng sasakyan. Hindi sila makapaniwala na mangyayari ito sa kanila. Muntik na pala silang masama sa pagsabog na iyon ng naturang eroplano.

Advertisement

Nagyakap na lamang ang dalawa dahil sa panibagong buhay na ibinigay sa kanila. Hindi alam ni Christian kung paanong magpapasalamat sa pangitain ng kaniyang asawa at paanong hihingi ng paumanhin dito.

Nakatanggap din sila ng tawag galing sa kanilang ka-meeting na si Mr. Ang. Nang malamang hindi sila nakasama sa pagsabog ng eroplano’y agad nitong tinuloy ang kanilang pag-iinvest sa kompanya ng mag-asawa sa paniniwalang swerte ang mga ito.

Simula noon ay binigyang halaga na ng mag-asawa ang kanilang mga panaginip. Hindi na nila ito basta na lamang binabalewala dahil alam nilang ang mga panaginip ay maaaring nagbibigay ng babala para sa kanilang hinaharap.